75. Talento

4.2K 237 181
                                    

"Mama, pwede po ba akong pumunta kina bespren pagtapos po nating magsimba?" narinig ni Mase na tanong ng bunso habang naghahapunan ang pamilya.

"Sinong bespren yan?" mapanuring tanong ni Kuya Chad.

Saglit na napatingin si Charlotte sa kanya na tila ba nagdadalawang-isip sa isasagot. Subalit sa huli ay umamin din naman. "A-ah, kay bespren Louie po. Nagpapatulong po siya sa'kin eh."

"Kung si Louie pala, edi sige, puntahan mo," dagliang sagot naman ng kanilang ina. "Teka at gawan ko nga siya ng spaghetti mamaya nang madala mo bukas. Nakakahiya naman sa mga cake na padala niya sa atin."

"Si Totoy na lang ang magluluto, 'Ma, para made with luurrrve," pang-iinis naman ni Kuya Mac-Mac na inirapan lamang ni Mason.

"Ah, ako na lang po ang gagawa," boluntaryo ng bunso. "Baka ano.. Baka maabala pa sa pag-aaral ni Mase, ganun."

Tinignan lamang niya ang kapatid. Mukhang naaasiwa pa rin ito sa katotohanang nililigawan niya ang matalik nitong kaibigan. And he didn't and would not take it against her.

"Para saan ba yung tulong na hinihingi ni Louie? Tanungin mo, baka pera ang tinutukoy niya, mahirap 'yon," natatawang biro naman ng kanilang ama.

"Di ko po alam Papa," sagot ni Charlotte. "Pero may sinalihan daw po kasi siyang event. 'Di naman po niya sinabi sa'kin kung anong event 'yon."

Batid ni Mason na may kinalaman sa pageant na sinalihan ni Louie ang paghingi nito ng tulong. Tiyak na tungkol iyon sa talent portion ng naturang paligsahan dahil wala pang naiisip na ipapakita ang dalaga.

"Ang mas maganda, isama mo na lang si Mase," mungkahi naman ni Kuya Chino na ikina-kunot ng noo ni Mason at ni Charlie. "Kasi kung naghihingi ng tulong si Louie tapos kailangan ng brainstorming, you will need Mason's brains. Baka 'di kayanin ng goldfish memory mo kung mahirap 'yun, Prinsesa," natatawang panunukso nito.

"Grabe ka po, Kuya," busangot naman ng bunso bago ito sumubo ng piraso ng Mango Bravo. "Pero... tama naman. Baka mamaya sa sobrang hirap, bumalik sa pagiging baby yung goldfish memory ko, ayoko nga. Ang dami na naming pinagdaanan 'no."

"Ganun na nga!" sang-ayon ng pangalawang panganay na ikinatawa ng buong pamilya.

"Sige, Mase. Sama ka na lang sa akin bukas."

Tumango lamang si Mase subalit may mga alinlangan siya na ayaw niyang marining ng mga mapanukso nilang mga kuya. Kaya naman hinintay muna niyang matapos kumain ang lahat at saka lamang kinausap ang bunso nang tulad ng ipinangako nito, naghanda nang magluto ng spaghetti para sa matalik na kaibigan. Inako na lamang ni Mase ang paghuhugas ng mga pinggan.

"Charlie," bulong niya habang sinasabon ang mga plato.

"Hmm?" sagot naman ng kapatid na naghihiwa ng kaunting bawang, sibuyas at sili.

"Alam ba ni Louie na sasama ako bukas?" tanong niya.

"Ah, hindi pa. Pero sabihan ko siya mamaya pagkatapos natin dito. Bakit?" Saka siya tinignan nito. "Nahihiya ka?"

Pinamulahan nang punong-tainga si Mason at hindi nakasagot agad. Bagay na ikinatawa ng kapatid.

"Ngayon ka pa mahihiya eh nililigawan mo na si bespren?" panunukso pa nito.

Winisikan na lamang niya ito ng tubig. "Hindi sa nahihiya ako," palusot niya. "Ano... baka lang hindi okay sa kanya kung nandun ako."

"Hmm... kung sa bagay, baka mailang nga si bespren kung nandun ka," pagninilay-nilay naman nito. "Pero tama naman si Kuya Chino. Na baka kung kailangang pag-isipang mabuti yung tulong na hinihingi ni bespren, mas maganda ngang kasama ka. Magaling ka naman don diba? Mag-isip?"

From A DistanceTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon