10. Kulog at Kidlat

22.5K 274 25
                                    

“Mason, ipanalo mo ah,” pagmo-motivate ng kapatid na minasa-masahe pa nito ang mga balikat niya bago umakyat si Mason sa entablado. “Kahit hindi mo pa alam ang sagot, pindutin mo na agad ‘yung buzzer. Sigurado namang parang scientific calculator ‘yang utak mo. Masasagot mo rin ‘yung tanong bago pa maubos ang oras!” dagdag pa ni Charlie.

Si Mason kasi ang napiling representative ng UST para sa isang Inter-high school Math Quiz Bee. Pinaka-paborito rin kasi niya ang subject na iyon simula noong bata pa lamang siya. Hindi rin niya mawari kung bakit natsa-challenge siya sa tuwing nakakakita ng formula at hindi titigilang sagutan hangga’t hindi niya nakukuha ang tamang sagot kahit pa pagpuyatan niya. Madalas nga, nagugulat na lamang siya dahil kulang na lang, pati ang paglakad o di kaya ay ang pagsasalita ng kausap ay i-compute pa niya.

Mathematical formula na rin yata ang tingin niya sa bawat taong nakakasalamuha. Maraming madali lang kalkulahin na parang simpleng addition, subtraction, multiplication at division problems— mga taong sa unang tingin pa lang, alam na agad ni Mason kung anong ugali. Meron din namang parang Algebra– medyo kailangang suriing mabuti bago malaman kung paano pakikisamahan. Meron ding kailangan ng trial and error – mga di-maiwasang kausapin ng ilang beses bago maunawaan.

Pero meron ding mangilan-ngilang mahirap intindihin o iyong tipong nasa Calculus level. Karaniwang ito ang hindi nagpapatulog kay Mason dahil kahit anong pilit niyang intindihin, tila ba hindi pa rin tama ang naiisip na sagot.

At oo, isa dito si Louie Antoinette Kwok.

Batid ni Mason na hindi sapat ang pagmasdan lamang ang kilos nito. O ang madalang na pakikipag-usap dito. Sa paghihimay-himay kasi ni Mason mula sa mga naikukwento ni Charlie, tila ba maraming issues ito lalo na sa pamilya.

Kaya naman hindi na rin niya ito maikumpara sa kapatid. Mababaw at may pagka-isip bata kasi si Charlie. Samantalang si Louie naman ay paiba-iba depende siguro sa mood. Pakiwari ni Mason ay nadadala nalang ng kapatid niya ang kaibigan dahil nga makulit. Subalit kapag nakausap naman ng seryoso, mature mag-isip si Louie na tila ba napakarami nang napagdaanan sa buhay.

Mas lalo tuloy na naging interesado si Mason kay Louie Kwok habang patuloy na dumarami ang mga katanungan sa kanyang isipan.

Kung minsan nga, nais na niyang itanong sa mga kaibigan lalo na kay Ray kung naiisip din ba nito ang mga tanong na bumabagabag kay Mason. Ngunit binalewala na lamang niya ito upang makaiwas na rin sa mas matinding pang-uusisa ng kaibigan sakali mang maraming maungkat si Mason tungkol kay Louie.

Nanumbalik ang ulirat ni Mason nang marinig ang masigabong palakpakan galing sa mga tagapanood ng Quiz Bee. Napatingin siya sa scoreboard at nalamang lumalaki na pala ang lamang ng kalaban. Napatingin din siya sa gawi ng kanyang mga taga-suporta—ang pamilyang Pelaez at si Chan-Chan.  Sabado kasi iyon at hindi naman required na panoorin ang laban. At medyo madalas na ring umulan kaya walang masyadong dumalong bisita.

“Kaya mo yan Mason! Kaya mo yaaan! ‘Wag kang magpapatalooo!” halos mangiyak-ngiyak na ang boses ng bunsong kapatid at napailing na lamang si Mason saka niya itinuon ang buong atensiyon sa patimpalak na iyon.

From A DistanceTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon