"ANG yaman mo pa talaga, no?" sabi pa ni Luisa habang naglalakad sila sa malawak na hardin ng mansion.
"Ang daddy ko ang mayaman, hindi ako."
Kunot-noo siyang lumingon. "Ha? Eh di ba ganoon din 'yon?"
"Hindi ah, si daddy ang nagtrabaho para yumaman siya. Ako hindi pa naman ako nagtatrabaho, kaya siya lang ang mayaman."
"Hmm... ganoon ba 'yon?"
"Sa akin? Oo."
"Ngayon nakatira na kami dito, ano tatawag ko sa'yo? Sir Levi?"
"Bakit naman may Sir pa?"
"Eh siyempre, amo ng tatay ko ang daddy mo."
"Pero magkaibigan din sila."
"So, magkaibigan din tayo?"
"Ayaw mo ba?"
Natawa si Luisa. "Gusto!"
Pero nawala kay Levi ang atensiyon niya nang makakita ng puno.
"Uy puno ng mangga!" bulalas niya saka tumakbo palapit doon. Pagkatapos ay agad na inakyat iyon.
"Hoy, sandali! Anong ginagawa mo?!" natatarantang tanong ni Levi.
Huminto si Luisa sa pag-akyat sa puno saka salubong ang kilay na lumingon.
"Umaakyat, alangan naman lumilipad," pilosopong sagot niya.
Marahas napabuntong-hininga si Levi at umiling.
"Alam ko umaakyat ka pero bakit ka umaakyat diyan?!" tila nakukunsume na sagot nito.
"Bawal ba?" inosenteng tanong niya.
"Hindi pero baka kasi mahulog ka pa!"
"Hindi 'yan, sanay naman ako eh!"
Kahit anong pagpigil ni Levi ay hindi iyon pinansin ni Luisa. Sa halip ay nagpatuloy sa pag-akyat sa puno na sanay naman siyang gawin. Ilang taon silang tumira sa probinsya ng kanyang tatay bago tuluyan manirahan sa Maynila. Kaya naman sanay siyang umakyat sa mga puno.
"Wow, may bunga, gusto mo?! Kumakain ka ba ng mangga?" tanong niya kay Levi.
"Hindi eh!"
"Ay bakit?! Ang sarap ng mangga eh!"
"Ay naku, Luisa! Anong ginagawa mo diyan na bata ka? Baka mahulog ka at mapilayan?!" natatarantang sabi ni Nanay Elsa.
"Hindi po, sanay po akong umakyat sa mga puno!"
Pumitas si Luisa ng apat na mangga. "Oh, saluhin mo!" sabi niya kay Levi.
Isa-isa niyang binato iyon kay Levi.
"Hala at tama na 'yan, bumaba ka na riyan at baka mahulog ka," saway ulit sa kanya ni Nanay Elsa.
Masaya na bumaba si Luisa. Malapit na siyang makababa nang biglang kagatin ng malalaking langgam o iyong tinatawag na hantik ang kanyang mga kamay.
"Aray! Aray ko!" bigla niyang sigaw.
Dahil sa sakit ng kagat ng malalaking langgam. Napabitaw ng wala sa oras si Luisa at tuluyan nahulog kaya napasigaw siya ng malakas.
BINABASA MO ANG
Midnight Rain
FantasyThere is something in the rain. At the very beginning of the rainy season, same nightmare hunts Luisa every night. A dream that lies between reality and fantasy. Sa tuwing umuulan ay may bigat siyang nararamdaman na hindi maipaliwanag. Isang panagin...