44. PPP: Panliligaw sa Paraan ng Pelaez

16.1K 261 286
                                    

Nang makauwi si Mason matapos ihatid si Hayley sa condo nito ay tila wala namang napansing kakaiba ang mga kapatid niya.

Bago kasi umuwi ay dumaan muna siya sa Star Mall at doon bumili ng second hand na katulad ng cellphone upang makaiwas na rin sa pangaral ng ina. Laking pasasalamat na lamang niya dahil hindi mamahaling telepono ang ibinigay ng mga magulang.

Mabuti na rin lamang at mahusay magtipid ng pera si Mason. Sa katunayan, natanim na sa murang isipan ng magkakapatid ang kahalagahan ng bawat salaping kinikita ng mga magulang kaya kahit barya ay iniipon nila.

Kaya kahit papaano ay napanatag ang kalooban niya. Sigurado kasing pagsasabihan siya ng inang si Matilda sa oras na malaman nitong nadukutan ang anak. Hanggang ngayon kasi ay sariwang-sariwa pa rin sa alaala nilang magkakapatid nang maiwala ni Chad ang halos kabibili lamang na cellphone noong fourth year high school ito.

“Anong akala niyo sa pera, pinipitas lang sa puno? Hindi niyo ba alam na nagpapakahirap kami ng Papa niyo para mapag-aral kayo ng sabay-sabay sa magandang paaralan? Para maibigay kahit papaano ang mga gusto niyo? Tapos wawalain niyo lang? Nasaan ang pasasalamat niyo?” naiiyak at nanginginig ang boses ng nanay nila habang nasa sala silang lahat at pawang nakayuko.

Subalit panatag man siyang nakatulog noong gabing iyon ay agad ding nagising kinabukasan dahil sa kaguluhang nagaganap sa munti nilang tahanan.

May tatlong bucket meal kasi galing sa KFC na dala ang ‘di inaasahang bisita niya.

Sinalubong siya ni Mark nang may pilyong ngiti sa mga labi nito. “Ayos ah. Babae talaga ang lumalapit sa’yo Totoy!” bungisngis nito. “Teka, kayo na ba?”

“Hindi.”

“Ah okey. Anyway…halatang Intsik nga. Ang agang dumalaw para manligaw eh.”

Pinili na lamang ni Mason na huwag umimik. Baka mamaya’y maalala pa ni Elay ang usapan nila tungkol sa panliligaw. Ang totoo niyan ay nag-aalangan siya kung gagawin nga niya iyon. Hindi lang kasi siya makatanggi nang imungkahi iyon dahil baka ma-offend niya ito. Batid kasi niyang nanliligaw lang naman ang lalaki kung may gusto ito sa babae.

Subalit hindi rin naman niya maitatwa na baka makatulong nga naman ang ‘pagsasanay’ na iyon sakaling may mapusuan nga siyang dalaga sa hinaharap. Tulad ng pagtakbo at pagkapanalo niya sa Student Council, mukha namang mapapakinabangan niya ang magiging karanasan.

“’Nak, bakit hindi mo raw sinasagot ‘yung mga tawag ni Elay. Napasugod tuloy dito sa pag-aalala,” pauna ni Matilda nang makalapit si Mason sa kanila.

“Nakatulog po sa pagod,” pagdadahilan na lamang niya at pasimpleng sinulyapan ang mga kapatid na abala sa paghahanda ng hapag-kainan.

Tumango naman ang ina bago hinarap ang bisita. “’Nak, si Mase na muna ang bahala sa’yo ha. Asikasuhin lang namin ang hapag-kainan.”

“Okay po,” masayang balik naman nito.

From A DistanceTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon