Chapter 56

123 10 3
                                    

ISANG malalim na hininga ang hinugot ni Luisa nang huminto ang taxi sa tapat ng malaking gate ng mansion. Ang bahay na naging saksi sa pagbuo ng pagmamahalan nilang dalawa ni Levi. Nang lumingon ay agad dumagsa ang mga alaala niya sa bahay na iyon. Ilang sandali pa ang hinintay ni Luisa bago nakapag-desisyon. Bago bumaba ang inabot niya ang bayad sa taxi driver.

Tumayo siya sa tapat ng gate at pinagmasdan ang mansion na unti-unti nang niluluma ng panahon. Muli ay huminga siya ng malalim, pilit na tinataboy ang kaba sa kanyang dibdib sa mga sandaling iyon. Walang nakakaalam sa mga mangyayari sa susunod na oras, pero nananalig si Luisa na umayon ang mangyayari sa kanilang plano. Dahil iyon lang ang nakikita niyang paraan para matapos ang gulo na iyon sa kanilang buhay. Bago lumapit sa gate ay lumingon muna siya sa paligid, pagkatapos ay pinindot niya ang doorbell. Nakatatlong beses pa siya ng pindot doon bago narinig ang boses mula sa loob ng bakuran.

"Sandali lang, sino 'yan?!" pasigaw na tanong ng isang pamilyar na boses.

Napangiti si Luisa nang makilala ang tinig na iyon. Sa halip na sumagot ay hinintay niyang buksan nito ang gate.

"Sino ba 'yan at—"

"Hi Doris," nakangiting salubong niya.

Natulala ang kasambahay at natakpan ang bibig sa sobrang gulat na para bang nakakita ng multo.

"Luisa? Luisa ikaw ba 'yan?!"

"Ako nga."

Bigla itong napahagulgol ng iyak at agad siyang niyakap ng mahigpit.

"Totoo nga, buhay ka! Buhay ka!" emosyonal na wika nito habang hinahawakan siya nito sa mukha sa braso at sa beywang.

"Naku, tiyak na matutuwa sila!" excited na sabi pa nito sa kabila ng pagluha.

"Halika, pumasok ka!"

Hinila siya ni Doris papasok ng bakuran ng mansion, pagkatapos ay nagsisigaw na tinawag ang mga kasama.

"Manang Elsa! Manang! May!" umiiyak na sigaw nito.

Mayamaya ay nagsilabasan ang mga ito. Ganoon na lang ang gulat ng mga kasambahay doon nang makita siya.

"Luisa!"

Sinugod siya ng yakap ng mga ito. Gaya ni Doris ay naging emosyonal ang mga ito at niyakap siya isa-isa. Bakas sa mga mukha ang labis na saya sa kanyang muling pagbabalik. Ngunit isang bagay ang pinagtaka ni Luisa, iyon ay nang umarte si Nanay Elsa na parang ngayon lang sila nagkita.

"Diyos ko, salamat po at buhay ka!" sabi pa ni Nanay Elsa at niyakap siya ng mahigpit.

"'N-Nay..." bulong niya.

"Mamaya ko ipapaliwanag sa'yo," pasimpleng bulong nito.

Agad itong ngumiti ng malapad sa mga kasama. "Hala sige, pumasok na tayo. Ihanda n'yo ang kuwarto nila ni Sir Levi at maghanda ng makakain, natitiyak ako na doon gustong magpahinga ni Luisa."

Agad nagsikilos ang mga kasambahay. Habang si Doris, May at Nanay Elsa ay dinala siya sa kusina.

"Ano ba ang nangyayari? Bakit gulat na gulat kayong lahat na buhay pa ako?"

"Kasi girl, pagkatapos nang nangyaring gulo noong kasal n'yo. Ang sinabi lang nila madam sa amin pag-uwi nila kinabukasan ay namatay ka daw sa aksidente. Hindi namin nakita ang nangyari pero naikuwento sa amin ni Manang Elsa. Noong umalis ka para tumakas at hinabol ka ni Dexter. Si madam noong nagkamalay ay sumunod kay Sir Dexter. Pag-uwi dito sinabi nila na dead on arrival daw si Sir Levi sa ospital tapos kinabukasan naman binalita ni Sir Dexter na namatay ka daw sa aksidente. Pinagbantaan nila kami na huwag magsusumbong dahil babalikan daw nila kami pati pamilya namin," kuwento ni May.

Midnight RainTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon