4. Kamangha-mangha

24.1K 336 17
                                    

Orientation iyon ng mga Freshmen at si Mason ang nautusang samahan ang kapatid pati ang kapitbahay nilang si Sebastian papunta sa pamantasan. Nagpasama na rin siya sa mga kaibigan upang hindi mabagot sa paghihintay na matapos ang pagtitipon na iyon.

Laking-gulat na lang niya nang salubungin siya ng kapatid matapos ang orientation at tuwang-tuwang sinabi nito na may bago silang kaibigan ni Chan-Chan. Isang linggo yatang bukambibig ng bunso nila ang bagong bespren nitong si ‘Louie’ daw ang pangalan.

Buong akala nilang lahat, isa na namang lalaki ang bagong kaibigan ng kapatid.

 

Subalit nagulat na lamang siya nang malamang si bespren Louie ni Charlie at si Louie Kwok na idolo ni Ray ay iisa.

Nalaman niya ito nang minsang makasalubong ang kapatid na humahangos pabalik sa field galing sa palikuran. Uwian na noon.

“Oy, hindi ka pa ba uuwi?” tanong ni Chuck sa bunso. “Sabay-sabay na tayo. Nasa’n si Chan-Chan?”

“’Maya pa ng konti Kuya. May laro kami ni Louie ng softball  eh,” sagot naman ni Charlie na noo’y balak mag-try outs sa softball team ng UST ayon kay Nile.

“Sino si Louie?” usisa ni Mason para lamang makasigurong iyon ang tinutukoy na bagong kaibigan ng kapatid. Ang totoo’y umaasa siyang kung hindi man si Kwok ang tinutukoy, nawa’y babae rin sana ang ‘Louie’ na bukambibig ng kapatid.

Sinalubong din sila ni Nile na nahatak pang maging kasangga ng kapatid dahil kalaban daw ng mga ito ang buong varsity ng high school softball team. “Mase, Chuck. Sila Ally daw ang kakalabanin nila. Nood tayo!” tuwang-tuwa pang pag-anunsiyo nito.

Nagningning tuloy ang mga mata ni Chuck at halos mauna pa sa kanila papunta sa field. Noon pa lamang ay alam na ni Mason kung bakit ganoon na ang reaksiyon ng nakatatandang kapatid. Assistant team captain kasi ni Ally ang sinisinta ni Chuck na si Elise.

Paparating pa lamang sila sa field nang mapansin ni Mason ang pamilyar na babaeng tumatakbo papalapit sa kanila. “Charlieeee!!!” umalingawngaw ang boses nito.

Hindi tuloy alam ni Mason kung nagdilang-anghel siya o talagang tadhanang magkrus ang landas ni Charlie at Louie.

Lubos tuloy na nasiyahan si Mason at ang mga kapatid nang malamang ang bagong kaibigan pala ng  bunso ay babae rin. Nababahala na kasi silang lahat dahil puro lalaki ang nakapaligid kay Charlie. At kahit pa siga ring kumilos si Louie, naisip nilang mapapadali ang pagpapakababae ng kapatid kung may karamay ito. Tutal, pare-parehas naman silang tatlo ng problema—tila dumaraan kasi sa identity crisis.

 

Kaya naman suportado nilang lahat ang pagkakaibigan ng tatlo.

Sa katunayan, hindi mapahindian nina Mason, Chuckie at Mark ang bunso ng yakagin silang suportahan ang pagsali ni Louie sa pageant noong Intrams. Masuwerte sila Kuya Marcus at Kuya Chino na sa UP nagkolehiyo noon dahil hindi sila nahahatak ng kapatid.

Sa ikalawang pagkakataon, namangha si Mason sa babaeng best friend ng kapatid. Sa paligsahan kasing iyon, hindi lamang napatunayang matalino si Louie. May itinatago rin pala itong kagandahan. Kaya naman mas nahulog pa ang loob ng kaibigang si Ray dito na kasama rin nilang nanonood. Sa sobrang pagkahumaling pa nga’y hindi na nakasigaw ang binata kaya boses lamang ni Charlie ang umaalingawngaw upang suportahan ang kaibigan.

Habang si Mason ay tahimik na nanood ng patimpalak na iyon at halos kay Louie lamang nakatuon ang atensiyon…

Iniisip niyang kung aayusan din kaya ang kapatid, magiging sing-ganda rin ni Louie?

 

From A DistanceTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon