ALAS-DOSE ng hatinggabi. Dahil day off ni Tere, si Luisa ang nagbantay kay Levi buong araw. Napalingon siya sa bintana nang gumapang ang liwanag mula sa kidlat kasunod ng malakas na tunog niyon. Matapos iyon ay malakas ang pagbuhos ng ulan kaya sinarado niya ang kurtina. Napangiti si Luisa nang maalala ang nakaraan. Noong may amnesia siya at una niyang nakita si Levi sa kalagitnaan din ng gabi at sa ilalim ng ulan. Mayamaya ay lumingon siya kay Levi.
Parang kailan lamang nang malaman niya na ang nakasama niya sa Santa Catalina ay isang kaluluwa. Ngayon heto na si Levi sa kanyang harapan. Buhay at humihinga. At ang tanging kulang na lang ay imulat nito ang mga mata. Nang lumapit siya sa kama ay sumampa siya doon at sumiksik sa tabi ni Levi. Yumakap siya sa beywang nito saka pinikit ang mga mata.
"Kung gising ka lang, kanina mo pa ako niyakap," sabi niya.
Hindi umalis doon si Luisa. Sa unang pagkakataon mula nang malaman niyang buhay ito ay pinagbigyan niya ang sarili na tumabi dito at yakapin ang asawa. Ilang sandali pa, hindi namalayan ni Luisa na unti-unti na siyang ginagapo ng antok.
"DOC! Doc! Gising na po ang pasyente! Doc!"
Ang sigaw na iyon mula sa nurse ang gumising kay Luisa. Mayamaya ay naramdaman niyang may humaplos sa kanyang pisngi. Nang idilat ang mga mata at igala iyon sa paligid. Napabalikwas siya ng bangon nang mapadpad ang tingin sa kanyang tabi.
Natakpan niya ang bibig. Kasunod ng mabilis na pag-agos ng luha mula sa mga mata. Naramdaman ni Luisa ang kilabot na gumapang sa kanyang katawan. Hindi makapaniwala sa kanyang nakikita sa mga sandaling iyon. Si Levi. Mulat na ang mga mata at kasalukuyan nakatingin sa kanya.
"Levi? Gising ka na?" hindi makapaniwalang tanong niya.
Ngumiti sa kanya si Levi. Dahan-dahan nitong inangat ang kamay at hinaplos ang kanyang pisngi.
"Natupad... n-na... naman ang hiling ko," dahan-dahan at nanghihina pa rin na sabi nito. "Ang magising ako at ikaw agad ang una kong makikita."
Doon tuluyan napahagulgol si Luisa at agad yumakap kay Levi.
"You're awake. You're really awake!" emosyonal niyang wika.
Napilitan bumaba ng kama si Luisa nang magdatingan ang mga doctor ay sinuri si Levi. Ilang sandali pa ay inalis na ng mga doctor ang mga nakakabit sa katawan nito at ngumiti sa kanyang asawa.
"That was a very long sleep, Mister Serrano. Ang buong akala namin dito ay hindi ka na magigising pa," nakangiting sabi ng doctor.
Lumingon sa kanya ang asawa at hinawakan ang kamay niya.
"May naghihin-tay s-sa akin, doc. Hin-di pa a-ko pwedeng umalis," sagot nito.
Natawa ang doctor at tumango. "Welcome back."
"Thank you," mahina ang boses na sagot ni Levi.
"Doc, kumusta na po siya?" tanong agad ni Luisa.
Nakangiting lumingon sa kanya ang doctor.
"Misis, wala na kayong dapat ipag-aalala. Stable na po ang asawa ninyo."
Sa sobrang tuwa ay nayakap niya ang doctor.
"Oh my god, thank you. Thank you so much."
"Wala pong anuman. Ginawa lang po namin ang trabaho namin, gumaling ang asawa n'yo dahil malakas ang will power niya na gumaling. Most serious head trauma patient that went under coma usually didn't make it. Pero lumaban si Mister Serrano kaya narito siya ngayon ay kasama natin. Sa totoo lang, isa itong milgaro," paliwanag nito.
BINABASA MO ANG
Midnight Rain
FantasyThere is something in the rain. At the very beginning of the rainy season, same nightmare hunts Luisa every night. A dream that lies between reality and fantasy. Sa tuwing umuulan ay may bigat siyang nararamdaman na hindi maipaliwanag. Isang panagin...