Chapter 69

112 9 2
                                    

"MARAMING beses tinangka ni Nanay na lasunin si Ate Luisa, lalo na noong may amnesia pa siya. Palagi ko lang siyang napipigilan, salamat sa Diyos dahil palagi ko rin siyang nakukumbinsi at ginamit ko na dahilan ang paglipat ng mana nila Kuya Levi sa pangalan ko. Ang huling beses niyang tinangka na lasunin si Ate Luisa ay itong mga nakaraan buwan lang, nang magsimula ang renovation ng mansion. Noong gabi ng kasal ni Kuya Levi at Ate Luisa at nangyari ang gulo sa bahay. Naroon ako, nakita ko kung paano pinukpok ni nanay ng malaking kahoy sa ulo si Kuya Levi. Kasama siyang umalis ni Dexter para habulin si Ate Luisa, kasama ako ni Kuya Ian nang tulungan namin si Kuya Levi. Nang biglang dumating si Kuya Levi sa bahay matapos akalain ng lahat na patay na siya. Galit na galit si Nanay. Lalo na nang nalaman niya na ako pa ang nag-alaga kay Kuya noong comatose siya. Halos bugbugin niya ako sa sobrang galit niya pero hinayaan ko lang. Mas okay sa akin na masaktan ng ganoon kaysa gumawa ng krimen.

Si nanay ang utak at puno ng mga gulo at krimen na nangyari sa mansion, samantalang si Marga at Dexter ay sumusunod lang sa kanyang utos. Masyado siyang nilamon ng galit niya kay Daddy na umabot sa punto na ang naging pangarap na niya ay maubos at mapatay ang lahat ng Serrano sa mansion pagkatapos ay kunin ang kayamanan nila. Kahit kailan, hindi ko ginusto na makuha ang pera o kahit anong kayamanan ng mga Serrano. Masaya na ako sa simpleng buhay. Ilang beses kong sinabi kay nanay 'yon para tumigil na siya sa paghihiganti pero ayaw niyang makinig. Hindi ko na alam ang gagawin ko para pigilan siya. Hindi ko na masikmura ang ginagawa ni nanay. Pero nang malaman ko na siya ang nagtulak kay Ate Luisa sa hagdan para makunan ito, doon na ako nagdesisyon na pumunta dito at magsumbong, dahil hindi na kakayanin ng konsensya ko na pati ang anak ni Ate Luisa ay madamay sa galit niya. Walang kasalanan ang bata. At hindi ko maintindihan kung paano niya nagagawang matulog ng mahimbing sa gabi. Parang hindi ko na kilala ang nanay ko. Ayokong maging gaya ni nanay, Sir. Ayokong gumawa ng mali para lang makuha ko ang gusto ko. Ayokong manakit ng ibang tao. Kapatid ko si Kuya Levi at ayoko siyang masaktan. Ayokong masaktan si Ate Luisa. At hindi ko siya mapapatawad sa pagpatay niya sa Daddy ko."

Pinanood ni Luisa kung paano humagulgol si Nanay Elsa matapos mabasa ang sworn statement ni Tere. Nalaman nila na ilang oras lang ang pagitan mula nang pumunta ito sa presinto para mabigay ng statement laban sa sarili nitong ina. Iyon ay ang araw kung saan nalaman din nila ang totoo na si Nanay Elsa ang may kagagawan lahat ng gulo at trahedya sa buhay nila. Kung noong una ay nakakaramdam pa siya ng awa at umaasa pa na hindi totoo ang lahat. Ngayon ay natunaw na ang ano man nararamdaman niya para sa babaeng minsan niyang tinuring na ina.

"Nagpapasalamat ako dahil naging iba ang takbo ng isip ni Tere. Nagpapasalamat ako dahil hindi siya tumulad sa'yo. Na hanggang sa huling sandali ng buhay niya ay mas pinili pa rin ni Tere gawin ang tama kaysa sundin ang baluktot na utak ng sarili niyang ina," walang gatol na sabi ni Luisa.

"Wala kayong alam! Ginawa ko lahat ng ito para sa kanya!"

"Alam ko, 'Nay! Alam na alam ko! Alam ko kung paano mo pinatay si Daddy at Tatay Luis! Alam ko na kung paano mo pinagtangkaan ang buhay ko at paulit-ulit mong pagtangkaan ang buhay ng asawa ko pati ang magiging anak namin. Lahat ng iyon ay dahil sa personal na galit mo! Lahat ng iyon ay dahil sa pagkabigo mo sa pag-ibig! At hindi mo 'yon ginawa para kay Tere. Dahil ang totoo, ginamit mo lang siyang dahilan para makaganti ka. Dahil hindi mo matanggap na kahit kailan hindi ka minahal ni Daddy! Kaya huwag na huwag mong magamit ang kapatid ko para bigyan-katwiran ang lahat ng krimen na ginawa mo!" panunumbat ni Levi sa babae.

"Tama na!" sigaw nito.

"Hoy! Ano ba 'yan?! Ibabalik kita sa loob!" galit na saway ng jail guard kay Nanay Elsa.

"Ikaw ang dahilan kaya namatay si Tere. Ikaw mismo ang nagdala sa sariling mong anak sa kamatayan at mula ngayon hanggang sa huling sandali ng buhay mo, dadalhin mo 'yan sa konsensya mo," mariin wika ni Levi.

Wala nang naisagot si Nanay Elsa kung hindi ang tunog ng pag-iyak nito. Sa bawat luhang pumapatak, ramdam ni Luisa ang pagsisisi nito. Pero huli na ang lahat, wala na si Tere. Kahit anong iyak ang gawin nito ay hindi na maibabalik ang buhay nito.

"Halika na," mayamaya ay sabi ni Levi.

Halos sabay silang tumayo, ngunit bago tuluyan umalis ay muling nagsalita si Luisa.

"Baka ito na ang huling beses na magkita tayo, Nay. Sana magawa mong magbago dito sa kulungan. Kahit man lang sa ganitong paraan huwag mong sayangin ang ginawa ni Tere. Hanggang sa huli, ang kabutihan mo pa rin ang inisip niya. Sinakripisyo ni Tere ang buhay niya para lang tumigil ka sa lahat ng ginagawa mo. Baliktad nga eh, hindi ba dapat ikaw ang gumawa no'n para sa anak mo?" emosyonal na wika ni Luisa.

"Tama na 'yan, Luisa. Halika na, umalis na tayo," awat sa kanya ng asawa at tuluyan na nilang nilisan ang kulungan.

Dahil sa mismong salaysay ni Tere kasama na ang mga ebidensiyang nakuha nila sa mismong kuwarto ni Nanay Elsa. Naging mabilis ang proseso ng patong-patong na kaso na sinampa ni Levi dito kasama na si Marga. Dahil doon ay agad nahatulan ang dalawang babae. Thirty-five years na pagkakakulong kay Marga, kasama na doon ang pagbabayad kay Levi nito ng labinlimang milyon piso bilang danyos. Bukod doon ay binawi din ni Levi mula dito ang lahat ng mana na nakuha nito mula sa ama. At habang buhay na pagkabilanggo naman kay Nanay Elsa.

Mula doon sa presinto ay dumiretso sila sa sementeryo kung saan nila nilagak ang labi ni Tere, sa tabi mismo ng punto ni Don Ernesto. Matapos mabaril ni Nanay Elsa ang sariling anak, hindi na umabot pa ng buhay si Tere sa ospital. Doon pa lang sa mansion ay tuluyan nang bumigay ito.

Hanggang sa mga sandaling iyon ay hindi pa rin sila makapaniwala na wala na ito. Napakalaki ng utang ng loob nilang mag-asawa kay Tere. Dahil dito kaya sila buhay hanggang sa mga sandaling iyon. Prinotektahan nito si Levi noong comatose ito at ilang beses nitong niligtas si Luisa sa kapahamakan mula sa sariling ina. At hanggang sa huli maging ang anak nila ay prinotektahan nito.

"I'm sorry. Hindi ko binigyan ng pagkakataon na maging magkapatid tayo. Ang daya mo naman, umalis ka agad," garalgal ang tinig na sabi ni Levi habang natingin sa lapida.

Nilapag ni Luisa ang isang bungkos ng bulaklak doon at ngumiti sa pagitan ng pagluha.

"Tapos na ang lahat, Tere. Matatahimik ka na," sabi niya.

"Maraming salamat sa lahat. Hindi man ako naging mabuting kapatid, sana naiparamdam ko sa'yo ang pasasalamat ko sa mga sakripisyo na ginawa mo para sa amin ng pamilya ko."

Lumingon si Luisa sa asawa at pinahid niya ng daliri ang luha sa mga mata nito, pagkatapos ay marahan siyang umiling.

"Don't say that. You've been a good brother to her. Sigurado siya mismo ay alam 'yon. Hindi man kayo nabigyan ng pagkakataon na makilala ang isa't isa bilang magkapatid, pinaramdam mo naman iyon sa kanya. You secretly look out to her and took care of her. Hindi mo siya pinabayaan at pinag-aral mo siya," sabi ni Luisa.

"I could've done better," emosyonal na sagot ni Levi.

Muli siyang umiling. "No, you've done your part. You've done your best. Alam ko na alam ni Tere na sapat na 'yon."

Matapos iyon ay kinabig niya ito at niyakap ng mahigpit. "Tama na. Wala na tayong magagawa. Wala na siya. Ang tangi na lang natin magagawa ngayon ay patuloy na umusad ang buhay at maging masaya."

Nang mahimasmasan ay tumango si Levi at ngumiti. "Thank you for staying with me. Hindi ko siguro kakayanin kung pati ikaw ay nawala sa akin," sabi ni Levi.

Marahan siyang natawa. "May lahi yata akong pusa eh, siyam ang buhay," pabirong sagot niya.

Doon tuluyan natawa si Levi, pagkatapos ay siniil siya ng halik sa labi. Yumapos si Luisa sa leeg nito at tumugon sa halik nito. Isang masuyong halik ang pinagsaluhan nila. Matapos iyon ay muling niyakap ang isa't isa.

"I love you so much, Luisa."

"I love you more, Levi."

"Let's go. Baka mahuli na tayo sa flight natin," mayamaya ay yaya nito sa kanya.

"Okay."

Midnight RainTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon