49. Hayaan Muna

13.2K 320 121
                                    

Wala munang nagsalita nang makaharap na silang lima sa hapag-kainan. Tila nagpapakiramdaman pa ang mga binata at nagkasya muna sa pagkakamustahan. Isa-isa namang naglahad ng nakakapagod na araw ang mga nakatatandang kuya ni Mase, bago niya naramdaman ang mga mapanuring pagtingin ng mga ito kaya napatuwid siya ng upo.

Simula na ng cross-examination.

“Ikaw, ‘Toy. Kumusta naman ang pag-aaral?” tanong ni Marcus habang abala sa paghihiwa ng manok.

“Ayos lang po,” tipid niyang sagot bago pinuno ang bibig ng pagkain upang makaiwas sa mga susunod na tirada.

“Nag-exams na ba kayo?” usisa ng panganay at tumango lamang siya. “O, kumusta naman? Pasado ba?”

“Asa namang babagsak ‘yan,” puna naman ni Mark na takam na takam sa pagsimot ng pakpak ng manok. “Kahit yata sa panaginip nagre-review ‘yan eh. ‘Di na ako magtataka kung ga-graduate ‘yan as Summa Cum Laude, ‘no, ‘Toy?” Tumango pa ito sa gawi niya.

“Kumusta naman ‘yung pag-a-apply mo sa JPIA?” tanong naman ng pangalawa.

Next year pa po ako pwedeng mag-apply,” tugon niyang umiiwas pa ring tumingin sa kahit sino sa mga kuya niya. Malakas ang kutob niyang tumitiyempo lamang ang mga ito upang talakayin ang kaganapan kanina.

“Ha? Bakit next year pa? Bakit hindi pa pwede sa second sem?” muling tanong ni Chino sa kanya.

Uminom muna ng tubig si Mase bago nagpasyang sumagot. Kung maaari lamang na bagalan niya ang pagnguya at paglunok upang magpasya na lamang ang mga itong umuwi, gagawin niya. Iyon nga lang, paubos na ang pagkain. At siya na lamang ang hinihintay. “One year po ang application process.”

Nagulat naman si Chad sa tinuran niyang iyon. “Bakit ang tagal naman? Hindi ba usually, one sem lang ang application process sa mga university orgs?”

 

“Isa po kasi ang JPIA sa main orgs. Mas rigid ang training and application,” paliwanag niya sa mga ito.

Sabay-sabay namang tumango ang mga ito bago muling nagsalita si Chad. “Sabay kayong mag-a-apply ni Elay?”

Dahil hindi naman nila iyon napag-usapan ng dalaga, nagkibit-balikat na lamang si Mase at bahagya nang nakaramdam ng kaba. Naubos na kasi niya ang nasa plato at tumayo na si Chad upang magsinop.

“Ano palang balak mo sa eighteenth birthday mo? Manlilibre ka ba sa mga kaibigan mo?”

Umiling lamang siya. “’Di na po. May pasok naman ako nun.” Isa pa, wala namang nakakaalam ng kaarawan niya bukod siguro kay Clarisse na simula high school ay walang palyang binabati siya nito.

“Anong regalo ang gusto mo?”

Hindi na rin niyang magawang sumagot dahil inunahan na siya ng isa sa mga kapatid. “Siyempre kahit anong ibigay natin diyan, ‘di na mapapansin ulit. Makasama lang niya ang pagsintang-irog niya, solb na, ‘no, ‘Toy?”

From A DistanceTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon