9. Libreng Pakain

22.8K 293 15
                                    

Simula nang di-inaasahang pagkapanalo ni Mason sa pagka-Vice President, naging abala na ito sa paaralan nila. Nariyan ang kabi-kabilang pagpupulong kasama ng mga guro o di kaya ay ang mga class officers ng bawat year level. Halos buwan-buwan ding mayroong activities na kailangang pamunuan ng student council upang siguraduhing maayos ang pamamalakad ng mga ito.

  

Isama pa sa mga inaalala niya ang pag-aaral. Ayaw ni Mason na mahuli siya sa mga leksiyon kaya naman pagkauwi nito ay nagpupuyat pa para makahabol sa mga lessons o di kaya ay upang gumawa ng mga proyekto.

Paminsan-minsan na lang din kung mag-text si Chan-Chan tungkol sa kaibigan. Class president nga pala ng Second year, section one ang binatilyo at madalas na makasama ni Mason sa mga pagpupulong kabilang ang iba pang mga presidente  ng bawat klase. Batid yata nitong maraming inaatupag si Mason kaya hindi masyadong nang-iistorbo. O di kaya ay napag-alaman sigurong kusa namang nagsasabi si Charlie kaya wala na rin siguro itong masabi sa text.

 

At nakakalungkot mang isipin subalit hindi na ulit sila nakapag-usap ni Louie matapos ng nakakaaliw na pagkikita nila sa MOA.

“Mase! May bago ba tungkol kay idol?” pangungulit na naman ni Ray habang nakatungo si Mason at may pinipirmahang mga dokumento.

Nagbuntong-hininga siya bago pagod na tumingin sa kaibigan.

Na napansin naman ni Nile kaya muli, ito na lamang ang nagsalita para sa kanya. “Pare, nakita mong busy, guguluhin mo pa para sa walang kwentang bagay.”

“Hindi naman—“ angal sana ni Ray subalit pinangunahan na ito ni Aaron.

“Alam mo, nakaka-badtrip na ‘yang pagka-torpe mo ah. Hindi mo ba napapansing naaabala na kami dahil diyan sa pagsi-stalk mo kay Kwok? Ano namang napapala namin at lalo na ni Mase sa pananagap niya ng balita tungkol kay Louie?” pabalang na sagot ng kaibigan.

Nanlumo naman si Ray at mukhang pinagsakluban ng langit at lupa. Subalit hindi siya tinantanan ng dalawa.

“Oo nga,” pagsang-ayon naman ni Nile. “Kung talagang gusto mo si Louie, ikaw ang gumawa ng paraan. Hindi ‘yung lagi ka nalang umaasa sa’min. Kaya hindi ka pa rin napapansin nun eh.”

“Nahihiya kasi ako—“

“Walang mararating ‘yang hiya-hiya mo—“

“Oo nga. Bading ka yata eh—“

Ibinaba ni Mason ang ballpen na ginagamit at minasahe ang gilid ng noo. Sumasakit na kasi ang ulo niya sa dami ng kanyang inaalala, dadagdagan pa ng pagsasagutan ng mga kaibigan. “Tama na,” mahinahon niyang awat sa mga ito na tumahimik naman at tinunghayan siya. “Ray, kung wala kang balak ligawan si Louie, itigil mo na ‘yang kahibangan mo,” pagtatapos niya bago tumayo upang pumunta na lamang sa silid-aklatan upang doon tapusin ang mga gawain.

Mabuti na lamang at sa wakas, huminto na nga sa pangungulit si Ray na ikinatuwa naman ng dalawa pa nilang kaibigan. Subalit hindi pa rin ito nagsimulang manuyo kay Louie. Hopeless case na yata sa pagkatorpe.

From A DistanceTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon