16. Punong Abala

22K 295 65
                                    

Sa araw ng Prom, tanghali pa lamang ay nasa paaralan na si Mason para masubaybayan ang pag-aayos ng bulwagan. Dinala na lamang niya ang tuxedo at nagpasyang doon na lamang magbihis. Kaya naman hindi na ito nakasama sa bahay ng mga Kwok upang personal sanang makita ang bunsong kapatid na magsuot ng gown.

Hindi naman kailangang naroon nang ganoon kaaga si Mason. Subalit nais niyang makasiguradong walang palya ang pagtitipon na iyon. Hindi tulad noong nakaraang taon napabalitang nagkaroon ng napakaraming problema sa pina-reserve na hotel. Hindi kasi siya dumalo sa Prom na iyon dahil nagpanggap siyang may-sakit. Mabuti na lamang at hindi kinuwestiyon ng mga guro ang pagliban niya sa pagtitipong iyon. Marahil ay hindi nga maganda ang kabuuang karanasan kaya pinalagpas na lamang iyon.

Subalit ngayong huling taon niya sa UST at bilang Presidente ng Student Council, layunin niyang pagkatapos ng gabing iyon, babalik-balikan ng lahat ng mga dumalo ang mga alaala ng mga magaganap sa Prom. Batid niyang isa ito sa mga highlights ng high school life. Kaya naman sa abot ng kanyang makakaya, gagawin niyang memorable iyon.

 

"Sabi ko sa'yo kami nalang ang bahala dito eh," umiiling na bati sa kanya ng gurong si Ms. Leyn nang lapitan siya. Ito ang adviser ng Student Council.

"Ayos lang po, Ma'am," tipid na sagot ni Mason kaakibat ang matipid ding ngiti.

"Hello po, Kuya Mason!" masiglang bati rin sa kanya ng mga first and second year volunteers na halos mga babae at pawang mga presidente at bise-presidente ng kani-kanilang mga klase.

Kinawayan naman niya ang mga ito bago ibinaba ang gamit at tumulong sa pag-aayos --mula sa dekorasyon, ang pagkakaayos ng mga upuan at mesa para sa mga dadalo, ang sound system at mobile lights, program proper, maging ang registration booth at photobooth na nauna nang nagamit ng mga volunteers. Nag-aayos na rin 'yung catering service na inarkila nila.

Sa loob ng apat na oras, tapos at maayos na ang lahat. Kaya nagsiuwian na ang ibang volunteers habang ang natira naman ay nagpasyang kumain muna kasama ng guro para may sapat na energy daw na mag-usher at maging runner sa pagsisimula ng pagtitipon. At dahil wala namang ibang magawa, sumama na rin si Mason.

Habang hinihintay nilang maihatid sa mesa ang pagkaing libre ng guro, nag-umpisa rin ang pang-uusisa kay Mason.

"Kuya, sino ang partner mo? May balitang kumakalat na si Ate Clarisse daw. Totoo ba?" tanong ni Rona.

"Anong si Ate Clarisse? Si Charlie kaya!" sabat naman ni Vash.

"Weeeh? Di nga? Magga-gown yon, Kuya Mason? Pramis?" di-makapaniwalang kumento ni Ericka.

Umimik din naman ang isa pa nilang kasamang si April. "Diba magpe-perform yun? Baka naman mamaya naka-tux ding pumunta si Charlie!"

"Teka nga lang sandali," putol ni Ms. Leyn. "Kung pag-usapan niyo si Charlie parang ka-edad niyo lang ah. Baka nakakalimutan niyong mas matanda sa inyo yun."

From A DistanceTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon