Hindi na ulit naungkat ng mga kapatid ni Mason ang tungkol sa naudlot na paglabas nila ni Louie. At malaking tulong iyon upang hindi na rin niya maalala ang masaklap na pangyayari.
Kung anumang dahilan ni Louie sa pagtanggi, wala na siyang balak alamin. Siguro nga’y tama si Chad. Hindi pa siguro ito ang tamang oras para sa kanila ng dalaga. Kung magkakaroon man, sana’y handa na siya. Kung hindi naman ay tanggap na rin naman niya.
“Siya nga pala pagtatapos ng kursong ito, magkakaroon tayo ng final exam,” anunsiyo ng guro nila sa Kasaysayan 1 na siyang pumukaw sa diwa ni Mason. “Kailangang kabisaduhin niyong mabuti ang mapa ng Pilipinas. Kung kaya niyong i-drawing ng walang kopya, mas maganda. Kailangan niyo ring kabisaduhin ang bawat lalawigan sa bawat rehiyon. Kasama sa exam ‘yon.”
Karamihan sa mga kamag-aral ni Mason ay napalatak sa sinabing iyon ng kanilang guro, samantalang hindi naman niya inalintana iyon. Nasa ikalawang linggo pa lamang sila ng summer classes. Marami pa silang panahon upang isaulo ang mapa ng Pilipinas. Isa pa, kabisado na iyon ni Mason simula pa noong high school pa lamang kaya madadalian siya sa kursong iyon.
Napansin niya ang panyong nalaglag mula sa babaeng may kulay mais na buhok at nakaupo sa harapan niya na napatungo na rin sa armchair nito. Wala sa mga katabi niya ang nakakita kaya naman nagmagandang-loob na lamang siyang pulutin iyon.
“Miss,” pabulong niyang tawag ng pansin dito at marahang tinapik ito sa balikat. “Nahulog.”
Lumingon naman ito at bakas ang pagkadismaya sa mga tinuran ng guro. Subalit namilog ang mga mata nito kasabay ng pagkakakilanlan niya sa dalaga. “Oh, hey!” nakangiting bati ni Hayley at inabot ang panyo. “Thanks,” bulong nito at napansin ni Mase na nangingibabaw pa rin ang British accent nito. Mukhang hindi pa rin natutong magsalita ng Tagalog.
Ginantihan lamang niya ito ng isang tipid na ngiti bago itinuon ang atensiyon sa guro na muling nagsalita. “Ngayon pa lang, sinasabi ko na para makapaghanda kayo. Class dismissed.”
Halos sabay-sabay na nagtayuan ang mga mag-aaral kabilang si Mase na notebook at ballpen lamang ang dala. Nag-aalangan pa siya kung dapat ba niyang kausapin si Hayley subalit ipinagsawalang-bahala na lamang iyon at nilisan ang silid. Sa katunayan, nagtataka siya kung paanong hindi niya napansin ang dalaga na kaklase pala niya. Ganoon na lamang ba siya kadesedidong mapapayag si Louie na lumabas sila at hindi niya nagawang magmasid sa kanyang paligid?
“Mason!” tinig ni Hayley iyon at naramdaman niyang may marahang humawak sa kanyang balikat kaya lumingon siya at tipid na ngumiti dito. “I can’t believe I didn’t notice you! How long have you been sitting behind me?” namamanghang tanong nito.
Napakibit-balikat na lamang siya. Kung ganoon, parehas pala sila ng iniisip. “Kaklase pala kita?”
“I know!” segunda naman nito at napasulyap sa relos na pambisig. “Uhh, it’s already lunch time. Are you with someone?” tanong ng dalaga at minsang umiling si Mase. “Do you mind if I join you for lunch?”
Sandaling napaisip si Mason. Wala naman siyang ibang pupuntahan. Sa katunayan, kakain na rin naman siya. Wala naman sigurong masama kung sabay silang kakain ni Hayley. “Ayos lang. Tara?”
BINABASA MO ANG
From A Distance
Teen FictionFrom the moment his eyes laid upon her, she has started running in his mind. Curiosity must have killed the cat, but the desire to know her more drove him to uncover a myriad of secrets... Until he finally understood-- She's a lost soul chained t...