24. Pagbabago

20.4K 240 56
                                    

Marahil ay naninibago pa si Mason sa buhay-UP kaya hindi pa niya mawari kung ano ang nararamdaman sa mga unang linggo niya sa pamantasang iyon. Wala naman siyang problema pagdating sa mga aralin sapagkat mabilis naman niyang nauunawaan ang mga bagong konseptong itinuturo sa kanila ng mga propesor.

Doon lamang naranasan ni Mason ang mahilo sa sobrang dami ng nagsi-stand out na mag-aaral lalo na’t hindi sinusunod doon ang block section. Ibig sabihin, sa isang subject, major man o hindi ay maaring maging magkaklase ang mga estudyanteng magkakaiba ng year level.

Halimbawa na lamang ang naging karanasan niya sa unang araw ng klase sa Natural Science 2 – General Science at Biology. Sapagkat walang unipormeng sinusunod sa naturang pamantasan, malaya ang mga mag-aaral na magsuot ng kung anong maisipang isuot. Kaya naman napalingon talaga siya nang makita ang isang mag-aaral na naka-costume na pumasok sa College of Science Auditorium. Kung hindi lang niya nasisilip ang mga anime na pinapanood ng kapatid na si Charlotte, hindi pa niya mamumukhaang si Naruto ang kino-cosplay niyon. Akala ni Mason ay mayroong kung anong event kaya nakabihis ng ganoon ang kaklase. Subalit sa ikalawa at ikatlong beses niyang nakita ito sa klase, ganoon talaga ang porma niyon sa tuwing pumapasok.

May mga ilan din siyang kaklase na halos nakapambahay lamang. Mayroon pa nga yatang kagigising lamang at tila hindi na nakaligo upang umabot at hindi mahuli sa klase.

Masyado ring maraming activities sa tinaguriang Pamantasan ng Pilipinas. Sa unang linggo pa lamang kasi mayroon nang mga kung-anu-anong mga programa at pagtitipon para sa mga ‘freshies’ – ang maikling tawag para sa mga freshmen o first year students. May Freshie Orientation, Freshie Concert, Freshie Amazing Race, Freshie Quiz Bee at kung anu-ano pa—lahat ay optional. Kaya lahat din ay hindi pinuntahan ni Mason dahil wala naman siyang hilig sa mga iyon. Nasa apartment lamang siya at nagbabasa ng libro pagkatapos ng klase.

“O, hindi ka ba pupunta sa block orientation niyo?” tanong ni Chino habang nakatingin sa desk calendar ni Mason na naglalaman ng schedule niya para sa buwan ng Hunyo. Saka ito tumingin sa relos. “Alas tres na ah. Late ka na.”

Nagkibit-balikat lamang si Mason na kasalukuyang nakahiga sa kama at binabasa ang libro ng nakatatandang kapatid. Wala kasi siyang ibang mabasa kaya mga law books na lamang ni Chino ang pinapasadahan niya. Katunayan, nasa ‘Family Code of the Philippines’ ang pinagkakaabalahan niya ngayon.

Maya-maya pa ay marahang kinuha ni Chino ang librong iyon bago umupo sa kama. “Pumunta ka,” pag-uusig nito. “Hindi ka na nga pumunta sa ibang events, pati ba naman block section orientation niyo, hindi mo pa sisiputin. Sayang ‘yung experience. This is college, Mase. This might be your last chance to enjoy your life as a student. Make the most out of it. Hindi ‘yung nagpapaka-mongha ka dito.”

“I am. I’m studying, aren’t I? That’s the essence of being a student, right?” seryosong pahayag ni Mason. Tunay naman kasing nasisiyahan siya sa pag-aaral. Siguro ay magkaiba lamang sila ng pananaw ng kapatid.

Napangiti si Chino sa tinuran niyang iyon. “That is not all there is. Hindi lang naman ‘yung mga natututunan mo ang magagamit mo when you graduate. There are truths to the sayings, ‘experience is the best teacher’ and ‘no man is an island’. Paano mo ia-apply ‘yung mga natutunan mo kung hindi ka makikisalamuha sa ibang tao?”

From A DistanceTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon