"PABABA na yata si Luisa eh," narinig niyang sabi ni Lydia.
"Lydia, bakit?" tanong niya habang pababa ng hagdan.
"Pinapatawag ka ni Sir Ian, may gusto siyang itanong sa'yo."
Binilisan ni Luisa ang pagbaba at agad na lumapit kay Ian na naghihintay sa kanya sa sala. Doon naabutan niya bukod sa binata ay ang dalawa pang lalaki.
"Ano 'yon? May problema? Tungkol ba 'to kay Tita Marga?"
"No. But to give you an update. Kasalukuyan na silang nagtatago, pero bago 'yon pakilala ko muna sila sa'yo. Si Inspector Antonio at SPO2 Reyes, sila ang may hawak ng kaso mo noon. Naipakita ko na sa kanila ang mga ebidensya na nakuha ko para magdiin kay Mommy at Dexter sa pagkamatay ni Tito Ernesto at Tatay mo, pati na rin sa nangyari kay Kuya Levi."
"Magandang araw po, Ma'am."
"Magandang araw naman."
"Totoo po ba ang mga sinabi ni Sir?" tanong ni Insp. Antonio.
Huminga siya ng malalim saka tumango.
"Opo."
"Nababanggit din ni Sir sa amin kanina na nagkaroon ka ng amnesia ng isang taon."
"Opo. Nakita at narinig ko ang lahat ng pinag-usapan ni Marga at Dexter na pinalabas lang nila na aksidente ang pagkamatay ni Don Ernesto at ng tatay ko. Si Dexter, siya ang pumukpok sa ulo ni Levi, ang asawa ko," sagot niya.
"Puwede n'yo po ba na isalaysay sa amin ang mga natatandaan n'yo?"
Kinuwento ni Luisa ang lahat ng detalye na natatandaan niyang nangyari noong gabing iyon. Mula sa kung paano nalaman ni Levi sa pamamagitan ng pagpapa-imbestiga sa madrasta nito tungkol sa pagkamatay ng ama hanggang sa naaksidente siya.
"Kakailanganin n'yo po ng katunayan na magaling na ang amnesia ni Ma'am para maniwala sa inyo ang korte. Kung kaya ninyo na makumbinsi ang doctor na tumitingin sa inyo para maging witness na magaling na kayo, mas mabuti."
"Huwag kang mag-alala, Luisa. Tatayo rin akong witness laban kila Mommy. Naibigay ko na sa kanila ang salaysay ko."
Napakunot noo si Luisa at nagtaka dahil sa kanyang pagkakatanda, wala doon si Ian nang gabing mangyari ang gulo.
"Hindi ko matandaan na nandoon ka sa bahay ng gabing iyon?"
"I was there, right before the commotion happened, hindi lang ako sa front door dumaan nang makauwi ako. Nakita ko na tumakbo ka palabas, hahabulin dapat kita pero nakita ako ni Mommy. Ako ang inutusan niyang magtapon sa katawan ni Kuya Levi."
Sa labis na gulat sa narinig ay hindi nakapagsalita si Luisa.
"At ngayon mo lang sinabi ito sa akin?" hindi makapaniwalang tanong niya kasunod ng pag-ahon ng galit sa kanyang dibdib.
"I'm sorry. Naunahan ako ng takot na baka pagdudahan mo ako, kaya naghintay muna ako na dumating ang mga pulis bago ako nagsalita."
"Huwag po kayong mag-alala. Ma'am. Kasama iyon sa mga binigay niyang salaysay sa amin," sabad naman ni SPO2 Reyes.
Nangingilid ang luha na huminga siya ng malalim. "Kung ganoon, nasaan ang bangkay ng asawa ko?! Totoo ba 'yong urn jar na dinala ni Dexter sa bahay noong araw na dalhin nila ako sa mental hospital ay ang abo ni Levi?" sunod-sunod niyang tanong.
Ngunit sa halip na sumagot ay bumaling ito sa dalawang pulis.
"Tatawag na lang po ulit ako sa inyo."
"Sige. Mauna na po kami, Ma'am."
Isang marahan tango lang ang sinagot ni Luisa. Nang tuluyan makaalis ang mga pulis ay nagtangka siyang mag-walk out pero agad din napigilan ni Ian.
"Sandali lang, pakinggan mo muna ako!"
"Hindi mo pa rin sinasagot ang tanong ko, saan mo dinala ang bangkay ng asawa ko?!" galit na tanong niya.
"Bago ko sagutin 'yan, kailangan mo munang sagutin at kumpirmahin ang sinabi sa akin ni Lydia."
Kumunot ang noo ni Luisa. "Ano 'yon?"
"Totoo ba ang ni-report sa akin ni Lydia mo na nakasama mo at pinupuntahan ka ni Kuya Levi nitong mga nakaraan buwan? Na nagkaroon kayo ng relasyon at may nangyari pa sa inyo kahit hindi mo pa siya naaalala?"
"Oo! At hindi ako nagha-hallucinate, Ian. Hindi ako nababaliw. Totoo ang sinasabi ko. Nahawakan ko siya. Nayakap ko siya. Nahalikan ko siya. I felt him. He was there and I saw him."
Hindi agad ito nakakibo at napaupo na lang si Ian sa sofa habang bakas sa mukha ang pagkalito.
"How can that be possible?" tila hindi makapaniwalang tanong nito.
"Ano ba ang sinasabi mo? May hindi ka pa ba sinasabi sa akin?"
"Gusto kitang paniwalaan, Luisa. Alam ko na hindi ka gagawa ng ganitong klase ng kuwento at naniniwala din ako na hindi ka nababaliw. Pero impossible ang sinasabi mo na nakasama mo si Kuya Levi."
"I know what I saw Ian."
"Hindi lahat ng kaluluwang gumagala ay patay na."
Halos sabay silang lumingon matapos marinig ang tinig na iyon ng matandang lalaki. Nanlaki ang mata ni Luisa nang makilala ang bagong dating.
"Mang Temyong?"
Hindi ito sumagot. Sa halip ay ngumiti lang ito. "Ang ibang kaluluwa na umaaligid sa atin mga buhay ay mga kaluluwa na panandalian nilisan ang kanilang mga katawan lupa. Kung ano ang kanilang dahilan, hindi natin alam, pero si Levi. Sa simula pa lang ay nakabantay na siya sa'yo Luisa. Magmula nang dumating ka sa Santa Catalina ay kasama mo na siya. Laging nakasunod sa'yo sa lahat ng oras, kahit saan ka magpunta. Nag-aalala siya dahil alam niya na ang may hawak sa'yo at nagpapanggap na pamilya mo ay siya rin mga taong gustong pumatay sa'yo."
Biglang nalito si Luisa. Nagpapalit-palit siya ng tingin sa dalawa.
"Noong araw na pinakilala mo si Levi sa akin, napansin ko nang iba ang tingin ni Mang Temyong sa'yo. Narinig ko rin noong binati ka niya nang araw na iyon at sinabi na may kasama ka. Alam ko na hindi kami ni Tere ang tinutukoy niya. Kaya naman kinuwento ko kay Sir Ian ang lahat kaya niya pinasundo si Mang Temyong," kuwento ni Lydia.
"Bata pa lang ako ay may kakayahan na akong makakita ng mga kaluluwa. Hanggang sa tumanda ako, palagi na silang lumalapit sa akin at nagmimistula nila akong gabay at tagapayo. Ganoon ang naging papel ko kay Levi. Sa kabila ng pagkalimot ng iyong isipan tungkol sa kanya. Ang panaginip na paulit-ulit na dumadalaw sa iyong pagtulog..." pagpapatuloy ni Mang Temyong.
Nagulat si Luisa sa sinabi nito. Dahil kahit kailan ay hindi niya nabanggit sa matanda ang tungkol sa kanyang panaginip.
"Senyales iyon na pilit na ginigising ng puso mo ang isipan mong kaytagal nang nakalimot at pilit na pinapaalala sa'yo ang nakaraan. Ang lihim na sigaw ng iyong puso at pangungulila kay Levi ang naging dahilan kung bakit nagawa mo siyang makita at mahawakan na para bang normal na tao."
Muling tumayo si Ian sa kanyang harapan at hinawakan siya sa magkabilang balikat si Luisa.
"Halika, sumama ka sa amin, may importante na kailangan kang malaman."
"Hindi ko kayo maintindihan," sabi niya.
Hinawakan siya sa kamay ni Ian at hinila palabas. Walang pagtanggi na sumunod siya dito hanggang sa makasakay sila sa sasakyan. Bago paandarin ni Ian ang kotse ay pinigilan ito muna ni Lydia.
"Sir, sigurado ka na ba dito sa gagawin natin?" tanong pa nito na may bahid nang pag-aalala.
"Wala akong nakikitang dahilan para patagalin pa natin 'to. She deserves to know the truth."
"Ano ang totoo?" sabad ni Luisa.
Lumingon sa kanya si Ian.
"Buhay pa si Kuya Levi."
BINABASA MO ANG
Midnight Rain
FantasyThere is something in the rain. At the very beginning of the rainy season, same nightmare hunts Luisa every night. A dream that lies between reality and fantasy. Sa tuwing umuulan ay may bigat siyang nararamdaman na hindi maipaliwanag. Isang panagin...