19. Pagtatapos

21.2K 249 67
                                    

Simula nang magkasagutan sila ni Aaron, umiwas na ito sa kanya. Gayun din si Ray na lagi nitong kasama. Inasahan pa nga ni Mason na maging si Nile ay iiwas din sa kanya sapagkat sila namang tatlo ang unang naging magkakaibigan bago siya nakilala. Kinalaunan, silang dalawa na rin ang parating magkasabay.

Sa totoo lang, nabababawan si Mason sa dahilan ng pag-iwas ni Aaron. Kung binigyan lamang siya nito ng pagkakataong mahusay na makapagpaliwanag, siguro ay hindi aabot sa ganito ang pakikitungo ni Aaron. Walang gusto si Mason kay Clarisse. Maling-akala lang ang lahat. Tapos.

"Mase, totoo ba? Totoo ba?" pangungulit sa kanya nang minsang na-corner siya ng bunsong si Charlie. "May naririnig akong chismax. Nag-propose ka raw kay bespren Louie nung Prom?"

"Hindi," tipid na sagot lamang niya sa kapatid.

"Weeehh? Di nga? Kaya mo ba siya kasayaw non? Balita ko ikaw pa daw 'yung naghatid sa kanya kasi hina-harrass daw siya ni Ray? Sayang di ko nakita."

Mabuti na lang talaga at hindi iyon nasaksihan ng kapatid. Mas madaling magpaliwanag. "Tinataguan niya si Ray nun. Akala mo lang magkasayaw kami. Inutusan din ako ni Ms. Leyn na ihatid ko pauwi si Louie. Wala naman akong magagawa kung teacher na ang nag-utos," dire-diretsong sabi ni Mason.

Tumango-tango naman si Charlie. Laking pasasalamat niya at gullible ang kapatid sa maraming bagay. "Hmmm... ayos lang naman sa'kin kung kras mo si Louie. Para naman magka-kras ka na rin. Kawawa ka naman. Ga-graduate ka sa high school na di mo pa nararanasang magka-kras. High light kaya 'yun ng high school life," dagdag pa nito.

Tahimik na natawa na lamang si Mason. Kung minsan nagugulat siya sa mga pinagsasasabi ng kapatid. May sense din palang kausap ang bunso sa kabila ng mababaw na pag-iisip nito.

Subalit hindi na niya magawang aminin kay Charlie na tunay ngang nagkagusto siya sa kaibigan nito. Umiwas na rin kasi siya kay Louie Kwok simula nang magkasagutan sila ni Aaron at tuluyan nang nagkalamat ang pagkakaibigan nila. Mabuti na rin at naging abala ang mga fourth year students sa pag-e-ensayo sa graduation rites.

Hindi na rin siya sumasabay sa kapatid at kay Chan-Chan tuwing uwian upang mabawasan pa ang pagkakataong makasalamuhang muli ang dalaga.

Dumating ang araw ng graduation nang hindi pa rin nakakapag-usap nang matino ang buong barkada nila. Ilang beses ding sinubukan ni Nile na pagtagpuin ang landas nilang apat subalit bigo ito. Hindi rin gumagawa ng hakbang si Mason hindi dahil sa ayaw niyang magkaayos sila. Para kasi sa kanya, hindi dapat pinipilit ang isang taong hindi pa handang makipag-usap. Magiging sapilitan kasi ang pakikipagbati kung ganoon ang mangyayari. Mas mainam kung bukal sa puso ang pag-aayos nila. Wala nga lang kasiguraduhan kung kailan magaganap iyon. O kung magaganap pa nga ba.

"... our Alma Mater has honed us well. Our teachers have prepared us to a more challenging life called 'College'. In behalf of my batch mates, I would like to extend my sincerest gratitude to all our mentors for your seemingly endless patience and guidance..." Halos hindi na binabasa ni Mason ang talumpating isinulat ni Kuya Chino para sa kanya. Paulit-ulit na kasing pinabasa sa kanya iyon ng mga guro noong nag-e-ensayo pa lamang sila para sa pagtatapos hanggang sa masaulo na niya bawat linya.

"...to our families, our primary source of love and support, thank you for everything you've done and are still doing for us. We wouldn't have reached this milestone if it weren't because of you." Tulad ng mungkahi ng mga guro, sandaling tumingin si Mason sa parte ng gym kung saan nakaupo ang mga magulang ng mga nagsipagtapos at namataang may mga nagpupunas ng luha, kabilang na ang kanyang Ina. Upang pigilan ang pagtawa, tumingin na lang siya sa papel at ipinagpatuloy ang pagbabasa.

From A DistanceTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon