Ilang gabi ring hindi pinatulog si Mason ng kanyang diwa simula nang malaman nilang tunay ngang magkapatid sina Louie at Hiro. May news scoop na ring lumabas sa telebisyon kung saan na-ambush interview ang ama ng mga itong si Lorenzo Kwok na tuluyan nang isinawalat sa madla ang pagkakaroon nito ng anak na babae.
“Grabe. Sobrang nagulat ako dun sa balita,” ani Clarisse habang nasa National Bookstore Katipunan sila at bumibili ng materyales para sa isang proyekto ng UP JPIA. Hindi pa siya kasapi sa organisasyon na iyon subalit minabuti na rin niyang sumama dito dahil nais din niya sanang tumingin ng magandang libro ngayong malapit na rin ang sem break. “Akala ko magkamag-anak lang si Louie at si Mr. Kwok dahil nga magka-apelyido. But I never expected them to be daughter and father!” dagdag pa nito habang tumitingin ng mga cartolina. “Alam ba ni Charlie?”
“Hindi,” tipid na sagot ni Mason habang buhat ang basket at nakabuntot sa dalaga. Sa katunayan, hindi pa rin naniniwala ang bunso nila sa nalaman. Bukod kasi sa hindi ito nanonood ng balita, tila ayaw nitong tanggapin na ang matalik na kaibigan at ang taong laging nang-aasar dito ay magkapatid pala.
“Uy! Si Ray ‘yun diba?” tuwang-tuwang pag-aanunsiyo nito kaya naman napasulyap din si Mason sa gawi kung saan nakatingin si Clarisse.
Mula sa di-kalayuan, namataan nga niya ang kaibigang si Ray na may kasamang babaeng naka-abriste pa sa braso nito. Dahil dito, nahiwagaan si Mason sa nakita. Tuluyan na kayang naka-move on ang kaibigan mula sa matinding pagkahumaling nito kay Louie na noon ay halos maglupasay pa ito upang makipagbalikan lamang ang dalaga?
Hindi namalayan ni Mason na nakalapit na pala sa binata ang kasamang si Clarisse. “Hoy! Ray!” pasigaw nitong bati nang may malapad na ngiti saka tinapik ang braso nito. Minabuti na rin niyang sumunod.
“Uy! Clarisse! Anong ginagawa mo dito?” balik-tanong naman ni Ray bago napansin ang paglapit ng kaibigan. “Mase! Long time no see! ‘Musta? Kayo na?” Nakipag-apir pa ito kay Mason na tila ba nawala lahat ng naging hidwaan nila bago maghiwa-hiwalay noong nakaraang taon.
“Hindi,” agad na tugon naman ni Mase upang pabulaanan ang sinabi ng kaibigan.
“Lagi na lang ganyan ang tanong niyo. Nakakainis ah. Dahil magkasama lang, kami na agad?” napapalatak na dagdag pa ni Clarisse bago nito binigyang-pansin ang dilag na kasama ng dati nilang kaklase. “Girlfriend mo?”
Ibubuka na sana ni Ray ang bibig subalit nauna nang nagsalita ang dalaga. “Ano, Ray… dun muna ako sa fiction category ha,” nagmamadaling saad nito bago ngumiti kina Mason at nagmadaling umalis.
Napangiti na ang binata. “Hindi pa. Nililigawan ko pa lang. Pero mukha namang sasagutin niya ako diba?” Taas-baba pa ang mga kilay nito.
Lihim na natuwa si Mason sa sinabing iyon ng kaibigan. Mukha kasing nag-improve ito simula nang mag-aral sa Ateneo. Kung dati-rati ay saksakan ng pagkatorpe si Ray, ngayon ay tila may sapat na kumpiyansa na ito upang manligaw ng babae. Tila nga nakabawi na ito mula sa pagkasawi kay Louie.
Sa ‘di niya maunawang dahilan, mas napanatag pa si Mason.
BINABASA MO ANG
From A Distance
Ficção AdolescenteFrom the moment his eyes laid upon her, she has started running in his mind. Curiosity must have killed the cat, but the desire to know her more drove him to uncover a myriad of secrets... Until he finally understood-- She's a lost soul chained t...