Prologue: Laging Nakatanaw

114K 716 130
                                    

Lumaki si Mason sa isang malaki at maingay na pamilya. Ikaw ba naman ang magkaroon ng apat na kuya, tiyak na araw-araw rambol lalo na't naghahanap-buhay sa ibang bansa ang kanilang Ina. Dagdagan pa ng bunsong kapatid na babae na lumaking parang lalaki rin. Sa bawat araw na ginawa ng Diyos, may sigawan, kantiyawan at harutang nagaganap sa loob at labas ng maliit na pamamahay ng mga Pelaez.

Sa sobrang ingay ng mga kapatid niya, masaya na si Mason sa panonood at pakikinig sa kwentuhan ng mga ito. Iniisip kasi niyang makakadagdag lamang siya sa ingay kung makikipagsabayan sa pambubulahaw ng mga ito.

Kung hindi naman siya yayakaging maglaro ng mga ito, mas gugustuhin ni Mason ang umupo sa isang tahimik na lugar at magbasa na lamang ng libro. O di kaya ay magmasid-masid ng mga tao sa kanyang paligid, hahanap ng interesting subject, at saka oobserbahan ito mula sa malayo.

Hindi mahalaga kay Mason ang panlabas na anyo ng kanyang magiging paksa. Kadalasan, kakaibang pagkilos ng isang tao ang nag-uudyok sa kanya upang pagmasdan ito. Mas interesado kasi siyang malaman ang ugali ng isang tao sapagkat batid niyang sa ilalim ng pisikal na katauhan ay nagkukubli ang tunay na kulay nito.

Una niyang ginawa ito sa kanyang mga kapatid.

Si Marcus, ang panganay sa kanilang anim, ay kadalasang nasasabing ito ang may pinakamaamong mukha sa kanilang mgakakapatid. Subalit sa ilalim ng maamong katauhan, nakukubli ang masidhing pangarap na iahon ang kanilang pamilya mula sa pagiging middle class. Nais nitong mapag-resign ng maaga ang kanilang mga magulang na tumatanda. Kaya din ito nag-aral ng mabuti at kasalukuyang nag-aaral ng medisina sa UP Manila.

Sumunod dito si Chino. Kilala ito sa pagiging malambing sa mga kapatid lalo na sa bunsong babae. Malumanay makipagsalita at tila hindi kayang magalit. Lingid sa kaalaman ng lahat, may itinatago itong tapang lalo kung opinyon nito ang tinutuligsa. Laking gulat nga ng mga kapitbahay nila noong nagpasyang mag-abogado ito sa UP Diliman. Wala raw kasi sa itsura niya ang nakikipagsigawan sa korte.

Si Mark, o mas kilala sa palayaw na Mac-Mac, ang ikatlo at ito naman ang pinaka-sporty sa kanilang lahat. Pinakamaingay rin sa kanilang limang lalaki. Lagi itong nakikitang masaya. Subalit ang totoo, naghahanap lang ito ng atensiyon – normal sa isang middle child. Iyon nga lang, mas lalong lumala ang pagpapapansin nito nang lokohin siya ng isang babaeng lubusan niyang inibig.

Iisang babae ang nanakit kay Mac-Mac at sa sumunod na kapatid na si Chuck. ‘Chad’ ang tunay na ngalan nito subalit tumatak ang palayaw na ‘Chuck’ o ‘Chuckie’ dahil hindi mabigkas ng bunso ang letrang ‘D’ noon.

Subalit kung ang pagiging sawi sa pag-ibig ang nagtulak kay Mac-Mac na magbulakbol, kabaligtaran naman ang naging epekto kay Chuck. Mas naging palakaibigan pa ito at kahit ilang beses na nabasted, hindi ito natitinag. Para kay Mason, ang sinundan niyang kuya ang perpektong halimbawa ng isang hopeless romantic.

Ang bunso namang si Charlotte o Charlie ang itinuturing na rose among the thorns ng pamilyang Pelaez. Inakala nilang lahat noon na dahil nag-iisang babae lamang ito, magiging kikay ito paglaki dahil marami nga silang mga kuya ang nakabantay. Sa kasamaang-palad, parang naging one of the boys pa ito.

Dahil dito, napalapit ang loob ni Mason sa bunso hindi dahil sa magkalapit lamang ang edad nila at hindi rin dahil gusto niyang magbago ito. Tanggap niya ang kapatid kahit may pagka-siga pa itong kumilos.

Subalit higit sa lahat, nais niyang malaman kung ano ang tumatakbo sa isip ng unica hija ng mga Pelaez. Ang ugali lamang kasi ni Charlie ang hindi niya mabasa sa kanyang mga kapatid. Hindi ma-predict ni Mason ang magiging reaksiyon nito sa isang pangyayari. Kaya naman madalas siyang nakatanaw sa kapatid at pinagmamasdan ito kung paano makisalamuha sa ibang tao…

Hanggang sa mamataan niya ang isang batang babae na halos kapareho ni Charlie kung kumilos. May pagka-astig din.

Dahil sa kagustuhang maunawaan ang bunsong kapatid, ibinaling niya ang tingin kay Louie Antoinette Kwok.

From A DistanceTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon