Lunes. Tulad nga ng inaasahan ni Mason, kalat na sa buong high school department ang mga nasabi niya noong Prom nang magkasagutan sila ni Ray sa harap ng mga kamag-aral nila. Sa kabila nang bulong-bulungan ng mga estudyanteng nakakakita sa kanya, pinili na lamang niyang huwag itong pansinin at tumuloy na lang sa office ng Student Council kung saan may magaganap na pagpupulong kasama ng mga volunteers sa naganap na event.
Subalit pagbukas pa lamang niya ng pintuan, bumungad na sa kanya ang masiglang talakayan ng mga ito.
“—balitang may gusto si Kuya Mason kay Ate Louie?! Goraaabeee, nag-confess daw siya sa harap ng maraming tao eh!” umaalingawngaw ang boses ni Gwyndale.
“Anong narinig? Nandun kaya kami! Kitang-kita namin ang mga pangyayari! Sarap ngang bayagan ni Ray eh, alam mo bang kinaladkad niya si Ate Louie?!” dagdag pa ni Rona. “Hinanap ko pa si Charlie tsaka si Kuya Basti para humingi ng tulong kaso hindi ko sila makita.”
“San ka ba naghanap? Kung sa malapit sa pagkain ka tumingin, tiyak na makikita mo si Charlie don! Si Kuya Basti naman, nakita kong may kasayaw eh,” wika naman ni April. “Pero grabe, kinilig ako nang bongga sa confession ni Kuya Mason! Bagay sila ni Ate Louie ‘no?”
“Eto ang tanong: sino ang bet niyo para kay Kuya Mason? Si Ate Clarisse o si Ate Louie?” pag-uuntag pa ni Ericka.
“Okay naman si Ate Clarisse… kaso… halata kasing may gusto siya kay Kuya Mase. Tapos… parang may kulang… parang… walang kilig vibes? Gets niyo ba?” sinubukang ipaliwanag ni Vash.
“Si Ate Louie naman… well-rounded, tapos maraming alam. Si Kuya Mase, genius. O diba? Bagay… street-smart and genius—“ pag-aanalisa ni Anna.
“Kay Ate Louie din ako! Mason-Louie-Forevs! Makapagtayo nga ng fans club!”
“Mason-Louie-Forevs? Ano ‘yun?” Si Chan-Chan na kararating pa lamang kasabay ng iba pang mga officers. Nagsilingunan tuloy ang mga volunteers at nanlaki ang mga mata nang makitang nakaupo sa bandang likuran si Mason.
Pumasok na rin sa silid si Miss Leyn. “Oh, mamaya niyo na ituloy ‘yang chismisan niyo,” paninimula nito bago pumunta sa harapan upang pangunahan ang pagpupulong.
Kahit walang reaksiyong ipinakita si Mason sa mga naging palitan, hindi niya alam kung ano ang iisipin at mararamdaman sa mga narinig. Paniguradong nakarating na rin ang mga ito sa kaibigang si Ray.
Si Ray.
Isa pang malaking palaisipan kay Mason kung paano haharapin ang kabarkada sa oras na kausapin siya nito. Hindi kasi siya ang klase ng tao na magpapaliwanag kung hindi naman hinihingan ng opinyon. Hindi rin niya pinapansin ang mga balita tungkol sa kanya lalo na’t walang katotohanan ang mga iyon. Subalit sa pagkakataong ito, nag-aalala siyang maaapektuhan ng mga usap-usapan ang pagkakaibigan nila ni Ray.
Pagdating ng tanghalian, magkakasama pa rin silang apat na kumain. Ngunit kapansin-pansing pinipilit nina Nile at Aaron na magkaroon ng pag-uusap at halatang iniiwasang talakayin ang mga naganap noong Prom upang maibsan ang tensiyon sa ere.
BINABASA MO ANG
From A Distance
Fiksi RemajaFrom the moment his eyes laid upon her, she has started running in his mind. Curiosity must have killed the cat, but the desire to know her more drove him to uncover a myriad of secrets... Until he finally understood-- She's a lost soul chained t...