Dahil natuwa ang inang si Matilda sa pakikipag-usap kay Hayley, doon na rin pinaghapunan ang dalaga na tila aliw na aliw sa kaingayan ng pamilya. Sa hapag-kainan, wala na ring nagawa si Mason nang siya ang gawing paksa ng usapan. Pakiwari nga niya'y ibinebenta siya ng mga ito dahil puro papuri sa katalinuhan niya ang sinasambit.
"Pero alam mo ba nung bata 'yan sobrang sungit. Parang laging galit sa mundo," kwento ni Marcus habang nagliligpit na sila ng pinagkainan. "Mabuti nga ngayon nakakausap na nang malumanay eh."
"Oo 'no? Magtanong ka lang dati diyan, asahan mo sisinghalan ka," susog naman ni Chad.
Kaya naman napatingin sa kanya na tila nagtataka si Elay. "Really? What changed?"
Nagkibit-balikat na lamang siya. Hindi naman kasi niya alam na suplado na pala ang dating ng mga pagsagot niya. At hindi na rin niya matandaan kung kailan siya natutong makihalubilo sa tao. Siguro ay nagsimula iyon nang maging kaibigan niya sina Nile kaya nabawas-bawasan ang pagiging suplado niya. Minsan na rin siyang pinagsabihan ng mga kapartido niya noong tumakbo siya sa pagka-Vice President sa Student Council. Inabisuhan pa nga siyang tularan si Charlotte sa pagiging pala-kaibigan nito.
Subalit hanggang ngayon, hindi pa rin niya kayang kumausap ng ibang tao nang hindi siya ang unang nilalapitan. At mas lalong hindi niya kayang ngitian ang mga hindi kilala tulad ng bunsong kapatid na kahit sino yata ay nginingitian. Sa pagsusuri niya sa sarili, pinipili lamang ni Mason ang mga taong kinakausap niya. At tila mabibilang lamang niya iyon sa kanyang mga daliri.
"Kaya 'wag ka nang magtaka kung bakit sobrang nagulat kami nang makita ka. Ikaw pa lang kasi ang babaeng ipinapakilala niya sa'min. Kaya akala namin--" natatawang saad ni Chino. Naipaliwanag na kasi ng dalawa habang kumakain ang puno't-dulo kung bakit walang nagawa si Mason at pinagbigyan na lamang si Elay na sumama sa kanya.
Halata tuloy na mas nagtaka pa ang dalaga. "Really? Bakit?" Saka ito bumaling sa kanya. "You haven't had any girlfriend yet?"
Natawa nang pagak naman si Mark. "Asa ka pa, mag-aaya na nga lang ng date, mabubulilyaso pa," angil nito.
Mabuti na lamang at pumagitna na ang ina. "O siya, 'Nak, pagpasensiyahan mo na kung kakaunti ito ha," hinging-paumanhin ng inang si Matilda habang iniaabot ang isang plastik na may ilang Tupperware na naglalaman ng mga nilutong ulam. Nakagawian na talaga nitong tawaging 'Anak' ang mga kaibigang ipinapakilala nila.
Bakas naman ang tuwa at pasasalamat na bumadha sa mukha ng bisita. "Oh, you didn't have to. But thank you so much." Sa sobrang tuwa pa nga nito ay nayapos ang ginang na masaya ring ibinalik ito sa dalaga.
Pinayagan si Mason na gamitin ang sasakyan upang ihatid ang bisita. Subalit tumanggi si Elay dito at sinabing nais niyang matuto kung paano gumamit ng mga public utility vehicles. Kaya puspos din ang pagpapa-alala ng mga magulang at mga nakatatandang kapatid na mag-ingat sa biyahe at siguraduhing ligtas ang bisita.
Nasa jeep na sila noon nang maungkat ni Elay ang paksang iniiwasan ni Mason. Sa likod sila ng driver umupo. Naghihintay pa ng pasahero ang driver dahil iilan pa lamang silang nakasakay.
BINABASA MO ANG
From A Distance
Teen FictionFrom the moment his eyes laid upon her, she has started running in his mind. Curiosity must have killed the cat, but the desire to know her more drove him to uncover a myriad of secrets... Until he finally understood-- She's a lost soul chained t...