12. Selos

23.1K 294 58
                                    

Nang makauwi si Mason, agad niyang naalalang padalhan ng mensahe si Louie Kwok bilang kasunduan nila. Nag-isip pa siya kung ano ang sasabihin subalit bandang huli, ito lamang ang naipadala niya sa dalaga:

To: Louie Kwok

Nakauwi na ko. Pahinga ka na.

 

Isang oras din siyang naghintay ng sagot ngunit hindi siya nakatanggap ng kahit ano mula kay Louie. Naisip niyang baka nagpahinga na rin ang dalaga dala ng pagod.

Subalit simula noon, sa tuwing makikita niya ang dalagita sa paaralan, malungkot na ang mukha nito, matamlay, malamlam ang mga mata at tila walang ganang pumasok at mag-aral. Hindi rin pumalya si Chan-Chan sa pagbibigay ng impormasyon tungkol sa kaibigan nila na halos pare-parehas lamang ang tema ng mensahe.

From: VP.Sebastian_Flores

Sad pa rin siya kuya :(

 

Ilang linggo ring umuuwi si Charlie na tila hinang-hina. At sa tuwing tatanungin naman ng mga kapatid ay iisa lang din ang sinasabi nito:

“Wala, nasipsip lang lahat ng energy ko. Para kasi kaming may kasamang blackhole ni Chan-Chan. Pati kami nahahawa sa bad mood niya,” anito bago sumalampak sa kama. Madalas nga, sa sobrang pagod, nakakatulog na ang kapatid nang hindi nagbibihis.

“Pansin ko lang, parang laging malungkot si idol, ‘no?” minsang kumento ni Ray habang nanananghalian silang apat at natatanaw ang tatlong magkakaibigan. “Ano kayang nangyari sa kanya?”

Umikot lamang ang mga mata ni Aaron. “Bakit di mo kasi tanungin?”

“Eh, ayoko nga. Kita mo nga kung pa’no makabantay si Charlie tsaka ‘yung si Chan-Chan? Parang papatay lang kapag may lumapit na lalaki kay idol ah,” pagtanggi naman ni Ray.

“Kilala ka naman ni Charlie. Hindi ka naman siguro sasaktan non,” sagot naman ni Nile.

“Pero di niya alam na gusto ko si Louie. Magkaibang bagay yun pre,” depensa ulit nito.

Napailing na lamang si Mason sa kaduwagan ng kaibigan. Kailan kaya ito maglalakas-loob na umamin sa dalaga? Napatingin din siya sa gawi ng kapatid at ng mga kaibigan nito. Pinagitnaan ng dalawa si Louie at mukhang nag-uusap at pilit na nagtatawanan habang si Louie naman ay hindi pa rin nagbabago ang emosyon sa mukha. Lagi lang itong may nakapasak na earphones sa tenga.

Sa katunayan, nag-aalala na rin si Mason dahil tila malaki ang epekto nito sa bunso nila. Hindi na kasi masyadong masigla si Charlie sa pagkukwento hindi tulad ng dati. Nais sana niyang tumulong ngunit sa papaanong paraan? Inakala niyang matutulungan ng kapatid ang kaibigan sapagkat magkatulad silang nasaktan dahil sa pag-ibig. Subalit tila hindi rin umubra ang pakikipag-usap ni Charlie sa dalaga. Nawalan pa nga yata ng positive energy na dati-rati nama'y nag-uumapaw ito noon. Paano naman tutulong si Mason kung siya mismo walang karanasan doon?

Nagitla na lamang siya nang makalipas ang halos isang buwan ay tila may nagbago na sa anyo ni Louie Kwok. Sa una ay hindi pa mawari ni Mason kung ano ang ipinagbago ng dalaga. Subalit napapansin niyang marami nang ibang kalalakihan mula sa iba’t-ibang baitang ang tumutunghay dito.

From A DistanceTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon