20. Bakasyon

21.5K 251 38
                                    

Nagkaroon ng munting kaguluhan sa pamilyang Pelaez pagdating ng bakasyon. Bigla kasing pinauwi ng mga magulang nila ang lahat ng mga kapatid upang magpulong.

“Ma, may problema po ba?” nag-aalalang tanong ni Kuya Marcus nang magkakaharap na sila sa hapag-kainan.

“Mama! Sabihin mo na, bilis! Eksaytment na ako eh!” halos hindi makapagpigil naman ang bunso.

Nasaway tuloy ito ni Kuya Mark na kagagaling lamang sa trabaho. “Tumahimik ka nga muna, Charlotte! ‘Di makapaghintay.”

Nagbuntong-hininga ang Ama nila bago ito nagsalita. “Gusto niyo bang magbakasyon?”

Halos sabay-sabay na sumagot ng ‘Opo’ ang magkakapatid subalit agad ding binawi iyon dahil nga sa malaking perang gagastusin sakali mang matuloy iyon. Saka ipinaliwanag ng amang si Charles ang naging pag-uusap nila ng ina ni Louie—na nagmagandang-loob ang pamilyang Kwok upang ipaupa ng limang araw sa mag-anak ang rest house nila sa La Union.

Damang-dama ni Mason ang tuwa ng mga kapatid dahil sa magandang balitang iyon. Hindi naman kasi laging nakakapag-out of town ang pamilya. Sa katunayan, ito pa lamang ang kauna-unahang pagkakataong lalabas silang walo upang magbakasyon.

“Hindi ba magbabakasyon dun ‘yung mga pinsan ni Louie?” tanong ni Chad. Pinaplano na kasi nila kung sino-sino ang magkakasama sa kwarto.

“Mukhang hindi. Nasa US na sila Kurt eh,” siyang tugon naman ni Mark. “Sana payagan akong mag-leave ng tatlong araw,” pagsusumamo nito. May isang taon na rin itong naghahanapbuhay sa isang multi-national company. Ito rin ang pinakaunang nagkatrabaho sa kanila sapagkat magtatapos pa lamang sa medisina ang panganay na si Marcus habang may isang taon pa sa abogasya ang pangalawang si Chino.

“Sabi ni bespren, sila lang ni Tita Louise ang susunod pagpunta natin dun,” dagdag pa ng bunso na hindi mapatid-patid ang ngiti sa mga labi.

Nagpanting tuloy ang mga tainga ni Mason. Matapos niyang piliting hindi makadaupang-palad sa paaralan ang dalaga pagkatapos nung Prom, mukha yatang mababali na ang pinanghahawakan niyang record kung magkikita sila ni Louie. Ang masaklap pa, sa iisang bahay lamang sila sa loob ng limang araw.

“Magpapaiwan na lang ako. Walang tao dito,” mungkahi niya para lamang makaiwas. Batid niyang suntok sa buwan ito subalit mainam nang sumubok.

“Ano ka ba, Mase?” sumbat ni Marcus. “Ngayon na nga lang tayo magkakaroon ng chance para makapagbakasyon as a family, hindi ka pa sasama? Ano bang pagkakaabalahan mo’t mas importante pa ‘yan kesa sa pamilya mo?”

Kaya naman hindi na ulit nagsalita si Mason at pumayag na ring sumama. Tama nga naman ang panganay nila, ngayon lang sila makakalabas bilang pamilya upang magliwaliw sa nayon. Kahit paano, nais din niyang maranasan iyon. Makakaya naman siguro niyang gawan ng paraan upang hindi siya malagay na sitwasyon kung saan kailangan niyang kausapin si Louie.

Sa bisperas ng pag-alis nila papunta sa La Union, balisa si Mase at hindi halos nakatulog sa kakaisip kung kakayanin nga ba niyang umiwas sa dalaga gayong ito ang naging daan upang maisakatuparan ang pangarap ng bunsong makapagbakasyon ang malaking pamilya nila. Napaka-inggrata naman niya kung hindi niya papansinin si Louie sa buong limang araw na iyon. Nasinghalan pa nga niya ang bunso na galaw rin nang galaw sa kama dahil excited nang makapunta sa dagat.

From A DistanceTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon