Laking pasasalamat ni Mason nang hindi na magtanong si Kuya Chino nang magpa-pasa-load siya. Pinagsabihan lamang siya ng kuya na huwag masyadong nagpapa-stress dahil mas mahirap ang magkasakit.
Naipadala man niya ang mensahe noong gabing iyon, hindi na rin naka-reply si Louie sa huling text na iyon ni Mase hanggang sa dumating ang kaarawan niya.
"HAPPY BIRTHDAAAAAYYY!" masiglang bati sa kanya ni Charlotte nang makapasok siya sa tahanan nila. Hindi kasi siya nakauwi noong Biyernes ng gabi dahil sa sobrang pagkahapo. Hindi na rin naman siya pinilit ng mga magulang na umuwi at pinayuhang magpahinga na lamang.
Isa-isa ring bumati sa kanya sina Charles at Matilda at mga nakatatandang kuya nila. Lihim na natuwa ni Mason nang makitang kumpleto sila para sa araw na iyon.
"O siya, ibaba mo na muna ang mga gamit mo sa kwarto niyo nang makapag-agahan tayo nang sabay-sabay," mungkahi ng ama nila.
Tumango lamang siya at tumungo na sa silid. Normal namang malinis ang tahanan ng mga Pelaez. Subalit noong araw na iyon ay tila mas luminis pa ang buong bahay. Katatapos lang yatang magspray ng aerosol dahil humahalimuyak pa rin ang samyo ng lemon. Pinalitan din ang mga kurtina't maging ang mga punda ng kama at mga unan. Napansin din niya ang tatlong paperbags sa kama na may malaking pangalan niya.
"Pasensiya ka na kung 'yan lang ang nakayanan namin ah," narinig niyang sambit ni Kuya Marcus kaya naman napalingon siya. Sinundan pala siya ng mga ito.
"Ah, di na po sana kayo nag-abala," wika niya. "Thank you po."
"Buksan mo na, Mase!" untag ng bunsong nakalapit na sa kama.
Isang bagong bola ng basketball na may tatak na Spalding, dalawang polo at isang pares ng maong pants ang laman ng mga iyon. Madalang kasi siyang bumili ng damit. Kadalasan, mga hindi na kasya sa mga kuya ang mga isinusuot niya. Sadyang maalaga kasi ang magkakapatid sa gamit kaya hindi halatang napaglumaan na ang mga iyon.
"Para 'pag may date ka, may isusuot ka namang bago," natatawang sambit ni Kuya Mark bago sila sabay-sabay na pumunta sa kusina upang mag-agahan.
'Di rin niya inasahang mas marami ang handang pagkain sa araw na iyon kumpara sa kaarawan niya noong nakaraang taon. Siguro ay dahil malaki ang naiambag ni Kuya Mark na katatapos lamang ma-promote kaya naman maraming naidagdag na putahe. Nagmistulang piyesta tuloy sa kanilang tahanan sa dami ng pagkaing bagong-luto. May palabok at spaghetti, pork barbecue at lumpia, tatlong manok, embotido, stuffed inihaw na bangus, caldereta, potato salad, macaroni salad, at iba't-ibang uri ng kakanin.
"Anong oras darating ang mga bisita mo?" tanong ni Marcus.
"Ang sabi ko po sa kanila, tanghalian pumunta rito," tugon ni Mase. Mas gusto kasi niyang magkaroon muna ng oras kapiling ang buong pamilya sa hapag bago niya asikasuhin ang mga kaibigang dadalo.
"Ilan ba ang pupunta?" tila nanunuksong tanong ni Chino.
BINABASA MO ANG
From A Distance
Teen FictionFrom the moment his eyes laid upon her, she has started running in his mind. Curiosity must have killed the cat, but the desire to know her more drove him to uncover a myriad of secrets... Until he finally understood-- She's a lost soul chained t...