DAHAN dahan gumalaw si Luisa hanggang sa tuluyan nang maalimpungatan. Pilit niyang pinikit ang mga mata na para bang gusto pa rin matulog. Mabigat pa rin ang mga talukap na lumingon siya sa paligid. Hanggang sa mga sandaling iyon ay umiikot pa rin ang kanyang paningin.
Sinapo niya ang ulo at pinilit ang sarili na bumangon. Bahagya pa niyang pinilig ang ulo para mawala ang pagkahilo. Mayamaya ay natigilan si Luisa nang biglang bumalik sa kanyang alaala ang mga nangyari. Halos mapatalon siya sa gulat nang biglang narinig ang malakas na ingay sa labas. May sumisigaw, may nagkakalampag ng pinto, may tumatawa, at may umiiyak ng malakas. Doon tuluyan nagising ang kanyang ulirat at agad na lumingon sa paligid. Doon lang napansin ni Luisa na nasa estrangherong silid na siya. Sa isang maliit na kuwarto na may iisang maliit na bintana. Doon napagtanto ni Luisa ang kanyang kinaroroonan. Nagmamadali siyang bumaba ng kamay at pilit na sumilip sa maliit na bintana sa pinto na may rehas. Kumapit siya doon at pilit na kinalampag iyon.
"Ilabas n'yo ko dito! Ilabas n'yo ko hindi ako baliw!" sigaw niya.
Ngunit walang lumapit sa kanya doon.
"Ilabas n'yo sabi ako dito eh! Levi!" malakas na sigaw niya at paulit-ulit na kinalampag ang pinto.
Paulit-ulit na sumigaw si Luisa. Ngunit kahit anino ay walang lumapit sa kanya. Wala siyang nagawa kung hindi ang umiyak. She felt so frustrated. Naipon ang galit sa kanyang dibdib para kay Marga at Dexter. Hindi niya mapapatawad ang mga ito sa ginawa sa kanya na iyon. Ang ituring siyang baliw at dalhin doon sa mental hospital.
Ilang sandali pa ay bigla niyang naalala si Ian, ang panganay ni Marga at alam na kakampi niya. Agad siyang tumayo at muling sumilip doon.
"Ian! Tulungan mo 'ko! Ian! Ian!" paulit-ulit na tawag niya sa kaibigan.
Mayamaya ay natigilan siya sa pagsigaw nang biglang dumating si Marga, kasama nito ang dalawang lalaki na nakita niya na kasama nito sa bahay at ang nagdala sa kanya doon. Bigla siyang napaatras. Kasunod niyon ay muling naramdaman ni Luisa ang galit kay Marga.
"Iha, you should keep quiet. Hindi makakatulong sa'yo kapag patuloy ka na nagwala diyan. Anyway, nabanggit na nga rin ni Elsa sa akin na unti-unti nang bumabalik ang mga alaala mo. Bukod kay Levi, may iba ka pa ba na naalala? G-Gaya ng mga nangyari bago ka ma-aksidente?"
Napansin niya ang nerbiyos sa mga mata nito na pilit kinukubli sa likod na pekeng ngiti na nakapaskil sa mukha.
"Bakit?! May dapat pa ba akong maalala? Iyon ba ang kinakatakot mo kaya ayaw mo akong lumabas ng Santa Catalina? Natatakot ka na may maalala ako kapag nakarating ako sa kabilang bayan?" nagdududa na tanong niya.
Tumikhim ito at mabilis na umiling. "Wala. Wala naman. Nagtatanong lang ako, para kapag nakausap ko ang doctor mo, masasabi ko sa kanya ang lahat."
Halos mapalundag ito sa gulat nang bigla niyang sipain ng malakas ang pinto at naglikha iyon ng malakas na ingay.
"Anong karapatan mo na ikulong ako dito?! Hindi ako nababaliw!"
Huminga ito ng malalim. Pagkatapos ay lumapit ito sa pinto. Hindi makapaniwala si Luisa sa kanyang nakikita. Wala siyang nakikitang simpatya o awa o kahit anong emosyon doon. On the corner of her lips, there's a secret evil grin. Sinasabi na nga ba't at hindi mapagkakatiwalaan ito. At alam ni Luisa na may iba pang dahilan kung bakit kahit na noon wala pang maalala ay hindi na mapalagay ang kanyang loob sa babaeng kaharap.
"Iha, wala na si Levi. Kinailangan ka namin i-confine dito dahil nawawala ka na sa sarili mo. Sinaktan mo na kami ni Dexter kanina, but I forgive you for that. Sa sobrang pangungulila mo sa asawa mo kaya ka nagkakaganyan, ayoko naman hintayin na lumala pa ang kalagayan mo bago ako may gawin. Para sa'yo rin itong ginagawa ko."
BINABASA MO ANG
Midnight Rain
FantasyThere is something in the rain. At the very beginning of the rainy season, same nightmare hunts Luisa every night. A dream that lies between reality and fantasy. Sa tuwing umuulan ay may bigat siyang nararamdaman na hindi maipaliwanag. Isang panagin...