Dalawang magkasunod na basketball game ang hindi nagawang ipanalo ng kupunan ng CBA sa inter-college Intramurals. Kaya naman puspusan ang ginagawang araw-araw na pag-eensayo nina Mason sa pangunguna ni Dexter. Isa ito sa mga pangunahing dahilan kung bakit madalas umuuwi siyang pagod at maagang nakakatulog.
Idagdag pa rito ang sunud-sunod na midterm exams. Mabuti na lamang at nag-a-advance study si Mason kundi ay siguradong mababa ang makukuha niyang marka. Iyon nga lang, simula nang gawing araw-araw ang team practice, hindi na siya nakakapag-aral sa bahay. Kaya naman tuwing free period ay nilulubos-lubos na ni Mase ang pag-aaral.
Dahil dito kaya hindi na rin niya naabangan si Louie sa Melchor Hall datapwat hindi pa rin ito sumasagot sa kanyang paanyaya makalipas ang limang araw. Isa pa, batid rin ni Mase na karamihan sa mga subjects ng mga freshmen ay General Education kaya malabong naglalagi ang dalaga sa College of Engineering. Bukod dito, tiyak namang iimbitahan din ng bunso ang mga matatalik na kaibigan nito. Na kay Louie na lamang ang desisyon kung pauunlakan nga ang pagdalo sa kanyang kaarawan o hindi.
"Sino na’ng mga pupunta sa birthday mo?" paunang tanong ni Nile nang tumabi ito sa kanya sa may CAL Library. Mabuti na lamang at may mahabang pagsusulit ang karamihan sa mga kasamahan nila sa team kaya walang itinakdang ensayo sa araw na iyon.
Sandaling isinara ni Mase ang libro at nag-isip. Tulad ng nais ng kanyang ina, inimbitahan niya ang mga malalapit na kaibigan at kaklaseng dumalo sa kanyang kaarawan.
“Sina Patrick, Kier, Aaron at Clarisse pa lang ang nag-confirm,” tipid na sagot niya rito.
"Si Ray?"
"Susunduin daw ‘yung Tita niya sa airport."
Tumango lamang si Nile at sandaling naghari ang katahimikan kaya ibinalik na lamang ni Mase ang atensiyon sa aklat. Subalit nagsalita muli ang kaibigan. "Pupunta pala ako sa inyo sa Sabado."
Agad na nagsalubong ang mga kilay ni Mase sa tinurang iyon ni Nile. Inaya na niya ito noong nakaraang linggo subalit tumanggi rin naman ang binata. Datapwat hindi nito sinabi ang dahilan, batid ni Mase na kusa itong umayaw sa katotohanang hindi magiging maganda ang pakikitungo ng mga kuya niya kay Nile. Ano't nagbago ang isip nito? "O, buti?"
"In-invite ako ni Charlie."
Nanatiling tahimik si Mason. Noong ibinigay niya ang numero ng bunso kay Nile noong hindi nila mahagilap ang kapatid, inasahan na niyang malaki ang posibilidad na maging regular na naman ang pag-uusap ng dalawa. Para sa kanya, wala namang masama roon dahil batid niyang naging magkaibigan din naman ang mga ito. "Manliligaw ka na rin ba?"
Natawa nang pagak ang kaibigan. “’Pag nahintay ko siyang mag-debut pare, itutuloy ko na. Kahit pa tutulan ako ng mga kuya niyo. Sa ngayon, hindi muna.”“Sana makahanap ka na lang ng iba,” tiim-bagang bulong niya.
“Ano ba’ng mali kung liligawan ko si Charlotte?” Umiling-iling si Nile. “I seriously don’t get it. Hindi ba dapat ayos lang sa’yo dahil kilala mo na ako? At alam mong hindi ko lolokohin ang kapatid mo?”
BINABASA MO ANG
From A Distance
Teen FictionFrom the moment his eyes laid upon her, she has started running in his mind. Curiosity must have killed the cat, but the desire to know her more drove him to uncover a myriad of secrets... Until he finally understood-- She's a lost soul chained t...