Chapter 23

100 11 1
                                    

"HAY salamat!" komento ni Nanay Elsa matapos mapanood ang pinakahuling weather report.

Sinabi kasi doon na magiging maayos na ang panahon sa mga susunod na araw at gabi.

"Hindi ko maintindihan kung bakit ngayon taon eh masyadong maulan. Ang hirap pa naman magcommute kapag naulan," reklamo nito.

"Ang sarap kaya ng maulan, malamig at hindi ka maglalagkit sa pawis," kontra naman ni Tere.

Hindi kumibo si Luisa habang kumakain ng tanghalian kasabay ng mag-ina. Hindi rin niya alam kung anong mararamdaman. It is just a rain. Dati naman ay wala siyang pakialam kung umulan man o hindi. And she used to hate it so much because of the nightmares she had. Pero lahat iyon ay nagbago mula nang ibigay sa kanya ng ulan si Levi. Mula ng araw na iyon ay nagkaroon na ng malaking papel ang ulan sa buhay nila.

"Huy, ang tahimik mo," puna sa kanya ni Tere.

"Okay ka lang ba anak? Konti pa lang ang nababawas sa pagkain mo."

Doon naputol ang kanyang pag-iisip. Nang tignan ang pagkain, doon niya lang din napagtanto na nakakailang subo pa lang siya bago tuluyan sakupin ulit ni Levi ang isipan. Agad siyang ngumiti saka pinagpatuloy ang pagkain.

"Okay lang po, medyo natulala lang, antok pa kasi ako."

"Oh, bilisan mo na diyan para matapos ka na at magpahinga pagkatapos matulog ka ulit. Maaga pa naman."

"Opo."

Pinagtuloy ni Luisa ang pagkain at sinubukan ituon ang atensiyon sa mga kasama sa mesa.

"Ang sarap nitong kaldereta talaga," puri ni Tere sa luto ng ina.

"Oo nga, 'Nay. Ibang klase ka talagang magluto," sang-ayon ni Luisa.

"Sira diet ko nito eh!"

"Tumigil ka nga diyan, hindi ka nagda-diet! Hanggang umpisa ka lang naman," kontra ni Nanay Elsa sa anak.

Natawa ng malakas si Luisa.

"Aba, 'Nay! Hintayin mo lang kapag ako pumayat talaga. Lahat ng mga lalaki diyan hahabulin ang alindog ko!"

"Huu, alindog alindog... pumayat ka muna bago ka mangarap."

Natawa na naman siya at marahan napailing dahil sa biruan ng dalawa.

"Naalala ko bigla 'yong kaldereta ni Sir Le— aray!"

Hindi naituloy ni Tere ang sasabihin matapos biglang paluin ni Nanay Elsa ang kamay nito.

"May lamok," sabi agad ng matanda.

Bahagyang nagtaka si Luisa nang mapansin pinandilatan nito ang anak.

"Makabili nga ng pang-spray sa lamok baka ma-dengue pa tayo," sabi pa ulit ni Nanay Elsa.

"Ano ulit 'yong sinasabi mo, Tere?" tanong ni Luisa.

Nagtaka siya sa naging reaksiyon nito na gulat na gulat at nanlaki ang mata nang lumingon sa kanya.

"Hmm?"

"Ang sabi ko, ano ulit 'yong sinasabi mo kanina? Hindi mo naituloy."

"Ah, a-ang sabi ko... 'yong kaldereta ni Sir Lester, i-iyon bang dati ko na boss, masarap din kasi magluto 'yon ng kaldereta. Bigla ko lang naalala."

"Ah," reaksyon ni Luisa at ngumiti.

Matapos iyon ay hindi na siya kumibo pa. Kahit na hindi siya kumbinsido sa naging sagot ng kaibigan. Hindi tuloy maiwasan magtaka ng dalaga kung bakit ang dating sa kanya ay pinigilan ni Nanay Elsa na magsalita ang anak. Nang matapos kumain ay tinulungan niya ang dalawa na magligpit ng pinagkainan. Huhugasan na sana niya ang mga iyon nang pigilan siya ni Tere.

"Ako na diyan," prisinta nito.

"Sige," nakangiting sagot niya. ''Nay, dito lang ako sa likod maglalakad-lakad."

"Huwag kang pupunta sa gubat ah, delikado diyan," bilin pa nito.

"Opo!"

Lihim na napangiti si Luisa. Kung nalalaman lang nito na halos kabisado na niya ang daan doon. Habang naglalakad sa garden sa likod-bahay. Hindi niya maiwasan tumingin sa gubat. Kung siya ang masusunod maaari siyang tumakas sa mga sandaling iyon para puntahan si Levi. Pero pilit niyang pinigilan ang sarili. As much as she loves him and wants to cling on him all the time. Ayaw naman niyang masakal si Levi. Kahit gusto niyang makita ang nobyo at makasama. Gusto niyang ibigay dito ang space na kahit sinong tao ay kailangan. Ngunit sa isang parte ng kanyang puso, lihim siyang humihiling na sana'y sumilip man lang ito para masilayan ang guwapo nitong mukha. Ngunit kung wala, magkakasya na muna siya sa pag-aalala ng mga sandaling magkasama sila.

Makalipas ang ilang minuto ay nagdesisyon na siyang bumalik. Papasok pa lang sana siya nang hindi sadyang marinig ang pag-uusap ng mag-ina na halatang pilit hinihinaan ang boses.

"Ikaw talaga 'yang bibig mo!"

"Eh sorry na po, 'Nay."

"Ilang beses na kitang pinapaalalahanan na kapag kasama natin si Luisa, mag-iingat ka sa mga lalabas diyan sa bibig mo. Muntik nang madulas dila mo!"

"Wala naman akong sinabi ah."

"Pero muntik na!"

"Hindi na po mauulit."

"Mag-iingat ka, Tere. Kung ayaw mo na pareho tayong malintikan kay Madam."

Halos magsalubong ang kilay ni Luisa sa narinig. Kasabay ng pagkalito ay maraming tanong ang sumulpot sa kanyang isipan. Ano ang pinag-uusapan ng dalawa? Ano ang lihim ng mga ito? Ano ang hindi niya puwedeng marinig?



MAGULO ang isip ni Luisa. Marami siyang inaalala. Marami siyang tanong. Alas-singko na ng madaling araw. Naghintay siya sa pagdating ni Levi pero kahit anino ng nobyo ay hindi nagpakita. Kasabay niyon ay hindi pa rin mawala sa kanyang isipan ang narinig niyang pag-uusap ng mag-inang Elsa at Tere. Dahil doon ay hindi niya magawang makapag-concentrate masyado sa trabaho. Kaya naman ganoon na lang nakahinga ng maluwag si Luisa nang matapos na ang kanyang shift.

Nang hindi nakatiis ay lumabas siya ng bahay. Mula doon ay dumiretso siya ng labas at naghintay doon. Nagbabaka-sakali na dumating si Levi at masilayan kahit paano ang mukha nito.

"Levi, nasaan ka na?" tanong niya sa kanyang isipan.

Noong nakaraan araw ay nagpaalam na ito na hindi makakapunta dahil may kailangan puntahan, pero nang araw na iyon ay nagawa nitong humabol at pinuntahan pa rin siya. Lumipas ang ilang minuto, ngunit wala pa rin Levi na dumating. Bumalik sa bahay si Luisa. Mula doon ay dumiretso siya sa likod bahay. Suot ang jacket. Lakas-loob niyang pinasok ang gubat at binaybay iyon.

Habang palapit sa kinaroroonan ng bahay ni Levi. Her heart filled with so much anticipation. Minsan hindi na rin maintindihan ni Luisa ang sarili. Kung paano nahulog ng ganoon kalalim ang kanyang puso para sa binata. Bawat araw na dumaan, magkasama man sila o hindi, parang palagi siyang nangungulila dito. Pakiramdam ni Luisa ay mas minamahal niya si Levi. Totoo nga yata na nababaliw na siya sa sobrang pagmamahal sa nobyo.

Ilang minuto ang lumipas, sa wakas ay narating na niya ang mala-paraisong lugar na kinaroroonan ng bahay ni Levi. Agad siyang tumakbo palapit sa maliit na bahay na iyon.

"Levi!"

Paulit-ulit tinawag ni Luisa ang nobyo ngunit walang nagbukas ng pinto. Nang umikot sa likod para silipin ang loob, agad siyang nadismaya nang makitang walang tao sa likod. Nag-ikot siya sa paligid, ngunit wala si Levi doon.

"Levi!" sigaw niya sa pangalan nito.

Bukod sa pag-echo ng kanyang boses at sa mga huni ng ibon at hayop, walang Levi na sumagot sa kanyang tawag. Mangiyak-ngiyak at puno ng pag-aalala na napaupo na lang si Luisa sa damuhan.

"Nasaan na kaya 'yon?"

Muli siyang lumingon sa paligid, pero kahit anong tingin niya, wala doon si Levi.

"Levi..." paulit-ulit na sambit niya sa pangalan nito. 

Midnight RainTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon