‘Never talk to a stranger’ ang isa sa mga motto ni Mason lalo na noong musmos pa lang ito sapagkat bata pa lang ay nakakitaan na ng angking kaguwapuhan.
Dahil dito, naranasan niya ang kaibiganin ng kung sinu-sinong lalaking kataon niya upang makapagpasikat sa mga ka-edad nilang babae. Noong una, curious lang siya kapag inaaya siya dahil hindi nga naman siya pala-imik noon. Kinalaunan at nang malaman ang totoong motibo ng mga ito, sa silid-aklatan na lang siya naglalagi tuwing break time upang makaiwas sa kanila. Naisip niyang mas tahimik ang buhay kapag nag-iisa.
Gayunpaman, hanggang sa paglaki ni Mason ay mas nadagdagan ang mga humahanga sa kanyang babae at patuloy pa rin ang pagpapapansin ng mga tagahanga niya na madalas ay tumatawag pa talaga sa bahay nila makausap lamang siya. Subalit tulad pa rin ng dati, hindi rin siya interesadong makipag-usap sa mga ito. Kaya din lagi siyang may bitbit na libro at sinabihan na rin ang mga kapatid na ayaw niyang magpa-istorbo sa kanyang pag-aaral upang hindi siya mapilitang makipag-usap sa mga ito.
Subalit maparaan ang kanyang mga taga-hanga. Dahil hindi niya pinapansin ang mga ito sa tuwing susubukan siyang kausapin sa personal man o sa telepono, nagsimula siyang makatanggap ng mga sulat mula sa mga ito na karamihan ay mga kaklase niya o di kaya ay mga mag-aaral din sa kanilang paaralan.
Ngunit wala talaga siyang interes sa mga ito kaya naman hindi niya ipinapaalam sa mga kapatid ang mga natatanggap na mga love letters. Mas madalas, matapos pasadahan nang isang beses ang mga ito, gagamitin nalang niya bilang scrap paper sa pagsagot sa Math homeworks.
Iyon nga lang, nang ilipat sa exclusive school for girls ang bunsong si Charlie, upang matulungang magkilos babae ito ayon sa kanilang mga magulang, nagulat silang lahat dahil pinagkaguluhan ito ng mga kamag-aral. Sa kanilang magkakapatid kasi ay masasabing pinaka-kamukha ni Charlie si Mason kaya naman nang malaman ng mga kamag-aral nito na magkapatid sila, si Charlie na ang madalas kinukulit ng mga ito. Grade four ang kapatid noon habang siya naman ay nasa Grade five.
Bahagyang nabigla si Mason noon nang minsang umuwi ang kapatid na may bitbit na mga liham para sa kanya mula sa mga estudyante sa school ni Charlie. Hindi rin niya alam kung bakit kilala siya ng mga estudyante galing sa mga kalapit na paaralan kahit hindi naman siya napapadpad doon.
Noong una, lahat ng mga sulat na inaabot ng kapatid ay nakapangalan pa sa kanya. Pero nang lumaon nakakabasa siya ng ilang liham na para kay Charlie. Akala noon ni Mason, napasama lang ang mga iyon sa mga sulat na para sa kanya. Hanggang sa dumating ang panahong puro para sa kapatid na pala ang mga iyon.
Nainis si Mason hindi dahil nasapawan siya ng kapatid kundi dahil hindi mahilig magbasa si Charlie kaya siya tuloy ang aksidenteng nakabasa ng mga mensaheng para sa kapatid. Kaya naman nang sumunod na araw na nag-uwi ulit ng sangkaterbang sulat ang bunso upang iabot sa kanya, ibinalik na lang niya ang mga iyon kay Charlie at sinabihan itong magbasa.
Pagkatapos noon ay bukambibig na ni Charlie na masaya itong nakakatanggap ng mga sulat at nagtaka si Mason kung bakit tila masaya pa ang kapatid gayong kapwa nitong mga babae ang naghahayag ng kanilang admiration. Para kasi sa kanya, awkward sa pakiramdam kung siya ang makakatanggap ng liham na nagsasaad ng paghanga mula sa kapwa niya lalaki.
Subalit tulad niya ay ginawa na ring scrap paper ng kapatid ang mga sulat dahil pare-parehas at paulit-ulit lang naman ang mga nakasulat dito. Alam ito ni Mason sapagkat ginuguhitan lang naman ni Charlie ang mga iyon sa tuwing pagod nang mag-aral habang siya naman ay naubusan na ng papel sa pagsasagot ng Math homeworks kaya naman nababasa rin niya ang mga mensahe.
Nabahala na lamang silang lahat noong sumunod na taon nang ipatawag ang mga magulang nila sa paaralan ng bunsong kapatid dahil daw nakikipagrelasyon si Charlie sa kapwa-babae.
Kahit na ipinaliwanag na ng kapatid sa kanilang lahat na walang katotohanan ang paratang ng mga guro, lubos na nagdamdam ang Ina nila dito. Nagkaroon din ng pag-uusap ang mga kuya nila tungkol sa bunso nila.
“Simula ngayon, huwag niyo nang tutuksuing tomboy si Charlotte ha,” pagpapaalala ni Kuya Marcus isang gabi habang tulog ang paksa ng kanilang pagpupulong. Lagi kasi nilang inaasar ang bunso dahil nga kilos-lalaki ito.
“Baka mamaya matuluyan pa ‘yang maging tibo, kawawa naman sila Mama. Pangarap pa man din niyang magkaroon ng anak na babae.”
Sumang-ayon naman ang lahat sa naging desisyon dahil iyon nga naman ang nararapat.
Habang ang mga kuya nila ay nag-aalala para sa kapakanan ng kanilang bunso, si Mason ay lalo pang na-curious sa inaasal ng kapatid.
Magiging babae pa ba kaya si Charlie? O matutuluyang maging one of the boys? Ano ang kahihinatnan ng kapatid kung parami naman nang parami ang tagahanga nitong babae?
Ang mga tanong na ito ang madalas na naiisip ni Mason. Pero batid niyang mahihirapan siyang alamin ang sagot sa mga ito kung wala naman siyang ibang basehan.
Simula noon, mas naging mabusisi pa si Mason sa pagmasid sa mga nakakasalamuhang tao.
Nais niyang makakita ng katulad ng kapatid niya upang lubusang maunawaan ito at nang makatulong na rin na gawin itong ganap na dalaga.
BINABASA MO ANG
From A Distance
Novela JuvenilFrom the moment his eyes laid upon her, she has started running in his mind. Curiosity must have killed the cat, but the desire to know her more drove him to uncover a myriad of secrets... Until he finally understood-- She's a lost soul chained t...