NAGTATAKA na sinundan ng tingin ni Luisa si Lydia, habang titig na titig ito sa kanya.
"Huy! Ano ba at makatingin ka diyan sa akin?" natatawang tanong niya.
"May iba kasi sa'yo."
"Ano naman?"
Lumipad ang tingin nito sa kanyang mga mata. "In love ka!"
Malakas siyang tumawa. "Paano mo naman nasabi?"
Hinawakan siya sa baba ni Lydia at ginalaw galaw ang mukha niya.
"Tignan mo nga 'yang mukha na 'yan! Jusko girl, blooming na blooming ka!"
Natawa na naman si Luisa. Hindi siya makapagsalita, kahit na itanggi ang sinabi nito dahil totoo naman lahat iyon. She is madly in love with Levi. Head over heels.
"Ano nga ulit ang pangalan n'ya?"
"Levi. Levi Serrano."
Hindi nagsalita si Lydia. Bigla itong natahimik at parang napaisip ng malalim.
"Serrano? Hmmm..."
"Oo, bakit?"
"Wala lang. Pamilyar lang kasi ang pangalan niya."
"Hayaan mo, isang beses ipapakilala kita sa kanya."
Napansin niya na naging pilit at alanganin ang ngiti nito.
"S-Sure! Dalhin mo siya dito para naman makilatis. Pero may picture ka n'ya sa phone mo? Patingin nga."
Natigilan si Luisa. Noon lang din niya naalala na wala pa pala silang picture dalawa. Kapag kasi pumupunta siya sa gubat, sa bahay nito, sadya niyang iniiwan sa
bahay ang kanyang phone. Kapag nasa bahay niya si Levi, busy naman siya sa trabaho at napupunta na sa nobyo ang buo niyang atensiyon kaya nakakalimutan niya ang phone. Kasabay noon ay bumuntong-hininga siya at unti-unting napalis ang kanyang ngiti ngayon naalala ang sitwasyon nila.
"Oh, bakit biglang naging biyernes santo ang mukha mo?"
"Wala. May naalala lang."
"May problema ba?"
"Bukod kasi sa'yo, wala nang nakakaalam ng relasyon namin, Lydia. Hindi alam sa bahay kahit si Tere. Kapag nagkikita kami, laging palihim. Sa umaga, ako ang pumupunta sa kanya kapag maagang umaalis sila Nanay Elsa. Kapag sa gabi naman at nag-iisa ako, doon lang din siya pumupunta sa bahay."
"Eh hindi na ako nagugulat diyan, mas magugulat ako kapag sinabi mo na alam ng Tita Marga mo ang relasyon n'yo at okay lang sa kanya."
"True."
"Pero regardless sa sitwasyon n'yo, sa relasyon n'yong dalawa ni Levi, wala bang problema?"
Doon bumalik ang kanyang ngiti.
"Wala naman. Ang totoo nga n'yan masaya kami, sobra. Parang napaka-perfect ng lahat. Walang away. Pero sa kabilang banda, minsan hindi ko maiwasan makaramdam ng takot."
"Bakit naman? Ikaw na itong nagsabi na perfect ang relasyon n'yo."
"Lydia, there is no such thing as perfect. Parang alam mo 'yon, too good to be true. Nakakatakot na magising na lang ako isang beses na wala na siya, na panaginip lang pala ang lahat. Paano kung sa huli bumalik ang babaeng hinihintay niya at maisip niya na bumalik doon?"
Nagsalubong ang kilay ni Lydia sa kanyang sinabi pagkatapos ay napaisip ulit ng malalim.
"Babae?"
"Oo, nakalimutan mo na ba? Sinabi ko sa'yo dati na kaya kami nagkakilala ay dahil palagi siyang nakatayo sa harap ng bahay tuwing madaling araw kapag umuulan. Sinabi niya sa akin na nandoon daw siya dahil naghihintay siyang bumalik ang babaeng mahal niya."
BINABASA MO ANG
Midnight Rain
FantasyThere is something in the rain. At the very beginning of the rainy season, same nightmare hunts Luisa every night. A dream that lies between reality and fantasy. Sa tuwing umuulan ay may bigat siyang nararamdaman na hindi maipaliwanag. Isang panagin...