"BIGLAAN yata ang pag-alis mo," sabi ng mabait na landlord ni Luisa.
"Oo nga po eh, mahaba pong kuwento eh."
Tumingin ito sa kanyang bandang likuran kung saan nakatayo si Levi at naghihintay.
"Siya ba ang lalaking kinuwento mo sa akin noon?"
Ngumiti si Luisa at tumango.
"Siya nga po."
Bumuntong-hininga ang may edad na babae at ngumiti rin sa kanya.
"Tignan mo nga naman ang tadhana, sa haba ng panahon na pinagtaguan mo siya at nabuhay ng malayo, sa huli sa kanya pa rin ang bagsak mo."
"Oo nga po, parang noong magkita kami doon sa pinapasukan ko na restaurant. Naisip ko, siguro ang Diyos na rin po ang gumawa ng paraan para magkita kami. Hindi na po ako nakipagtalo pa sa Kanya. Tinanggap ko na lang."
"Mahal mo pa rin ba?"
"Opo. Sobra. Walang nagbago."
Hinawakan nito ang kanyang kamay at tinapik iyon ng marahan. "Kung ganoon wala nang dahilan para pigilan kita."
"Salamat po sa lahat. Iyong mga gamit ko po sa loob ng apartment, iiwan ko na po. Puwede n'yo na po ipagamit sa susunod na uupa."
"Sige. Salamat din."
Matapos makapagpaalam ay sinalubong siya ni Levi ng ngiti at hinawakan ang kanyang kamay.
"Let's go home."
Wala ng mas sasaya pa sa kanilang dalawa ngayon na muli silang bumalik sa piling ng isa't isa. Kung iisipin ang tungkol sa problema nila kay Marga, alam ni Luisa na hindi magiging madali ang lahat. Pero wala silang hindi kakayanin dalawa basta't wala ng bibitaw pa. Walang sino o ano man ang nakapigil kay Luisa para makaramdam ng pananabik sa buhay na naghihintay sa kanya kasama ni Levi. Isang pangarap na hindi niya akalain na matutupad pa. Nang makauwi ay pinagtulungan nilang dalhin ang kanyang mga bagahe.
"Napagod ka ba?" tanong pa niya.
"Hindi naman, konti nga nitong mga damit mo."
"Oo, sinadya kong hindi masyadong bumili para hindi mahirap magligpit kapag naglipat. Alam mo na noong nagtatago ako sa'yo, kung saan saan ako lumilipat para hindi mo makita," paliwanag ni Luisa saka kumuha ng tubig sa ref.
Bahagya pa siyang nagulat nang biglang yumakap si Levi sa kanya mula sa likod.
"Hindi mo na ako matataguan ngayon," pabirong komento nito.
Lumingon siya dito. "Wala naman akong balak magtago," nakangiting sagot niya pagkatapos ay mariin itong hinalikan sa labi.
Nang pumihit siya paharap ay niyakap siya ni Levi ng mahigpit. Narinig niyang huminga ng malalim ang nobyo.
"Thank God, you're here. I am so happy. Hindi ako makapaniwala kaninang umaga noong magising ako at ikaw ang una kong nakita. Akala ko panaginip pa rin. Ngayon kumpleto na ang buhay ko."
"Same here, parang hindi totoo."
"Oo nga pala, may mga kailangan tayong pag-usapan," pag-iiba nito sa usapan pagkatapos ay kumalas ito sa pagkakayakap sa kanya.
BINABASA MO ANG
Midnight Rain
FantasyThere is something in the rain. At the very beginning of the rainy season, same nightmare hunts Luisa every night. A dream that lies between reality and fantasy. Sa tuwing umuulan ay may bigat siyang nararamdaman na hindi maipaliwanag. Isang panagin...