Sabay-sabay na pumunta ang magkakapatid na sila Chino, Mark, Chad at Mason sa ospital kung saan naka-confine si Louie at ang hinihinala nilang kapatid nitong si Hiro. Mabuti na lamang at hindi na nagpumilit sumama ang bunsong si Charlie dahil pinahiram ito ni Chino ng laptop kung saan abalang nanood ito ng paborito nitong Ghost Adventures. Wala rin kasing magbabantay sa kanilang tahanan kung lahat sila ay aalis. Ang panganay namang si Marcus ay nauna nang pumunta sa ospital dahil naka-duty pa ito.
Subalit nasa information booth ang magkakapatid nang may maganap na hindi inaasahan.
"O, anong ginagawa niyong apat dito?" Pamilyar ang boses ng lalaking nagtanong at nang lumingon sila ay kapwa sila nagulat sa pagdating ng kanilang mga magulang.
Unang nagmano si Chino sa mga ito. "Akala po namin, nagde-date pa kayo ni Mama kaya po hindi na muna namin kayo inabala," bati nito. "Kayo po, Pa? Ano po'ng ginagawa niyo rito?" Mukhang bihasa na ito sa pag-iiba ng usapan upang hindi sila mabuko kaya naman ipinaubaya na nila ang pakikipag-usap sa pangalawang panganay nila. Naisip ni Mason na baka isa ito sa mga natutunan ng kanyang kuya sa paglo-Law.
"Aba'y, nabalitaan namin kay Mareng Adeline na naka-confine si Hiro dito kaya bibisitahin sana namin. Buti't alam niyo na rin pala," nag-aalalang tugon naman ni Matilda. "Nahanap niyo na ba kung anong room niya dito?"
Sinulyapan ni Chino si Mark na katatapos lang magmano sa mga magulang. "O, ano Mark? Natanong mo na kung sa'n si Hiro?" Pinandilatan pa niya ito upang madaliin ang pagkuha ng detalye.
Datapwat ang bisitahin si Louie ang unang pakay ng mga ito, wala silang nagawa kundi ang sumunod sa mga magulang patungo sa ICU kung nasaan nakaratay si Hiro upang hindi sila panghinalaan pa ng ama't ina.
Sa di-kalayuan, natanaw na nila ang ina ni Hiro na si Adeline. Naka-halukipkip ito at nakadungaw lamang sa glass panel ng ICU. Nagmadaling dinaluhan ito ni Matilda at nagyakapan ang dalawang babae habang mabagal na naglakad papalapit sina Mason sa likod ng amang si Charles.
Hindi nakawala sa pandinig ni Mason ang mahinang paglatak ni Mark. Wala kasi silang mahita mula sa mahinang bulungan ng mga magulang nila tungkol sa naganap kay Hiro at sa mas kapana-panabik na detalye kung totoo ngang magkapatid sila ni Louie. Nagkasya na lamang sila sa pagtanaw kay Hiro na nakaratay sa hospital bed, naka-respirator ito at ilang IV rin ang nakaturok sa magkabilang braso nito upang suportahan ang buhay ng binata.
Maya-maya pa ay narinig ni Mason ang magkakasunod na yabag ng sapatos sa sahig at nang lumingon ay nasulyapan niya isang lalaking nasa mid-forties ang itsura. Sa suot nitong suit, gayundin sa tikas at bawat hakbang, alam na ni Mason na makapangyarihan at laking-marangya ito. Mula rin sa kulay abo subalit nakaayos na buhok nito ay naunawaan din niyang malawak ang kaalaman nito tungkol sa iba't-ibang mga bagay. Subalit hindi rin maitatwang bakas din sa mukha nito ang pag-aalala, pagkalungkot gayundin ang pagod. At ang mga mata nito... tila hindi ito ang unang pagkakataong makita ni Mason ang matang iyon.
"Dad," halos nanginginig ang boses ni Adeline at sinalubong ito ng mahigpit na yakap. Kung hindi nagkakamali si Mason, ito na ang ama ni Hiro...at maaaring ama rin ni Louie. Magalang na yumuko ang magkakapatid sa bagong dating bilang pagbati.
BINABASA MO ANG
From A Distance
Teen FictionFrom the moment his eyes laid upon her, she has started running in his mind. Curiosity must have killed the cat, but the desire to know her more drove him to uncover a myriad of secrets... Until he finally understood-- She's a lost soul chained t...