From: #6.Princess_Charlotte
Eh? D ko nsbi sau? Ttpusin dw ni bespren ung hiskul dto bago cla pmunta sa Canada ni Tita Louise <(^_^)v
Nais humilata ni Mason sa damuhan ng Sunken Garden nang matanggap iyon mula sa kapatid. Nangahas na kasi siyang magtanong dito tungkol kay Louie.
Maya-maya pa ay nakatanggap ulit siya ng mensahe mula sa bunso.
From: #6.Princess_Charlotte
Batet? Mami-miss mo xa? Ayie. Kras mo tlaga si bespren noh? Hihihi ^_^
Pinili na lamang niyang huwag sumagot sa text na iyon. Mahirap na. Sa kadaldalan ni Charlie, baka kung ano pa ang maibulalas nito kay Louie.
Biglang naisip ni Mason kung dapat ba niyang balitaan si Ray tungkol dito subalit binawi rin iyon. Mukhang wala naman nang alam ang kaibigan tungkol sa dalaga simula nang maghiwalay sila. Bukod pa rito, hindi na rin sila nagkakamustahan ng kabarkada maliban lang kay Nile.
Upang hindi na dibdibin ang nangyari sa kanilang barkada, hinayaan na lamang niyang mabaling ang atensiyon sa mga naglalaro sa Sunken Garden. Mainam nang pampalipas oras iyon.
Subalit sa paglipas ng oras, parang nais nang hilain ni Mason ang bawat segundo at minutong tumatakbo. Kulang na lang ay titigan niya ang relos at kusang paandarin nalang iyon. Pagkatapos magbuntong-hininga, nagpasya na lamang siyang maglakad papunta sa Church of the Holy Sacrifice upang magsimba. Ipagdadasal na lamang niya si Charlotte na sana’y makatanggap ito ng himala at pumasa sa pamantasang iyon.
Hindi na niya isinama sa dasal niya si Louie. Sigurado naman siyang papasa ang dalaga.
Nanghihinayang lamang siya sapagkat walang saysay din naman ang pagpasa ni Louie sa UP kung sa ibang bansa naman ito mag-aaral. Subalit kahit papaano ay nagbabakasakali pa rin siyang hindi na ito tumuloy sa Canada. Tiyak kasing malulungkot ang kapatid kung mapapalayo ang isa sa mga matatalik na kaibigan nito.
Nang matapos ang misa, bumili ng dalawang C2 si Mason bago tinahak ang daan pabalik sa Sunken Garden. Iniisip kasi niyang baka matagalan pa siyang maghihintay. Maganda nang may reserba siya nang inumin panlaban sa init habang nakatunganga sa mga naglalaro doon. Gayunpaman, dumaan na rin siya sa CBA upang tignan kung tapos na ang UPCAT.
Hindi na siya nagtaka nang makitang papalabas na ng silid si Louie. Kaiba sa naluging mukha ni Charlotte, tila mas naging maaliwalas pa ang anyo ng dalaga. Tila hindi man lang yata nahirapan sa pagsusulit na iyon.
Lalapitan na sana niya ulit ang dalaga nang maramdamang may kumalabit sa kanya. Napaigtad siyang lumingon.
“Mason Pelaez, it’s nice to see you again,” bati ng guro nilang si Mrs. Rubino. English teacher niya ito noong graduating siya ng hayskul. “Hinihintay mo ba si Charlie?”
Napatango na lamang si Mason sa guro. “Kayo po?”
BINABASA MO ANG
From A Distance
Teen FictionFrom the moment his eyes laid upon her, she has started running in his mind. Curiosity must have killed the cat, but the desire to know her more drove him to uncover a myriad of secrets... Until he finally understood-- She's a lost soul chained t...