Katatapos lamang magsimba ng pamilyang Pelaez nang mapagkasunduan ng mag-anak na dalawin si Hiro sa ospital. Bagamat malayo na sa panganib, inabisuhan ang binata ng doktor na manatili muna sa ospital upang tuluyang maka-recover ang katawan. Nauna nang dinala ng mga magulang nila ang Xbox nito noong nakaraang linggo upang hindi mabagot si Hiro na pirming nakahiga lamang sa kama at nagpapagaling.
Paalis na sila pagsapit ng hapon nang magpaiwan ang bunsong si Charlotte. “A-Ahhh…ano, may tinatapos pa po akong mas importante pa kay Hiro,” anito at nangakong ito na lamang ang magsasara ng bahay at susunod sa ospital.
Nagkatinginan naman sina Mark at Chad na pawang mukhang nababagabag.
Gumagawa pala ng paper roses si Charlotte na siyang itinatago sa mga kahong pinaglagyan ni Hiro ng Cherifer noong kaarawan ng bunso. Ilang buwan nang pasikretong tinatapos iyon ni Charlie subalit sa ‘di-inaasahang pangyayari habang naglilinis sina Chad ng kwarto ay natuklasan nila ang mga origami. Natabig kasi ni Mark ang isa sa mga kahon at kumawala ang maraming papel na bulaklak
“Putspa, ‘pag nalaman ko talagang may nililigawan si Prinsesa, ipapasok ko siya sa kumbento,” marahas na bulong ni Mark kina Mason at Chad habang pasakay sila ng kotse. Hindi muna nila ibinalita ang hinala sa mga nakatatandang kuya habang hindi pa napapatunayan ang haka-haka nila.
Kahit na lihim na ring napapaisip si Mase sa inaasal ng bunso, mas malaking parte pa rin ang tiwala niyang walang katotohanan ang tinuran ng kapatid niya. Bukod sa wala namang naikukwento ang madaldal na si Charlie, wala rin naman siyang napapansing may kinahuhumalingan nga ito para bigyan ng mga iyon. Kaya hanggang ngayon ay palaisipan pa rin sa kanya kung para saan ang mga origami na ginagawa ni Charlotte.
Pagkarating nila sa ospital, naroon na rin si Chino na galing pa sa apartment nila sa Diliman. Sabay-sabay nilang tinungo ang silid ni Hiro. Hindi pa nga lubos na nakakapasok ang mag-anak sa kwarto’y sinimulan na nilang batuhin ang binata ng sunud-sunod na pangangamusta. Mabuti nga’t nasusundan pa nito ang mga tanong at nasasagot nang matino—patunay na magaling na nga ito.
At habang kausap ng mga magulang nila ang Ina ni Hiro na si Adeline, naungkat na rin ang pagkabigla ng mag-anak matapos mapanood sa telebisyon ang ginawang pag-amin ni Lorenzo na may anak na babae pa pala ito.
“Grabe. Hanggang ngayon, hindi pa rin kami makapaniwala na magkapatid nga kayo ni Louie,” saad ni Mark na umiiling. Ngayon lang ulit kasi nila makikita si Hiro matapos malaman ang itinatagong sikreto ng pamilya nito.
“Ako nga din eh,” nakangiting sambit ni Hiro.
Tumango-tango naman si Chad. “Oo nga ‘no, may hawig kayo,” sambit nito at halos lahat sila’y biglang napasulyap nang mabilis kay Hiro at napansing tama nga ang tinuran nito. “Pero eto, tanong ko lang ha. Na-broken-hearted ka ba nang malaman mo?” natatawang tanong nito.
Agad namang pinamulahan ng pisngi ang binata. “Kuya talaga. Medyo lang, hahaha.”
Napailing na rin si Mason sa kalokohan ng mga kapatid na sinasakyan pa talaga ni Hiro. Subalit napagtanto niyang hindi kasalanan ng binata kung mahulog nga ang loob nito kay Louie. Kahit sino naman kasi ay mahuhumaling sa dalaga. She is an epitome of beauty and brains.
BINABASA MO ANG
From A Distance
Teen FictionFrom the moment his eyes laid upon her, she has started running in his mind. Curiosity must have killed the cat, but the desire to know her more drove him to uncover a myriad of secrets... Until he finally understood-- She's a lost soul chained t...