"KUMUSTA naman ang unang linggo sa trabaho?" tanong sa kanya ng kaibigan na si Lydia.
Ngumiti si Luisa. "Ayos naman, dalawa na agad ang client ko."
"Natutuwa naman ako at mukhang masaya ka, at least nalilibang ka."
"Hmm... hindi ganoon masaya pero hindi rin ako malungkot. Tama lang."
"Ang mahalaga, napupunta sa trabaho ang atensiyon mo. Hindi 'yong kung ano-ano iniisip mo."
"Buti nga day off ko ngayon, gusto ko sana lumabas, kahit magpunta lang sa kabilang bayan."
Huminto si Lydia sa paglalakad saka humarap sa kanya.
"Magaling ka ba magtago?"
Napakunot-noo siya. "Bakit mo naitanong?"
"Para sakaling makita natin doon sa bayan ang Tita Marga mo, hindi ba pinagbawalan ka no'n pumunta kung saan lalo sa kabilang bayan?"
Nalaglag ang balikat ni Luisa. Isang taon na ang nakalipas mula ng lumabas siya sa ospital, ngunit mula noon ay naging mahigpit na ang kanyang Tita Marga. Pinagbawalan siya nitong lumabas ng bahay, kung hindi man maiiwasan lumabas, hindi siya maaaring lumabas ng bayan ng Santa Catalina. Alam niya na para iyon sa kanyang kaligtasan, pero dumarating ang pagkakataon na pakiramdam ni Luisa ay daig pa niya ang nakakulong. Minsan na siyang tumakas at pumunta sa kabilang bayan. Ang nakakapagtaka ay kung paano siya agad na nahanap ng kanyang Tita Marga, para itong may mga mata sa paligid na laging nakasunod sa kanya. Ilang beses pa niyang inulit ang ginawang pagpunta sa mga karatig-bayan, ngunit gaya ng unang beses ay agad siyang nahahanap ng kanyang Tiyahin o kaya ni Nanay Elsa. Bagay na pinagtataka ni Luisa. At sa tuwing nahuhuli ay kinukulong siya ng mga ito ng ilang araw o linggo sa bahay. Kaya mula noon ay hindi na siya nagtangka pa na umalis sa maliit na bayan ng Santa Catalina.
She has been confined at home for a year now. She wants to get out and explore the world. Hindi rin maintindihan ni Luisa kung bakit ganoon na lang ang pagbabawal at paghihigpit ng kanyang Tita Marga. Hanggang ngayon ay hindi pa rin nito pinapaliwanag ang totoong dahilan kung bakit siya naospital noon. Basta ang sinabi lang nito ay na-aksidente siya sa isang bayan malapit lang sa Santa Catalina at ayaw nitong maalala pa niya ang masamang pangyayaring iyon. At iyon din marahil ang paulit-ulit niyang nakikita sa kanyang panaginip. Pero kung paano nangyari ang aksidente at ano ang naging sanhi ay hindi pinapaliwanag ng kanyang Tita.
Huminga ng malalim si Luisa saka dismayadong ngumiti sa kaibigan.
''Di bale na nga, huwag na lang," sagot niya.
Nakita niya ang simpatya sa ngiti na ginanti ni Lydia pagkatapos ay hinawakan siya nito sa kamay.
"Kapag nahuli nila ko, baka ikulong na naman nila ako. Mabuti na 'to na nakakalabas ako kahit dito lang sa kalye natin."
"Hayaan mo na, pasasaan ba't ma—"
Hindi naituloy ni Lydia ang sasabihin nang may biglang huminto na kulay itim na kotse sa tapat nila. Sa modelo pa lang ng sasakyan ay may ideya na agad si Luisa kung sino iyon. Ilang sandali pa, bumaba ang bintana niyon. Lihim siyang napabuntong-hininga nang mapatunayan na tama ang kanyang hinala at bumungad ang pilyong nakangising mukha ni Ian.
"Dito lang kami pupunta ni Lydia sa convenience store," sabi agad niya sabay ikot ng mata.
"Did I say anything?" natatawang sabi nito.
"Inuunahan na kita, baka kasi magsumbong ka sa Mommy mo."
"Ako pa magsusumbong kay Mommy? Ano ako, si Dexter?"
BINABASA MO ANG
Midnight Rain
FantasyThere is something in the rain. At the very beginning of the rainy season, same nightmare hunts Luisa every night. A dream that lies between reality and fantasy. Sa tuwing umuulan ay may bigat siyang nararamdaman na hindi maipaliwanag. Isang panagin...