Chapter 2

196 11 0
                                    

KANINA lamang umaga ay mataas ang sikat ng araw. Pinawisan halos ang kanyang buong katawan dahil sa init. Ngunit ngayon ay parang may bagyo dahil sa lakas ng buhos ng ulan.

Alas-dos na ng madaling araw pero hindi pa siya inaantok. Katatapos lang ng interview niya at mag-iisang oras na ang nakakalipas para sa bagong trabaho bilang virtual assistant. Masaya si Luisa dahil pinalad siyang makapasa at bukas na ng gabi ang simula sa trabaho. Kasabay niyon ay ang pag-asa na mahinto na ang paulit-ulit na panaginip na sadyang nagbibigay sa kanya ng takot.

Dahil wala na naman gagawin, muling binuksan ni Luisa ang laptop at nag-surf sa kanyang social media accounts. Plano niyang ubusin ang oras habang naghihintay ng pagliwanag sa panonood ng pelikula. Nasa kalagitnaan siya ng ginagawa nang mapahinto at bahagyang magulat matapos dumagundong ng malakas ang magkasunod na kulog at kidlat. Dahil doon ay biglang bumukas ang bintana. Dali-daling napatayo si Luisa, isasarado na lang niya iyon nang may makakuha ng kanyang atensiyon mula sa labas ng bahay.

Napakunot noo si Luisa nang mapansin ang isang pigura ng lalaki. Nakatayo sa tapat ng kanyang bahay, wala itong payong kaya basang-basa ito ng ulan.

"Sino kaya 'yon? Bakit siya nakatingin dito sa bahay?" nagtataka na tanong niya sa sarili.

Hanggang sa naalala niya ang lalaking narinig niya na umiiyak ilang gabi na ang nakalipas. The built, his height, and the clothes he is wearing at that moment are pretty much the same. Nakaramdam ng takot at pag-aalala si Luisa. Kung noong una ay naawa siya ngayon ay napalitan iyon ng takot. Paano kung may masama itong balak? Paano kung magnanakaw ito? O kaya ay mamamatay tao o kaya naman ay rapist? Paano kung modus operandi lang pala ito ang pag-iyak nito pero ang totoo ay naghihintay ito ng may lalapit pagkatapos ay saka ito mangho-holdup. Ngayon lang din niya naisip na sino ang matinong tao ang iiyak ng ganoon sa kalagitnaan ng gabi kung kailan tulog na ang lahat at walang katao-tao sa kalsada. Paano kung nag-iisip na pala ito kung paano papasukin ang bahay niya. Ang mga iyon ang agad pumasok sa kanyang isipan. Kung ganoon mabuti na lang pala ay lumabas ng gabing iyon si Tere kung hindi ay baka napahamak na siya.

Dahan-dahan hinawi ni Luisa ang kurtina at sumilip ulit ito. Biglang kumabog ang kanyang dibdib sa kaba at gulat dahil eksaktong pagsilip ay siyang lingon nito sa gawi ng bintana kung saan siya nakatayo. Kahit madilim at hindi maaninag ang mukha nito, alam ni Luisa na nakatingin din ito sa kanya. Agad niyang tinabing muli ang kurtina at nagmamadaling lumabas ng silid at nag-check ng pinto. Siniguro niyang naka-lock iyon hindi lang ang doorknob kung hindi maging ang lock sa taas at baba ng pinto. Maging ang pinto sa kusina papunta sa likod-bahay ay inispekyon din niya at siniguro na naka-lock, pati ang mga bintana. Praning na kung praning, but better safe than sorry, sabi nga nila.

Huminga siya ng malalim matapos ma-check lahat ng pinto at bintana. Matapos ay saka siya bumalik sa kuwarto. Lihim niyang sinilip ulit ang lalaki. Naroon pa rin ito at hindi natitinag sa kinatatayuan. Naghintay siya na umalis ito pero hindi ito kumikilos sa paglipas ng mga minuto. Hanggang sa natagpuan ni Luisa ang sarili na patuloy na pinagmamasdan ang mahiwagang lalaki na nakatayo sa ilalim na ulan. Kahit hindi nakikita ang mukha, may kung anong bigat siyang nararamdaman.

"Sino kaya siya? Ano kayang kailangan n'ya dito? Bumaba kaya ako?" sabi pa niya sa sarili.

Mayamaya ay pinilig niya ang ulo.

"Hindi, huwag kang lumabas, Luisa. Nakaligtas ka na nga noong una eh, dito ka na lang, 'wag kang pakialamera," sermon niya sa sarili.

Ilang sandali pa ay natanaw niya sa 'di kalayuan ang mobile ng barangay na parating at gabi-gabig rumoronda sa buong barangay nila. Umasa si Luisa na hihinto iyon para sitahin ang lalaki. Pero dumiretso lang ang mga barangay tanod na para bang walang nakita. Napabuntong-hininga na lang siya sa pagkadismaya. Kaya naman sinarado na lang niya muli ang kurtina at tinuloy na ang pinapanood.

Midnight RainTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon