"IAN," bungad ni Levi pagsagot ng tawag nito.
"Nasaan ka?" tanong nito agad.
"Nandito sa mansion. Tumawag si Foreman sa akin kanina dahil hindi nila mabuksan itong quarters ni Nanay Elsa, kaya dumaan kami dito para buksan iyong pinto gamit ang duplicate key. Pero nagulat kami ni Luisa sa nakita namin," paliwanag niya.
"Kuya Levi, makinig ka sa akin. Mukhang sa iisang tao ang patungo ng sinabi mo at nang nalaman ko. Nagsalita na si Mommy sinabi na niya sa akin lahat, and this is something that we never saw coming. Pero ang gusto niya ay siya mismo ang magsasabi sa'yo."
"Sige, kakausapin ko siya. Nariyan ka ba sa presinto?"
"Oo. Sandali ibibigay ko sa kanya ang phone."
Habang naghihintay ay patuloy na naglakad si Levi doon sa attic. At doon sa lapag sa ibaba lang ng bintana, natagpuan niya ang malalaking piraso ng kahoy. Kapareho ng dalawang kahoy na muntik tumama kay Luisa. Kung ganoon, tama ang hinala ng kanyang asawa, may sadya nga na bumato dito mula doon sa attic. At hindi rin malayo na tama rin ang hinala nito na may tumulak dito sa hagdan.
"Levi," bungad ni Marga sa kabilang linya.
"I think I already have an idea," sagot niya.
"Hindi ako ang kaaway mo, Levi. Oo, inaamin ko. Pera ang habol ko sa Daddy mo, pero iyon lang! Hindi ko intensiyon noon na saktan siya. Ang plano ko lang naman noon ay aalis ako agad makuha ko lang ang gusto ko."
"Pero pinatay mo pa rin siya! At dinamay n'yo pa ang tatay ni Luisa!"
"Hindi ako ang may pasimuno ng lahat! Sumunod lang ako dahil kung hindi ko siya sinunod noong panahon na 'yon. Isusumbong niya ako sa mga pulis at makukulong ako!"
Hindi agad nakapagsalita si Levi. Hirap na hirap siyang ibuka ang bibig. Hindi makapaniwala sa hinala na nabubuo sa kanyang isipan. Ayaw niyang maniwala kay Marga, pero palagi niyang naalala ang sinabi ni Mang Temyong na may isang tao na malalim ang galit na siyang nagsimula ng lahat ng nangyari sa kanilang pamilya. At kung pagbabasehan ni Levi ang nakita niyang mga ebidensya sa baba, isang tao lang ang tinuturo ng lahat ng iyon.
"Imposibleng si Nanay Elsa. Mahinahon at napakabait ng taong 'yon. Matagal na siya sa amin at—"
"Hindi mo siya kilala, Levi. Isa siyang lobo na nagpapanggap na maamong tupa. Magaling siyang magtago at umarte pero ang totoo, napakadilim ng kanyang pagkatao. Wala naman kaming plano na patayin si Ernesto. Gaya ng sinabi ko kanina, pera lang ang pakay ko sa daddy mo at kapag nakuha ko na ang kailangan ko ay aalis din kami ng mga anak ko. Pero isang gabi na sinubukan kong kunin ang alahas ng mommy mo, nahuli niya ako. Doon na nagsimula ang pangba-blackmail niya. Kung gaano siya kabait at mahinahon sa harap ninyo ay kabaligtaran niyon ang totoong kulay niya. Magaling mambilog ng ulo si Elsa. Maabilidad siya at maparaan. Sinilaw niya kami sa laki ng kayamanan ng mga Serrano. Siya ang nagplano ng pagpatay kay Ernesto at Luis. Sa kanya rin nanggaling ang idea na palabasin aksidente ang lahat. Siya ang may idea na kupkupin si Luisa nang magkaroon ito ng amnesia. Si Elsa ang nagdala kay Luisa sa Santa Catalina. At sa tuwing umaalis siya doon sa gabi. Umuuwi ito sa mansion para alamin ang balita kung kailan namin makukuha ang pera. Hindi lang isang beses kung hindi maraming pagkakataon na pinagtangkaan niyang patayin si Luisa. Ilang beses niyang sinubukan lasunin ito pero napipigilan lang lagi ni Tere. Si Elsa rin ang nag-utos sa amin na dalhin sa mental hospital si Luisa. Si Elsa ang utak ng gulong nangyayari dito sa mansion. Hindi ako. Sumusunod lang kami ni Dexter sa kanya dahil kayang kaya niya kaming patayin. Ang totoong Elsa ay puno ng galit sa mga Serrano. Hindi ko alam kung bakit pero malalim ang galit niya sa inyo. Sapat na para ilaan niya ang buong buhay mapatay lang ang buong pamilya n'yo. At hindi siya hihinto hangga't may isang Serranong buhay sa mansion."
BINABASA MO ANG
Midnight Rain
FantasyThere is something in the rain. At the very beginning of the rainy season, same nightmare hunts Luisa every night. A dream that lies between reality and fantasy. Sa tuwing umuulan ay may bigat siyang nararamdaman na hindi maipaliwanag. Isang panagin...