Alas siete pa lamang ng umaga, nasa Palma Hall na ng UP Diliman si Mason kasama ng mga kuya niyang sina Marcus at Chino na siyang tutulong sa kanyang mag-enroll para sa unang semestre. Doon kasi kumuha ng Political Science at kasalukuyang nag-aaral ng Law ang pangalawang si Chino. Sumama rin si Marcus dahil nais din daw nitong makita ang Diliman campus. Sa UP Manila kasi ito nag-aral ng Nursing at nagtapos ng Medicine.
Datapwat maaga silang nakarating doon, kapansin-pansin na ang pagdagsa ng mga mag-aaral. Halata rin kung sino ang mga nasa unang taon dahil kung hindi kumpol-kumpol ang mga ito at may hawak na mapa ng campus, kasama ng mga ito ang kani-kanilang mga magulang.
“Seventeen units ka ngayon, diba?” tanong ni Chino at tumango naman si Mason. “Kadalasan talaga kapag Freshie, hindi pwedeng mag-overload. Subukan mo nalang kung papayagan ka next sem,” payo nito.
Hanggang ngayon, tila hindi pa rin makapaniwala si Mason na seventeen units lamang ang mayroon siya sa first sem niya sa kolehiyo. Sa katunayan, dalawa lang ang major subject dahil ang apat ay puro General Education subjects at PE na. Nakatanggap na kasi siya ng mensahe mula sa matalik na kaibigang si Nile na nanlulumo sa 24 units nito sa Saint Louis University sa Baguio.
Ang paliwanag ni Marcus, halos katumbas daw kasi ng six units ng isang subject sa ibang unibersidad ang three units ng parehas na subject sa UP. Huli man sa facilities ang pamantasang iyon ay nangungunan naman sa mga aralin. Katunayan siyam sa National Center of Excellence ng iba’t-ibang larangan ay matatagpuan sa campus na iyon—kabilang na ang Math.
Napag-usapan nilang mag-anak kung bakit Business Administration and Accountancy ang kinuhang kurso ni Mason at hindi Math. Ang naging paliwanag niya sa mga ito ay ang magiging hanapbuhay kung iyon nga ang kinuha niyang course. Hindi niya pinangarap na maging guro sapagkat hindi nga siya magaling makisalamuha sa mga tao. Naisip niyang mas malayo ang mararating niya kung BAA na lamang ang kukunin. Maaari pa niyang ituloy sa Law iyon kapag nagkataon.
“Ilan kayong mag-aaral dito?” pag-uusisa ni Marcus habang hinihintay nila ang senyales ng mga student assistants kung maaari nang pumila at magbayad.
Nagkibit-balikat si Mason. Hindi kasi niya alam ang eksaktong bilang subalit batid niyang marami sa batch nila ang nakapasa sa UP. Magkagyunman, alam niyang kakaunti lamang silang nakapasok sa BAA – isa kasi ito sa mga itinuturing na quota course o iyong mahihirap na kurso. Ang huli niyang nabalitaan, sila lamang ni Clarisse ang pumasa sa kursong iyon.
Maya-maya pa ay may lumapit na lalaki sa kanila. “Brod! Musta!” bati nito at nakipagkamayan kay Chino kasunod ang tapikan ng balikat. Iyon yata ang hand gestures ng mga kasapi sa isang fraternity.
Hanggang ngayon ay isang malupit na sikreto sa kanilang magkakapatid na lalaki ang pagsali ni Chino sa isang law-based fraternity sa UP. Ang totoo niyan, wala pa yata itong balak na ipagtapat sa kanila iyon kung hindi pa nila napansin ang kalagayan nito nang minsang umuwi at halos hindi na makalakad nang mahusay. Nais na sana ng mga magulang nilang ipatingin ito sa doktor subalit tumanggi ito. Sa pag-aalala, pinauwi tuloy si Marcus upang pakiusapan ang kapatid. Doon lamang nagtapat si Chino na sumali sa kapatirang iyon dahil malaki raw ang maitutulong niyon sa hinaharap. Napagpasyahan na lamang nilang magkakapatid na itago ito mula sa mga magulang lalo na sa bunso nila.
BINABASA MO ANG
From A Distance
Teen FictionFrom the moment his eyes laid upon her, she has started running in his mind. Curiosity must have killed the cat, but the desire to know her more drove him to uncover a myriad of secrets... Until he finally understood-- She's a lost soul chained t...