Halos balutin ng katahimikan ang buong paligid nang bitawan ni Louie ang mga katagang iyon. Ilang beses pang inulit ni Mase sa kanyang isipan ang sinabi ng dalaga upang masigurong hindi siya pinaglalaruan ng kanyang pandinig.
...Date tayo, Mase...
Mataman niyang pinagmasdan ang kaharap na pasimpleng nagpapalinga-linga dahil hindi lamang siya ang hindi agad nakahuma. Maging sina Hiro at Charlie ay tila namatanda rin. Hindi kaya nabigla rin ang dalaga sa pagsambit ng mga salitang iyon?
Magkagayunman, hindi pa rin maitago ni Mase ang pagsilay ng ngiti. Ibang klase talaga si Louie. "Sige." Akmang aabutin na sana niya ang kaliwang kamay nito upang igiya palayo dahil napansin niya ang paniningad ni Hiro subalit bahagyang nagitla ang dalaga na siyang ikinapagtaka niya.
"Saan tayo magse-celebrate?!" malakas na tanong ng kapatid niyang si Charlie.
Sasagot na sana siya upang sabihing hindi na kailangang magdiwang. Nais muna sana niyang mapag-isa upang pag-isipang mabuti kung tama nga ba ang pagkakarinig niya sa paanyaya ng dalaga. Baka kasi nag-iilusyon lamang siya. Kung tunay kasing si Louie ang nag-ayang lumabas silang dalawa, bakit ito magugulat sa akmang paghawak niya rito?
"...Magbihis kaya muna kayo?" narinig niyang mungkahi ni Hiro. "Sobrang pawis mo na," puna nito patukoy sa basang damit ng kapatid.
"Wala akong ekstrang shirt eh,"tugon naman ni Louie.
"May ekstrang t-shirt ako," agad na saad ni Mason. Nakagawian na kasi niyang magdala ng isa pang pamalit tuwing may ensayo ang kupunan nila. Bukod sa jersey at shorts at sa nauna na niyang isinuot nang pumasok sa paaralan ay lagi siyang may reserbang damit. Hangga't maaari kasi ay ayaw niyang muling isinusuot ang damit na pinagwisan na niya.
Subalit sabi nga ng marami, there will always be an exception. Tulad na lamang ngayon.
Nang maiabot niya ang puting shirt sa dalaga ay pinauna na niya ito sa locker room. Dahil na rin iyon sa paghawak ni Dexter sa balikat niya bago bahagyang iginiya si Mase papunta sa men's locker room kung saan naghihintay ang isa pa nilang mga kasamahan sa CBA Team.
"So...magkakilala pala kayo ng ex ni Jem?" paunang bati ng isa nilang kasama.
Nais man niyang pabulaanan ang sinabi nito sa pagkakaroon ng 'relasyon' ni Louie at ni Jeremiah, hindi na lamang niya pinansin iyon dahil sigurado namang walang katotohanan iyon. "Best friend siya ng kapatid ko."
"Ahh, yung magaling na commentator?" natatawang kumento ni Dexter at tumango naman si Mason bago tumuloy sa isang cubicle upang magbihis. "Buti na lang talaga naka-focus si Jem sa laro kanina, kundi baka sinugod na niya yung kapatid mo, hahaha. Pero ang galing talaga eh. May future yung kapatid mo bilang announcer."
"Panalo yung naniwala yun na Hipon at Higad ang mga pangalan nina Jem at Stella eh, hahaha," dagdag pa ng isa nilang kasama. "Sa'n na pala kayo after? Nood tayo ng sine!"
"May appointment na ako, pare. Next time na lang," tanggi ni Dexter dito. "'Kaw, Mase?" pasigaw na tanong nito.
Sandaling natigilan si Mason sa pagliligpit ng pinagbihisan niya. "May class pa ako ng 5:30PM."
"Boo. I-cut mo na 'yan. May limang free cuts naman sa klase diba? O baka naubos mo na?"
Tunay ngang pinapayagang lumiban ang mga mag-aaral sa bawat klase hanggang limang beses. Subalit ni minsan ay hindi siya gumamit noon dahil bukod sa wala naman siyang ibang pagkakaabalahan, mas nanaisin pa niyang matuto kaysa magliwaliw.
BINABASA MO ANG
From A Distance
Teen FictionFrom the moment his eyes laid upon her, she has started running in his mind. Curiosity must have killed the cat, but the desire to know her more drove him to uncover a myriad of secrets... Until he finally understood-- She's a lost soul chained t...