Kung mayroon mang pinagsisisihan si Mason, ito ay ang malamang nagkagusto pala si Charlie sa kaibigan niyang si Nile. Kung sinabi lamang niya sa kapatid na sinagot na si Nile ng kanyang nililigawan, baka hindi na nila nakitang naghihiwa ng sibuyas ang bunso para lang makaiyak. Buti na lamang at nandoon lahat ng mga kuya nila upang pagaanin ang loob ni Charlie kahit pa sa pinayagan nila itong uminom ng alak.
Nais sana niyang sisihin ang kaibigan dahil naging malapit ito sa kapatid. Subalit nilinaw naman na noon ni Nile na natutuwa lang ito kay Charlie kaya inakala ni Mason na ayos lang kung maging magkaibigan sila ng bunso.
Lubos na nag-alala silang mga kuya dahil ilang araw ding naging matamlay ang kapatid nilang dati-rati ay nakakarindi ang ingay.
Kaya pinahintulutan din itong magliwaliw kasama ng mga kaibigan nang makalimutan nito ang first heartbreak. Inisip tuloy ni Mason kung pati si Louie ay nagka-crush na rin para sana madamayan nito si Charlie. Iba rin kasi kung kapwa-babae rin ang magbibigay ng payo sa kapatid.
Mukha namang nakatulong ang pagsama-sama ng bunso nila sa mga kaibigan dahil bumalik din ito sa pagiging makulit at madaldal. Tingin ni Kuya Marcus noon, nasobrahan sa chocolate dahil binigyan ni Louie si Charlie ng malalaking dark Toblerone dahil dumating pala galing sa Japan ang Mommy nito. Naisip noon ni Mason na ayos na sigurong sugar high ang nagpabalik sa dating sigla ng kapatid kaysa naman tumagal pa ang pagiging matamlay nito.
Mabuti na lamang at parehas na good influence sina Louie at Chan-Chan dahil sa kasamaang-palad, nabalitaan nila mula sa kapatid na tatanggalin daw ito sa softball team kung hindi tataas ang mga grades. Kaya naman pumayag din ang kanilang mga magulang na maki-overnight ang bunso kila Louie para daw sabay-sabay silang mag-review.
Nahiwagaan nga lamang si Mason dahil mukhang wala namang natutunan ang kapatid nang umuwi ito kinabukasan. Puro kasi papuri sa laki ng bahay ng mga Kwok ang bukam-bibig nito.
“Wala ka naman yatang natutunan eh,” singhal ni Mason habang nakahiga silang dalawa sa kama. Sila kasi ang magkatabing natutulog habang si Chuck at si Mark na kapwa hindi pa nakakauwi ay doon naman sa kabilang kama. Si Marcus at Chino kasi ay parehas na nagdo-dorm na noon.
“Meron ah!” depensa naman ni Charlie. “Sumakit kaya ‘yung ulo ko kaka-aral. Pinagod nila Louie ‘yung utak ko. Kung hindi pa naawa sa’kin si Chan-Chan, baka napatay na ni Louie ‘yung mga braincells ko!” angal pa nito.
Natawa na lamang si Mason. Sa totoo lang, inaantok na rin siya pero hindi naman kasi siya titigilan ng kapatid hangga’t hindi ito napapagod magsalita. “Ano pa?”
Tumingala si Charlie yakap ang isang teddy bear na niregalo sa kanya ni Elise. “Ahh, teka… anlake nung miming pool nila!! Tas pabilog ‘yung kama ni Louie!!! Tapos may backtub pa siya!! Tas ang galing pala niyang mag-paint! Lahat nung dekorasyon sa kwarto niya, puro painting niya!”
Ipinatong na ni Mason ang isang braso sa kanyang mga mata. Sa boses kasi ng kapatid na namamalat na, halatang pagod na rin ito. Hindi tuloy alam ni Mason kung talaga bang nag-aral ito o naglaro lang.
Napakunot na lamang siya ng noo nang biglang humagalpak sa tawa ang kapatid. “Alam mo ba, alam mo ba? Ay teka, ‘wag mo munang sasabihin kahit kanino na sinabi ko sa’yo ‘to ah. Magpramis ka muna Mason!”
“Sige, promise,” ungol niya.
“Hehe, sikretong malupit ito ni Louie ah. Natatawa kasi talaga ako, kailangan kong i-share, hahahaha,” dagdag pa nito.
Sa isip-isip ni Mason, kung sikreto pala iyon, bakit ipagsasabi pa ng kapatid? Pero hindi na lang siya kumibo. Makakalimutan din naman siguro niya ang sasabihin ng kapatid dahil sa sobrang antok.
“Si Louie.. hehe.. nagtatago ng picture ni Aidan sa ilalim ng unan niya, BAHAHAHAHA!”
“Sino ‘yun?”
“Yung basketball player sa high school! Bakit di mo kilala?” nagtatakang tanong ni Charlie.
“Crush niya si Aidan?” halos pabulong na tanong niya.
“WUHAHAHA!! Hindi lang kras! Kras na kras niya kaya! At eto pa, eto pa,” sabik na sabik pang kwento ng kapatid. “May diary si Louie. At puro si Aidan din ang laman non! Nakakatawa talaga! HAHAHA!”
Dahil sa nalamang iyon, nalungkot si Mason para sa kaibigang si Ray. May crush na pala ang crush ng kabarkada niya. Pero bakit si Aidan na halos limang taon ang tanda sa kanya?
“Tingin daw ni Louie si Aidan ‘yung nagbigay nung lab letter sa kanya nung grade six daw siya eh. Tingin mo?”
Nagkibit-balikat na lamang si Mason kahit tandang-tanda niyang naghulog din ng sulat si Ray sa locker ni Louie. Iyon kaya ang tinutukoy ni Charlie?
“Pero ang weird naman nung Aidan na ‘yon kung siya nga ‘yung nagbigay nung sulat. Diba ka-batch siya ni Kuya Mark? Gurang na nagkakagusto pa sa bata?”
“Ssh! Ikaw, kung anu-anong nalalaman mo. Matulog ka na nga!” sumbat ni Mason.
“Ikaw ba Mase? Sino’ng kras mo?” tanong pa ng kapatid bago ito humikab.
“Wala,” tipid na sagot naman ni Mason. Wala kasi siyang panahon sa mga mababaw na bagay. Naniniwala siyang nakakagulo lamang iyon sa pag-aaral. Naalala na naman niya ang sinapit ng kapatid. Crush pa lang iyon pero labis nang nasaktan. Parang ayaw danasin iyon ni Mason.
“Eh, ang boring mo naman. Ako nga nagka-kras na eh. Talo pa kita. Tss. Masaya kayang magka-kras.”
“Masaya? Eh bakit ka umiyak?” ganti naman ni Mason.
“Bakit? ‘Pag kras pa lang ba, hindi ka na pwedeng masaktan?” balik-tanong ni Charlie. “At least ako, naranasan kong magka-kras, ‘yung kiligin, ganun. Eh ikaw?”
Napangiti si Mason. Tama nga naman ang kapatid. “Wala talaga eh.”
“Ganun? Boo,” kumento ni Charlie. “Basta ‘pag nagka-kras ka, sabihan mo ko. Tas pag may bago na ulit akong kras, sasabihan kita.”
“Oo na. Matulog ka na. Kaya ‘di ka lumalaki eh,” natatawang sabi ni Mason at suminghal naman ang kapatid.
Pero oo nga, bakit ba hindi pa nagkakagusto si Mason gayong hindi naman siya nawalan ng taga-hanga?
BINABASA MO ANG
From A Distance
Teen FictionFrom the moment his eyes laid upon her, she has started running in his mind. Curiosity must have killed the cat, but the desire to know her more drove him to uncover a myriad of secrets... Until he finally understood-- She's a lost soul chained t...