40. Pagsasanay

17K 246 175
                                    

Dahil sa pagpapaturo ni Hayley upang makabisado ang mga lalawigan at pangunahing bayan ng Pilipinas, idagdag pa ang pagiging Inglisera nga ito, napapasubo si Mason sa tuloy-tuloy na pagsasalita upang matulungan ang dalaga.

Madalas din, kung magkakasalubong sila sa pasilyo ng CBA ay nagkakaroon sila ng short random drills upang malaman niya kung tunay nga bang inaaral nito ang bawat rehiyon ng bansa.

“Antique,” bati ni Mason dito nang magkatapat sila. Bahagya rin siyang lumayo mula sa mga kasama niya.

“San Jose…?” nag-aalangang sagot naman ni Elay kasabay ng paghinto sa harap niya.

Tumaas ang mga kilay ni Mase dahil kulang ang sagot ng dalaga kaya naman hinintay niyang ituloy nito ang ngalan ng bayang iyon. “San Jose…?” dahan-dahan niyang pagbabaybay sa tonong patanong. Subalit nagkibit-balikat lamang ito at lumabi kaya hinayaan na lamang niya. Tutal naman, nakuha nito ang kalahati. “San Jose de Buenavista,” pagtatama niya rito. “Bohol.”

Pinagmasdan niya kung paano mariing pumikit si Elay upang alalahanin ang mga nauna nilang drills. “Tag…” Napabuntong-hininga ito. “It was very hard to pronounce, Mason. It’s confusing.”

 

Nginitian niya ito ng tipid. “’Di kita naiintindihan. Paalam.” Tinalikuran niya ito upang harapin ang mga kaibigang hindi niya alintanang mataman pala siyang pinagmamasdan. Paano matututong magTagalog si Elay kung panay naman ang pakikipag-usap nito sa Ingles? Kailangan hindi rin niya kinukunsinti ito.

“UGH!” narinig niyang paglatak nito kaya nilingon niya’t nakitang nagpapadyak pa ito dahil sa frustration. Nang magtama ang tingin nila, hindi inasahan ni Mason ang mga sumunod na pangyayari.

Kinindatan niya ito at sinagot naman siya ni Elay ng isang belat.

Natatawa si Mason na tumingin ulit sa mga kasamahan niyang napamulagat sa ginawa niya. “Ahh…”

“Sino ‘yun?” interesadong tanong ni Patrick sa kanya nang may mapanuksong tingin.

“Kaibigan,” maikling pagpapaliwanag niya bago nagpatiunang maglakad. Subalit tulad ng inaasahan, nakabuntot ang mga ito sa kanya.

“Hooo… kaibigan pero kinindatan?” pambubuska naman ni Kier.

“Bawal bang kindatan ang kaibigan?” puna naman ni Gwyndele.

Hindi na lamang umimik si Mason habang patuloy na nagtatalo ang tatlo. Saka niya napansin si Clarisse na tahimik lamang na naglalakad malapit sa kanya. “Ayos ka lang?”

Umiwas ito ng tingin. “Kaklase mo?” mahinang tanong nito habang kagat ang pang-ibabang labi.

Tumango nang minsan si Mase at sa ‘di niya malamang kadahilanan, hindi na rin ulit umimik si Clarisse. Naisip niyang siguro, masama lang ang pakiramdam nito kaya wala sa masayahing disposisyon. Hindi na rin naungkat ng mga kaibigan niya ang tungkol kay Elay. Mabuti na rin ang ganoon nang walang kumalat na kung anong balita tungkol sa kanila’t baka umabot na naman sa mga matatalas na pandinig ng kanyang mga kuya.

From A DistanceTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon