Chapter 65
...thou art I.
ZIE
"N-nasaan ako?" wala sa sariling wika ko habang pinagmamasdan ang isang napakagandang kastilyo sa aking harap na ngayon ko lang nakita sa tanan ng aking buhay.
Mataas ang sikat ng araw at ramdam ko ang bahagyang pag-ihip ng pang-umagang hangin. Makikita sa pinaka-tarangkahan ng napakaling kastilyo ang ilang sundalo na nakasuot ng camoflague na uniporme. Armado ang mga itong nagbabantay sa unahang bahagi ng kastilyo.
Parang pinaghalong moderno at classical ang disenyo nito. Mukhang matagal ng panahon ginawa ang kastilyo ngunit maganda pa rin ang pangangalaga rito. Para bang itong mababasa sa mga fairy tale books na mabibili sa Pilipinas. Huminga ako ng malalim at dahan-dahan na lumapit sa tarangkahan.
Hindi ko alam kung anong mayroon sa mga paa ko at para bang dinadala ako nito papalapit sa kastilyong iyon. Para bang may nag-uudyok sa akin na pumasok doon. Hindi ko maintindihan ang sarili ko na nais na malaman kung anong mayroon sa loob ng kastilyong iyon.
Patago akong sumuksok sa kumpol ng mga brushes na nakapalibot sa malaking bakod ng kastilyo na gawa sa pinagpatong-patong na bato. Baka kasi makita ako ng mga modernong sundalong iyon na may hawak ng malalaki nitong armalites at magic tools.
Napasinghap ako ng hangin nang mapatingin sa akin direksyon ang isang sundalo na nag-iikot sa paligid. Mariin akong napalunok at marahas na isiniksik ang aking ulo pailalim upang hindi ito makita ng sundalo. Yumuko ako upang hindi mapansin ngunit huli na nang may gumalaw sa ibabaw ng kumpol sa aking ulo.
"Wala namang tao rito, baka guni-guni ko lang iyon. Wala pa kasi akong tulog kaya namamalikmata ako." wala sa wisyong saad ng sundalo nang magtapat ang aming paningin sa isa't-isa.
Huminga naman ako ng malalim at napa-isip na hindi ako nakikita ng sundalong iyon? Hindi kaya napunta nanaman ako sa ibang mundo? Wala akong maalala sa mga nangyari kanina nang mawalan ako ng malay mula sa laban namin nina Aii at Ark. Hindi kaya patay na ako at kaluluwa ko na lang ito?
Dali-dali akong tumayo at pinagpag ang damit ko na puno ng maliit na tangkay at dinikitan ng ilang pirasong dahon. Tama nga ang aking hinala, hindi nga ako nakikita ng mga sundalong nagbabantay sa labas ng kastilyo. Agad kong kinuha ang pagkakataon na iyon upang matiwasay na makapasok sa kastilyo.
Sinusuri ng maigi ng mga sundalo ang bawat bisita na dumadaan sa kanilang modernong scanner. Maraming bata ang nakapila sa labas na para bang nag-fifield trip dahil ayon sa nabasa kong isang signage na nakapaskil sa gilid ng entrance, isa pala itong tourist spot.
Nakahinga naman ako ng maluwag dahil nabasa ko rin na pagmamay-ari ito ng New Silkwood kung saan nakatira sa kabilang bahagi ng kastilyo ang huling linya ng royal family. Mariin akong napakagat ng pang-ibabang labi ng mabasa kung sino ang nakatira sa kastilyong ito.
"Silkwood Palace: Pagmamay-ari ng huling linya ng dugong bughaw ng nag-iisang bansang Silkwood. Kasalukuyang nakatira sa kastilyong ito ang Anak ng Pangulong Alastor Cornell Louisenbarnn na si Zzrot Meletes Louisenbarnn at asawa nitong si Zyra Douchet-Louisenbarnn." mahinang basa ko habang pinagmamasdan ang kastilyo sa aking harapan.
Maraming bisita ang nakita ko sa loob ng kastilyo, dala-dala ang kanilang mga magagandang phones at cameras ay kinukunan nila ng litrato ang magagandang pinta ng mga anghel sa mataas na ceiling ng kastilyo. Ang mga kabataan naman ay busy sa pagbabasa ng mga historical features kasama ang kanilang guro.
