Matapos niyang makipagpalitan ng ngiti sa kasalubong ay ipagpapatuloy sana ni Mason ang paglalakad patungo sa Geography 1 class niya kung saan sila magkakaroon ng unang mahabang pagsusulit para sa semestreng iyon. Subalit ikinagulat niya nang huminto ang dalagang kasalubong sa harapan niya.
“Hi,” masayang bati nito sa kanya sa kabila ng tila pagkabalisa sa mga singkit na mata nito.
Hindi agad nakahuma si Mason. Lumingon pa siya upang makasigurong walang ibang kausap ang dalaga saka pa lamang siya nagpasyang sumagot. “A-Aaah… h-hello,” halos patanong niyang balik dito.
Hahakbang na sana siya paalis subalit lalo lamang lumapit ang dilag na iyon. “Uhhh… freshman?” nakangiting tanong nito na may himig pag-aalangan. Bukod sa blonde nitong buhok at singkit na mga mata, sa tono rin ng pananalita ay nahinuha na niyang may lahi ang dalaga o kaya'y baka Inggles ang first language. O di kaya ay kababalik lamang mula sa ibang bansa kung saan ito lumaki.
Mature ding tignan ang dilag dahil sa make-up -- isa sa mga dahilan kung bakit hindi rin interesado si Mason sa mga dalagang ka-edad niya. Halos lahat kasi ay tila nagmamadaling magdalaga at halos magmukha nang payaso sa kapal ng make-up. Mas kapansin-pansin sa kanya ang natural lamang o di kaya'y iyong mga hindi halatang naglalagay ng kung anu-ano sa mukha. Parang si--
Isinantabi ni Mason ang naisip at tumango na lamang sa kausap.
Nagningning ang mga mata ng dalaga at tila ba nawalan ng malaking tinik sa dibdib. “Great!” Inilahad nito ang kamay.“I’m Hayley. You are?”
Nagulumihanan si Mason sa naganap subalit hindi iyon ipinahalata. Inabot na lamang niya ang kamay ng dalaga at marahang nakipagkamayan dito bago bumitaw. “Mason.” Nagkamot siya ng batok. Hindi malaman kung paano makakaalis sa sitwasyong iyon.
Bukod sa purong Inggles ang gamit ng kausap, hindi kasi siya sanay sa mga babaeng unang nagpapakilala sa kanya. Sa katunayan, ngayon lamang nangyari iyon. Noong elementarya at hayskul kasi, wala namang naglalakas-loob na lumapit at magpakilala sa kanyang dilag. Lagi lamang silang nasa tabi at nagbubulungan sa tuwing siya ay dumaraan. Sa telepono lamang sila nagkakaroon ng lakas ng loob na makipag-usap sa kanya na hindi rin naman niya pinapansin.
“Uhm… I-I’ll go ahead," pagpapaalam niya at nagsusumamong makaalis na.
Buong akala ni Mason ay nakaligtas na siya subalit nakakailang hakbang pa lamang siya papalayo ay narinig na naman niya ang boses ng babaeng iyon: “H-Hey, Mason!” Maya-maya pa ay nasa tabi na niya ito.
Wala siyang ibang maisip na paraan upang ipahiwatig ang pagtataka na nauwi na lamang sa simpleng: “Hm?”
Humugot ng hininga si Hayley. “Where’s your next class?” tanong nito na tila nagpapahiwatig na may kailangan ito sa kanya.
“Geography one,” tugon niya at sumulyap sa relos. May labinlimang minuto pa bago magsimula ang klase. Humarap si Mason sa babae. “I-Is there anything I can help you with?” Sa itsura nitong pawisan at balisa, malakas ang pakiramdam niyang kailangan nito ng tulong. Isa lang naman ang maaaring maging problema ng isang banyagang napadpad sa lugar na hindi nito kabisado lalo na’t wala siyang kasama.
BINABASA MO ANG
From A Distance
Teen FictionFrom the moment his eyes laid upon her, she has started running in his mind. Curiosity must have killed the cat, but the desire to know her more drove him to uncover a myriad of secrets... Until he finally understood-- She's a lost soul chained t...