31. Emergency!

21.4K 289 128
                                    

Araw-araw siyang kinukulit ni Dexter upang mapapayag si Mason na sumali sa college varsity. Datapwat katatapos lamang ng inter-college tournament para sa taong iyon, hindi siya tinantanan nito. Para itong head-hunter sa pagpupursige nitong makakuha ng magagaling na manlalaro para sa kanilang kupunan.

Kaya pumayag na rin si Mason. Pinayuhan na rin kasi siya ni Kuya Chino nang ma-ambush siya ni Dexter habang kumakain sila sa Rodic's. Wala naman daw masama kung susubukan. You'll never know your abilities if you don't try, ang eksaktong mga salita ng kuya. Naisip din niyang baka amagin ang Zoom BB na iniregalo ng mga kapatid kung hindi siya maglalaro lalo na't patapos na ang PE niya.

Papunta na sana siya sa ikalawang practice kasama ng Team BAA isang umaga ng Sabado nang makatanggap ng tawag galing sa bunso.

"MASE! EMERGENCY!" malakas ang boses ng natatarantang si Charlotte sa kabilang linya at napakunot ang noo niya.

"Anong nangyari?" kalmadong tanong niya habang naglalakad papunta sa sakayan ng tricycle pa-KNL.

"Hindi namin alam kung paano pumunta sa Philip's Sanctuary, hehe," bulong ng kapatid.

Napabuntong-hininga si Mason. Siya kasi ang tinanungan ni Charlie kung saan magandang mag-bonding kasama ng mga kaibigan. At dahil wala naman siyang alam, tinanong na rin niya sila Kier tungkol dito at sila ang nagmungkahi na maganda raw sa Philip's Sanctuary dahil doon sila nag-final rites para sa UP JPIA. Tinanong na niya noon ang bunso kung alam nito ang daan papunta sa Rizal subalit kampanteng sinabi nitong alam daw iyon ni Louie.

"Sige, ite-text ko sa'yo 'yung—"

"SAMA KA NALANG!" mungkahi nito. "SIGE NA! PARA HINDI KAMI MAWALA! PLIS?"

Sumang-ayon din naman sina Louie at Sebastian dito. Kaysa naman maligaw ang bunso at ang mga kaibigan nito't masisi si Mason, sinabihan na niya si Dexter na hindi siya makakarating sa ensayo dahil sa family emergency, tutal iyon din naman ang sabi ni Charlotte.

Sa Katipunan na siya sumakay ng LRT bago lumipat sa MRT pagdating sa Cubao dahil nasa McDo Quezon Ave daw ang mga ito. At habang nasa daan ay tineks na rin niya sila Clarisse kung saan dadaan at ano ang mga landmarks dahil sa totoo lang, unang beses din niyang pupuntahan ang lugar na iyon. Nakakahiya naman kung dadagdag lamang siya sa problema ng magkakaibigan.

Si Louie ang unang nakita ni Mason sa glass window nang makarating sa kitaan. Sandali siyang natigilan sa paglalakad upang kalmahin ang sarili. Ngayon lamang ulit sila magkikita para sa taong iyon dahil hindi naman ito pumunta noong kaarawan ni Charlie sapagkat sa Canada pala nagdiwang ng Pasko at Bagong Taon ang dalaga.

"YEY!!!" masiglang bati ni Charlotte kahit hindi pa siya nakakalapit sa mga ito. "Tara na!" Excited na pag-aaya nito.

Binatukan tuloy ito ni Louie. "Pinagmadali mong papuntahin dito, hindi mo man lang ba pakakainin muna?"

"Ehehehe, sareh." Nagkamot ng ulo ang bunso. "Hindi ka pa ba kumakain? Mag-take out ka nalang. Padagdag ng hasbrawn, hehe," pahabol pa ni Charlie.

From A DistanceTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon