Datapwat pinakamaagang natulog si Mason sa kanilang magkakapatid, sabay-sabay pa rin silang nagising kinabukasan. Sinanay kasi silang gumising nang maaga kahit noong mga paslit pa lamang sila para makatulong sa gawaing-bahay.
Bilang pinakamahusay sa kusina, ipinaubaya na lamang nila kay Chad ang pagluluto ng agahan. Si Chino naman ang kumuha ng mga maruruming damit nila’t isinalang na iyon sa mas malaking washing machine, habang si Mason ang bahala sa pagwawalis ng buong bahay. Ang pagdidilig sa hardin at pagtatapon ng basura ang ipinamahala nila kay Mark dahil bukod sa may katamaran ito lalo na kung wala ang mga magulang, si Mac-Mac din ang nakasira ng luma nilang washing machine.
“Oy, sapio,” tawag nito sa kanya nang matapos magdilig ng mga halaman. “May nakalimutan akong sabihin sa’yo kagabi. Agad ka kasing natulog eh.”
Mula sa pagsasalansan ng mga diyaryo sa ilalim ng mesa ng kanilang silid-tanggapan, mataman lang niyang tinignan ang kapatid habang nakakunot-noo. “Ano?”
“May limang libo ka galing kay J,” hayag nitong nag-aayos naman ng mga sapatos sa tabi ng pinto.
Mas lalong nagsalubong ang mga kilay ni Mase sa sinabing iyon ng kanyang kuya. “Bakit?”
“Ikaw daw kasi ang nagpahayag ng magandang balitang nakapasa si kapwa-mo-Sapio sa UP. Yeeesss,” panunukso nito.
Umiling na lamang si Mason subalit maya-maya’y nag-isip din. Bakit kaya siya babalatuan ni J kung pumasa sa UP si Louie? Hindi ba nila iyon inaasahan?
“Pero may catch,” pahabol ni Mark at ibinaling ni Mase ang atensiyon dito. “Makukuha mo lang ‘yung pera kung may ide-date kang babae.” Tumaas-baba pa ang kilay nito.
Sandaling natigilan si Mason sa pagsasalansan. “Sa’yo na lang.”
“Ano ba namang—Kami na nga ang gumagawa ng paraan para ilapit ka sa babae! Pati pa perang pang-date mo galing na sa ibang tao, wala pa rin?” angil nito. “Yung totoo, Pelaez ka ba talaga? Baka kung naging lalaki lang si Charlotte, naunahan ka pang manligaw non!“
“Kelan ko ba dapat gamitin?” sabad ni Mason para lamang matigil ang paglilitanya ni Mark.
Kumalma naman ito at umilng. “Tss, magpapakipot pa kasi, papayag din naman pala,” mahinang kumento nito. “Teka, kelan ba aalis si Louie?” Lalong lumuwang ang ngiti ni Mark sa tanong na iyon. Nang kibit-balikat lamang ang isinagot ni Mase, napalatak na naman ito. “Putspa naman. Edi tanungin mo mamaya! ‘Di na nakakatuwa ‘yang pagiging torpe mo ah. Galaw-galaw din ‘pag may time, sinasayang mo ang magandang lahi natin eh! Parehas kayo ni Chad!” malakas na pagpaparinig nito.
“O! O! Nasali na naman ako sa usapan, nanahimik ako dito ah!” sigaw ng huli mula sa kusina. “Tapusin niyo na ‘yan dahil tapos na akong magluto! Parating na rin daw sila Papa.”
Nanonood na silang apat ng NBA nang dumating ang mga magulang na nag-uwi ng ilang mga durian at pinya galing sa Davao. Tinulungan muna nila ang mga itong mag-ayos ng mga gamit at pinakinggan ang kwento ng mga ito tungkol sa mga lugar na napuntahan nila sa parteng iyon ng Mindanao.
BINABASA MO ANG
From A Distance
Novela JuvenilFrom the moment his eyes laid upon her, she has started running in his mind. Curiosity must have killed the cat, but the desire to know her more drove him to uncover a myriad of secrets... Until he finally understood-- She's a lost soul chained t...