14. Inis

22.3K 272 39
                                    

Nagsimula na nga ang panliligaw ni Ray sa idolong si Louie Kwok at todo-suporta naman ang barkada sa layunin nitong makamit ang matamis na ‘Oo’ ng dalaga. Iyon nga lang, kung minsan ay naiinis na rin si Aaron at Nile sapagkat ginagawa silang utusan ng kabarkada.

“Hindi ka na nahiya! President ng Student Council, inuutus-utusan mo!” angil ni Aaron kay Ray. “Mase, hindi mo dapat kinukunsinti ‘to!” baling nito sa kanya.

“Ayos lang naman,” simpleng sagot naman ni Mason. Kababalik lamang kasi niya sa classroom matapos niyang personal na maihatid ang unang regalo ni Ray kay Louie.

Siya namang pag-akbay ni Ray sa kanya. “A-Mase-ing ka talaga, Mase. Kaya binoto kita eh, hahaha.”

At napailing na rin si Nile. “Kita mo ‘to, sumipsip pa talaga. Ikaw Mase, hindi mo napapansing inaabuso na ‘yung kabaitan mo,” kumento nito.

Hindi nalang siya kumibo. Tunay ngang wala naman talaga sa kanya ang madalas na paghingi ng tulong ng kaibigan upang ipahatid ang anumang regalo nito o di kaya ay ipasabi ang anumang gustong sabihin nito para kay Louie. Naunawaan naman kasi ni Mason na sa kanilang tatlo, maituturing na pinakamalapit siya sa dalaga dahil kapatid at kababata niya ang mga matatalik na kaibigan nito.

Subalit sa kabila ng panunuyo ni Ray, hindi lubusang mapagtanto ni Mason kung bakit at ano ang nagtulak kay Louie upang hayaan itong suyuin samantalang ayon kay Charlie, hindi raw pinapansin ng dalaga ang iba pang taga-hanga.

Kaya naman naging isa ito sa mga dahilan kung bakit hindi rin tumatanggi si Mase tuwing hinihingan siya ng tulong ng kaibigan. Tila curious na curious na siyang malaman kung ano ang mayroon si Ray na wala ang iba.

“Yung totoo. Sinong nagbigay niyan?” mariing tanong ng nakatatandang kapatid na si Chuck habang nasa sala ito kasama ni Mark at ni Charlie nang makauwi si Mason sa bahay nila.

“Si Louie nga!” asik ng bunso na mas maaga nang nakauwi. Sa sobrang abala kasi ni Mason sa paaralan, halos gabi na siyang nakakarating ng bahay kaya madalas na niyang pinapasabay ang kapatid sa kababata nilang si Chan-Chan.

Doon napansin ni Mason na may yakap itong teddy bear na kulay asul.

 

“Bakit ka bibigyan ni Louie ng teddy bear eh hindi mo naman birthday?” pag-uuntag din ni Mark. “Don’t tell me, nililigawan ka niya?”

Kahit nakatalikod pa ang mga ito sa kanya, batid ni Mason na bumusangot ang kapatid sa sinabing iyon ni Kuya Mac-Mac, tila hindi pa yata nila napapansing dumating na siya at naririnig silang nag-uusap. “HINDI AH!” asik nito. “Ano… may nagbigay kasi kay Louie. Eh ayaw niya, edi binigay nalang niya sa’kin, hehehe.”

“Siguraduhin mo lang ‘yan,” may halong pagbabanta sa tinig ni Mac-Mac. “Nakooo, ‘pag ikaw talaga natuluyang maging tomboy, lagot ka! Ipapadala ka sa kumbento, hahahaha!”

Natigilan si Mason  sa tinurang iyon ng kapatid habang siya ay nagtatanggal ng sapatos sa may pintuan. Hindi kaya… “’Yan ba ‘yung galing kay Ray?”

From A DistanceTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon