30. Husay

20K 280 129
                                    

Sa pagtatapos ng buwan ng Enero ay nag-umpisa ang mga tournaments sa PE class nina Mason. Matapos ang short quiz at ang basic education on Basketball, nahati sa apat na grupo ang mga mag-aaral sa bawat klase ng naturang PE subject. Round-robin ang naging patakaran sa paligsahan. Maglalaban muna ang mga grupo sa bawat klase at ang magwawagi ay makikipagtunggali sa kung sinumang magtatagumpay sa iba pang basketball classes.

Tulad ng nakagawian niya noong hayskul, hindi rin nagpakitang-gilas si Mason sa klaseng iyon. Wala naman kasi siyang paggagamitan kung mag-e-excel siya sa larong iyon. Panatag na ang kanyang kaloobang pumapasa siya sa mga pagsusulit at mga drills. Kaya hindi na rin siya nagtaka nang mapabilang siya sa kupunan ng mga kalalakihang hindi rin gaanong nangingibabaw ang galing.

“Kulang tayo,” bulong ng isa nilang kagrupo. Unang laban nila iyon at pito lamang ang sumipot sa kupunan nila.

“Ayos lang ‘yan. Kaya natin ‘to, tiwala lang,” pagpapalakas ng loob naman ng pinakamatangkad sa kanila at sa tingin ni Mason ay pinaka-magaling nilang shooter.

Tig-sampu kasi ang miyembro ng bawat team. Kung hindi sumipot lahat ng miyembro, apat laban sa lima ang magiging laro, depende kung kumpleto ang kalaban. Bukod dito, ang grupong may mas maraming miyembrong dumating ang mamimili ng mga manlalaro mula sa kabilang grupo.

Nakita nilang nagpulong muna ang kabilang kupunan at tila pinagdedebatehan kung sinong apat sa grupo nina Mason ang palalaruin. Halatang kinakabahan na rin ang mga kagrupo nila. Sa katunayan, si Mason lamang at ang pinakamatangkad na si Dexter ang mukhang hindi apektado sa disadvantage na iyon.

Halos bumagsak din ang mga mukha ng kagrupo nang piliin si Mason sa apat na maglalaro. Iniisip siguro ng mga ito na siya ang pinakabano sapagkat hindi naman siya aktibo sa mga drills.

 

Nang magsimula ang laban hanggang sa mag-fourth quarter, tila napagkasunduan ng mga kagrupo ni Mason na huwag ipasa ang bola sa kanya kahit pa libreng-libre siya upang makapuntos.

Kaya naman napagpasyahan niyang tumulong na lamang sa depensa tutal pinapabayaan din siya ng kalaban. Iniisip siguro nilang walang maitutulong si Mase. Beinte na rin kasi ang lamang ng kabilang kupunan noon at hindi na siniseryoso ang laro.

Hawak ng sentro ng katunggali ang bola at pa-drive na sana sa basket nang magitla dahil hindi na nito hawak ang bola. Natapik at naagaw na pala ni Mason. Nakita ito ng kasangga niyang si Dexter na mabilis na tumakbo patungo sa court nila at kalkuladong inihagis niya ang bola dito. Bumaba sa labing-walo ang lamang.

Akala siguro ng kabilang team na tsamba lamang ang pagkakataong iyon.

Subalit naulit pa iyon kaya natapyasan pa ng dalawang puntos ang kalamangan. Kasabay nito ay ang paglobo ng pag-asa ng grupo ni Mason na makakahabol pa sila. Itinakda na rin siyang maging point guard o taga-dala ng bola.

Ito rin ang dahilan kung bakit humigpit ang pagbabantay ng katunggali sa kanya. Madalas nga ay dino-double team pa siya. Iyon nga lang, sadyang mabilis ang mga mata ni Mason. Nakikita niya agad kung sino sa mga kakampi ang libre at epektibong naipapasa dito ang bola upang makapuntos pa sila.

From A DistanceTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon