Chapter 5

134 11 1
                                    

          "MARAMING salamat, ha?" sabi ni Luisa sa lalaking nagligtas sa kanya. Walang iba kung hindi ang lalaking palaging nakatayo sa tapat ng bahay niya.

"Walang anuman, mabuti na lang at narinig kitang sumigaw."

Biglang tumulo muli ang luha ni Luisa nang maalala ang muntik nang mangyaring masama sa kanya.

"Oh, tahan na," pag-aalo nito.

"Kung hindi ka dumating, hindi ko ma-imagine kung ano na ang kinahinatnan ko."

"Pero dumating naman ako, wala ka dapat ipag-alala."

Matapos ang nangyaring gulo, pinayuhan si Luisa ng lalaking tumulong sa kanya na pumunta sa pulis para i-report ang nangyari. Sinasama niya ang lalaki ngunit sinabi nito na susunod na lang, pero hindi rin ito pumunta sa presinto. Doon nailarawan niya ang itsura ng lalaking pumasok sa loob ng bahay niya at nagtangkang gumahasa sa kanya. Kasama sa nireport niya ay ang perang nakuha nito mula sa kanya.

Sa kasamaang palad, dahil sa gulo ng isip at takot, hindi nakita ng maayos ni Luisa ang itsura ng lalaki nang tanggalin ang mask na tumatakip sa kalahating mukha nito. Nang dumating naman ang lalaking nagligtas sa kanya, madilim ang paligid kaya hindi niya naaninag ang mukha nito. Matapos niyang mag-report ay hinatid pa siya ng mga nakakilalang pulis sa kanya.

"Bakit pala hindi ka sumunod sa presinto?"

"Ah, pasensya ka na ha? May emergency din bigla sa bahay kaya nagmadali akong umalis, hindi na ako nakasunod sa'yo. Pero anong sabi sa'yo ng mga pulis?"

"Ipapahanap daw nila, pamilyar daw sa kanila 'yong suspect base sa pagkakalarawan ko. May ilan babae na rin daw ang nagreport sa kanila na pareho ng nangyari sa akin, pinasok ng magnanakaw tapos ni-rape. Masuwerte nga daw ako dahil hindi natuloy 'yong nangyari sa akin."

"Okay ka na ba ngayon?" tanong pa sa kanya ng lalaki.

Bahagyang ngumiti si Luisa. "Oo."

"Kung ganoon, mauna na ako," paalam nito.

Agad tumayo ang lalaki at naglakad patungo sa pinto sa kusina, kung saan marahil ito dumaan kanina maging ang magnanakaw. Ngunit nang maalala ni Luisa na mag-iisa na naman siya, nakaramdam siya ng takot.

"Sandali lang!" pigil niya dito.

Huminto sa paglalakad ang lalaki. "Huwag mo muna akong iwan, natatakot akong mag-isa," mangingiyak-ngiyak na sabi niya.

Lumingon sa kanya ang lalaki at matagal siyang tinitigan. Para bang pinag-iisipan nito kung pagbibigyan siya o hindi. Huminga ito ng malalim saka bumalik.

"Sige," pagpayag nito at muling naupo sa katabi niyang bakanteng silya doon sa dining table.

"A-Ano nga pala ang pangalan mo?" tanong pa ni Luisa.

Inabot nito ang isang palad. "Levi. Levi Serrano."

Bahagyang tumikhim si Luisa at tinanggap ang pakikipagkamay nito.

"Luisa. Maria Luisa Ramirez," pagpapakilala niya.

"I know."

"Huh? Kilala mo ako?" gulat at napamulagat na tanong niya.

Nagkibit-balikat ito. "Not really, naririnig ko lang madalas ang pangalan mo. Sa umaga, kapag tinatawag ka ng mga kasama mo dito sa bahay, naririnig ko 'yon."

Midnight RainTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon