2. Basketball

27.1K 362 28
                                    

Lahat ng magkakapatid na Pelaez ay marunong maglaro ng basketball. Maging ang bunsong si Charlie ay marunong ding maglaro nito. Isa yata ito sa mga pagkakataong nagpapasalamat ang mga kuya nila dahil hindi lumaking maarte ang bunso at pwede silang makapa-3-on-3 sa tuwing magkakaayaang magbasketball.

Dahil din sa sport na ito kung bakit nagkaroon ng kaibigan si Mason.

First year high school siya noon at full scholar sa UST nang maging kaklase niya si Nile Rivero. Katatapos lamang ng PE class nila noon na siyang huling klase nila nung araw na iyon kung saan ang naturang sport ang naging paksa.

Habang nagsiuwian na ang karamihan ng mga kaklase nila, tahimik na tumulong si Mason upang ibalik sa equipment room ang mga nagkalat na bolang ginamit nila. Siya ang nahuli sa gym noon dahil siniguro pa niyang maayos ang lahat bago ikinandado ang equipment room.

 

Paalis na sana siya nang mapansin ang isa pang bola sa ilalim ng bleachers. Pinulot niya iyon at lumingon-lingon muna bago nag-dribble ng ilang beses saka inihagis ‘yung bola sa ring.

“Naiwan ko yata dito ‘yung bo—ASTIG!” narinig niyang may nagsalita kasabay ng pagpasok ng tira niya. Napalingon si Mason at nakitang papalapit si Nile at ang dalawa pa nitong kaibigan na mga kaklase din nila.

“Marunong ka palang magbasket, Pelaez?” namamanghang tanong pa ng kasama nitong nagngangalang Aaron.

Tipid lang ang ngiti ni Mason at aalis na sana. Lihim itong natawa sa nasambit ng kaklase. Hindi kasi siya nagpakitang-gilas sa harap ng mga kamag-aral kaya siguro ganoon ang inisip nila. Aalis na sana siya subalit ipinasa ulit sa kanya ang bola nung kasamang si Aaron  at dahil na rin nakasanayan, sinalo na rin niya ito upang hindi rin siya tamaan sa ulo.

“Ano ka ba? Siyempre marunong yan, kita mong sa baseline tumira pero swak pa rin,” pagpapaliwanag naman nung isa pa nilang kaklase na si Ray.

Halos sabay-sabay nilang ibinaba ang mga gamit sa may bleacher bago humarap si Nile sa kanya. “Tara, Mase, laro tayo. Wala naman nang ibang tao dito. Hindi mo na kailangang mahiya, hehe.”

Tuluyan nang natawa si Mason sa tinuran ng kaklase kaya nagpasya na rin siyang makipaglaro sa mga ito. Sa pagmamasid kasi niya, napansin ni Mason na hindi naman tulad ng mga papansing boys ang tatlong ito. Sadyang pala-kaibigan lamang silang tatlo.

Simula noon, naging madalas na ang paglalaro nilang apat ng basketball tuwing uwian.

Mas naging malapit si Mason kay Nile sa kadahilanang parehas silang mahilig mangilatis ng tao mula sa malayo. Iyon nga lang, marunong makisama at makipag-usap sa mga tao si Nile hindi tulad ni Mason na hindi pala-imik.

Intramurals ng high school at elementary nang malaman ni Mason na may nililigawan na pala ang kaibigan. Ipinakita kasi nito ang mga larawan ng iniirog at nabigla siya nang mapansing may pagka-boyish ang babaeng sinisinta.

“Parang ganyan din ‘yung bunso namin,” kwento ni Mason habang nakatingin sa larawang iyon. Medyo naguluhan lang dahil sa ibang larawan naman, babaeng-babae na ang itsura nung nililigawan ni Nile. Mickey, short for Mickaela daw ang pangalan na sa kasamaang-palad ay nag-migrate sa Canada.

“Talaga?! May kapatid kang babae? Akala ko puro lalaki kayo?” gulat na tanong ni Nile.

Ibinalik ni Mason ang mga larawan sa kaibigan at kunot-noong nagtanong. “Buti hindi siya natuluyang maging tomboy?”

Siya namang pagtawa ni Nile. “Hindi naman siya tomboy. Boyish lang. Marami kasing insecurities ‘yon. Ipinakita ko lang na kahit ano pa ang kilos at ayos niya, she’ll always be a girl to me and should therefore be always treated as one. Kaya ‘yun, hahaha,” nahihiyang kwento pa nito.

Mas nagulumihanan tuloy si Mason sa mga sinabi ng kaibigan. Ibig bang sabihin, may insecurities din ang kapatid niya? O dahil sa environment kaya naging boyish din si Charlie? Baka naman parehas na factor iyon?

“Oy! Mase, Nile! Panoorin natin ‘yung championship nila Kwok!” tawag sa kanila ni Ray at inakbayan sila nito para hatakin patungo sa gym.

“Sino?” tanong ni Mason habang naglalakad sila papunta sa gym. Malayo pa lang ay natatanaw na ang maraming taong nanonood ng laban.

Namilog naman ang mga mata ni Ray. “Di mo kilala si Kwok?! Idol  ko ‘yun! Galing maglaro ng basketball tapos ang talino pa. Imba talaga ‘yung batang ‘yun. Child prodigy!”

 

Umiiling na tumatawa si Nile. “Si Louie Kwok ‘yun. Grade six. Star player ng elementary girls basketball team.”

 

Ibinida pa talaga ni Ray na natalo pa raw ng idolo nito sa isang katuwaang laro si Aidan, ang kilalang heartthrob at high school varsity player, nung Grade Four pa lamang si Louie.

Lihim na natawa si Mason. Nasisiguro niyang pinagbigyan lamang ni Aidan si Louie dahil nga babae ito.

Subalit nang makita niya mismo ang anyo ng tinutukoy ni Ray at kung pa’no ito kumilos at maglaro, maging si Mason ay namangha sapagkat tila naaninag niya dito ang sariling kapatid.

Hindi napansin ni Mason na madalas na niyang inoobserbahan ang kilos ni Louie Kwok sa tuwing matatanaw niya ito mula sa di-kalayuan.

From A DistanceTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon