HINDI maawat si Luisa sa pagluha habang halos hindi kumakalas sa pagkakayakap mula kay Levi. Paalis ito ng mga sandaling iyon papunta sa New York, USA, para ayusin ang mga negosyo doon ng yumaong ama. Aabutin ng isang buwan bago ito makabalik kaya ganoon na lang ang nararamdaman niyang lungkot.
"Bakit ba kasi hindi ako puwedeng sumama?" emosyonal na tanong niya.
"May pasok ka pa, exam week mo at kailangan mo mag-review, importante 'yon. Saka babalik naman ako at tatawagan kita."
"Bumalik ka agad ah?"
Ngumiti ito sa kanya. Ngunit sa likod ng ngiting iyon ay ang lungkot na pilit na sinisikil ni Levi.
"Pangako. Babalikan kita. Hintayin mo ako, okay?"
"Okay."
Bago tuluyan sumakay sa kotse ay mariin siyang hinalikan si Levi sa labi at niyakap ng mahigpit.
"I love you."
"I love you too."
"I'll call you, okay?"
Isang marahan tango lang ang sinagot niya. Nang tuluyan na itong sumakay sa kotse ay parang tuluyan nadurog ang kanyang damdamin lalo na nang unti-unti nang lumayo ang sinasakyan nito hanggang sa nawala sa paningin.
"Luisa, halika na, pumasok na tayo," pag-alalay sa kanya ni Nanay Elsa.
Mula doon sa gate ay dumiretso sila sa loob ng mansion. Binigyan siya ng tubig ni Doris para mahimasmasan.
"Huwag kang mag-alala, babalik din 'yon si Sir. Iyon pa ba, eh halos ayaw umalis no'n sa tabi mo," sabi pa nito.
"Hindi lang ako sanay na malalayo siya sa akin ng ganoon katagal."
"Babalik agad 'yon kaya huwag ka nang masyadong mag-isip," pag-aalo rin sa kanya ni Nanay Elsa.
"Luisa! Luisa!"
Halos sabay-sabay silang napalingon nang humahangos na dumating si May at paulit-ulit siyang tinatawag.
"Bakit ka ba humahangos? May nangyari ba?" nagtatakang tanong pa ni Nanay Elsa.
"Kailangan mong umuwi sa bahay mo, iyong mga gamit mo, tinatapon ni Madam at ni Dexter sa labas."
"Ha?!" gulat na bulalas niya sabay takbo palabas.
Kasunod sila Nanay Elsa naabutan na lang nila na tinatapon na ni Marga ang mga damit niya sa labas.
"Bitbitin n'yo lahat ng basurang 'yan sa labas ng gate! Bilisan n'yo!" pasigaw na utos nito sa ibang mga kasambahay.
"Anong ginagawa mo sa mga gamit ko?!" galit na tanong niya.
Sa halip na sumagot ay lumapit si Marga at sinalubong siya ng dalawang malakas na sampal.
"Ay, Madam!" gulat na sigaw ng mga kasambahay.
"Lumayas ka dito! Ang kapal ng mukha mo na manirahan pa dito kahit patay na ang tatay mo!"
"Hindi mo ako puwedeng paalisin dito! Sa akin pinagkatiwala ni Uncle ang mansion na 'to, sa amin dalawa ni Levi!" matapang niyang sagot.
"Hindi! Walang sa'yo! Kahit kailan ay hindi ako papayag na mapunta lang ang mansion na ito sa anak ng isang driver! Masyado kang ambisyosa! Hindi ako makakapayag na mas malaki pa ang mana mo kaysa sa amin ng mga anak ko!"
"Eh di lumabas din ang totoo! Pera lang ang habol mo kay Uncle!"
Bigla nitong hinablot ang kanyang buhok at nilapit ang bibig sa tenga niya saka bumulong.
"Wala ka nang pakialam doon. Ngayon, kapag hindi ka umalis dito, ipapatanggal ko ang scholarship mo at sisiguraduhin ko na walang University dito sa Pilipinas ang tatanggap sa'yo. Lumayas ka dito na ang bitbit mo ay ang mga basurang dinala ninyong mag-ama dito. Wala kang mana na makukuha. Siguraduhin mo rin na hindi ka na magpapakita kahit kailan kay Levi. Dahil kaya kitang ipapatay kapag ginusto ko, kayo ni Levi nang walang nakakahalata, kahit sino."
Matalim ang tingin ang sinalubong ni Luisa kay Marga. Nang mga sandaling iyon, matapos marinig ang pagbabanta nito, isang bagay ang biglang pumasok sa kanyang isipan.
"Gaya ng ginawa mo kay Uncle at sa tatay ko?"
Inaasahan ni Luisa na tatanggi. Ngunit lihim lang itong ngumisi pagkatapos ay binitiwan siya nito.
"Umalis ka na, Luisa. Wala ka ng lugar sa bahay na 'to."
Umiiyak na dinampot ni Luisa ang mga damit niyang nakakalat sa lupa pagkatapos ay tumayo sa harap ni Marga.
"Hindi pa tayo tapos," mariin sabi ni Luisa.
HINDI akalain ni Luisa na ang araw na umalis si Levi papuntang New York ay ang huling beses nilang pagkikita. Nang araw na pinalayas siya ni Marga, biglang dumating si Ian at tinulungan siya. Ito ang naghanap ng apartment na maaari niyang tuluyan nang araw na iyon. Magkahalong galit at pagkapahiya ang naramdaman nito matapos malaman ang ginawa ng sarili nitong ina sa kanya. Hindi rin makakalimutan ni Luisa ang sinabi nito sa kanya tungkol sa mga pamana na iniwan ng ama ni Levi. Wala daw dapat siyang ipag-alala dahil nito magagalaw ang mga pinaman sa kanya. Lahat ng iyon, maging ang mga alahas ay nasa safe sa isang bangko sa pangangalaga ng abogado ni Don Ernesto. Ngunit pinayuhan siya nitong sundin ang sinabi ng ina na huwag magpakita kay Levi. Bilang anak, alam nito ang kapasidad ng sariling ina, kung hanggang saan ang kaya nitong gawin para sa pera. Kaya para sa kaligtasan ni Levi ay mas pinili niyang lumayo kahit masakit sa kanyang kalooban.
Matapos mapalayas sa mansion, nag-drop out din si Luisa sa pinapasukan na University at lumipat sa isang Unibersidad sa probinsya. Gamit ang pinamana sa kanya ng ama, namuhay si Luisa na mag-isa. Aral at trabaho ang ginawa niya. Kahit mahirap ay kinaya niya. Noong una ay lihim pa siyang nakikibalita kay Nanay Elsa kaya alam niya na hinanap siya ni Levi. Ngunit sa bandang huli ay tuluyan na rin pinutol ni Luisa ang pakikipag-ugnayan dito.
Hanggang sa lumipas ang anim sa taon. Sa loob ng mahabang panahon na iyon, walang naging sandigan si Luisa kung hindi ang alaala ng yumaong ama at ang masasayang sandali na nabuo nila ni Levi. Walang nagbago sa kanyang damdamin kahit lumipas na ang mahabang panahon. Mahal na mahal pa rin niya si Levi. Nang mauso ang social media, lihim niyang hinanap ito doon. Natuwa si Luisa nang makitang successful na ito. Hindi lang sa pagpapatakbo ng negosyo na iniwan ni Don Ernesto, nag-aral na rin ito ng Culinary at natupad ang pangarap na maging isang professional chef. Samantalang siya, naturingan graduate pero nahihirapan humanap ng trabaho dahil hindi masyadong kilala ang school na pinanggalingan. Kaya dahil doon ay napilitan siyang lumuwas ng Maynila at pumasok ng waitress sa kung saan-saan na restaurant.
Minsan naiisip niya, kung pilit siyang lumaban noon kay Marga. Malamang ay kasal na sila ni Levi ngayon. Gaya ng pangarap nil ana kapag nakatapos siya ng college ay magpapakasal na sila. Pero sa kabila ng naging kapalaran, walang pinagsisisihan si Luisa, dahil ang naging kapalit ng lahat ng iyon ay ang kaligtasan nito.
BINABASA MO ANG
Midnight Rain
FantasyThere is something in the rain. At the very beginning of the rainy season, same nightmare hunts Luisa every night. A dream that lies between reality and fantasy. Sa tuwing umuulan ay may bigat siyang nararamdaman na hindi maipaliwanag. Isang panagin...