Walang balak umuwi si Mason pagsapit ng Sabado nang malaman ng mga kuya niyang nakaalis na si Louie kasama ng ina nito papunta sa Canada. Tiyak kasing kukulitin siya ng mga kuya kung ano ang nangyari sa paglabas nila ng dalaga. Pagkatapos kasi niyang ipadala ang unang mensahe noong nasa ospital sila, agad na ring ibinigay ni Mark ang limang libo.
Sinubukan niyang huwag pansinin ang mga tawag at text ni Mark subalit ang pagbalewala pala dito’y nauwi sa pagsundo sa kanya ng huli.
“Mase!” masiglang bati ni Charlotte. “Tignan mo! Tignan mo! Binilhan ako ng sapatos ni Kuya Mac-Mac,” tuwang-tuwang saad nito pagkapasok sa apartment dala ang isang pares ng itim na sapatos.
Nagsalubong naman ang mga kilay niya nang makita iyon at ibinaling sa kuya ang tingin. “Bakit pumayag ka?” tanong niya. De-tali kasi ang binili ng kapatid—mukhang panlalaking sapatos.
Binigyan lamang siya ng kibit-balikat ni Mark matapos uminom ng malamig na tubig. “Pangit nga naman kung naka-pants siya tapos doll shoes ang suot.”
Napatango na lang si Mason. Sa Engineering College kasi sa USTe, puting polo at kulay-abong pantalon ang uniporme ng lahat ng estudyante, lalaki man o babae.
“Maganda na rin ‘yung ganyan para hindi siya pagka-interesan ng mga lalaki dun. Alam mo namang mas maraming lalaki sa Engineering. Mas maganda nang isipin nilang one of the boys siya. Mamaya makatagpo na naman ng parang Nile ‘yan, ewan ko na lang,” bulong nito habang nakatanaw sa bunso nilang inaamoy-amoy pa ang sapatos nang may ngiti sa mga labi.
Madalas, maging siya mismo ay naguguluhan na sa gustong mangyari ng mga kapatid nila kay Charlotte. Nais nilang magkilos babae ang bunso subalit kung may binatang magpapakita ng motibo, magagalit naman. Kung ang boyish na si Charlie ay nakakapatid na ng mga taga-hanga, paano na lang kaya kung magkilos-babae ito? Ano na ang gagawin ng mga Kuya nila?
Kaya kahit papaano, nauunawaan ni Mason ang bunso nila kung bakit hindi pa rin ito nagma-mature. Sa kanilang lahat, ito ang pinaka-naguguluhan.
Sa sasakyan pauwi ng tahanan nila, halatang sabik na sabik na si Mark na magtanong. Mabuti na lamang at kapiling nila si Charlie kaya naman hindi makapag-usisa ito. Iyon nga lang, pagkarating na pagkarating nila sa bay at nakapagmano na sila sa mga magulang…
“Charlotte, ihatid mo nga ito kila Basti,” ani Chad na malapad ang ngiti habang iniaabot sa bunso ang isang Tupperware na puno ng sinampalukang manok. Agad namang tumalima ang bunso dala pa rin ang bagong sapatos na tiyak ay ipagmamalaki nito sa kaibigan.
“So, Boy Sapio… ano na ang balita?” nakangising tanong ni Mark nang sundan siya ng mga ito sa silid nilang magkakapatid. “Sabi ni Kuya Chino, late ka raw umuwi kahapon. Sa’n kayo nakarating ni Girl Sapio, hmm?”
Mas lumawak pa ang ngiti ni Chad nang marinig iyon. “Naks naman. Ang ganda namang pabaon kay Louie niyan. O ano na? Kayo na ba?”
Sumubsob lamang si Mason sa kama at ibinaon ang mukha sa unan. Saka niya inabot ang cellphone sa mga kuya na sabay pang umupo sa gilid ng higaan.
BINABASA MO ANG
From A Distance
Teen FictionFrom the moment his eyes laid upon her, she has started running in his mind. Curiosity must have killed the cat, but the desire to know her more drove him to uncover a myriad of secrets... Until he finally understood-- She's a lost soul chained t...