Chapter 66
Blood Moon
ZIE
"Spell Sealing Magic: Eternal Prison." isang pamilyar na boses ang aking narinig mula sa hindi kalayuan.
Agad akong napalingon kung saan nanggaling ang boses ng aking Ama. Mabilis na nagbago ang senaryo sa buong paligid, muli akong napunta sa lumang Kastilyo kung nasaan nakatira noon ang mga magulang ko. Doon nakita kong lumulutang sa ere ang aking Ama na si Zzrot ang ang Ina ko na si Zyra.
Napangiti naman ako dahil muli kong nasilayan ang aking mga magulang ngunit agad na napawi ito dahil sa kakaibang enerhiyang naramdaman ko sa aking likod. Halos manlaki ang mga mata ko nang makita ko ang babaeng nagpaliwanag sa akin ng tungkol sa kapangyarihan ng Bloodstone.
Nakangisi ang mukha nito, katulad ng ngisi ng kanyang mga anak na sina Aii at Ark. Nagtagis ang aking bagang nang magtama ang aming paningin. Hindi ko alam kung anong ginagawa ni Merlin Shendelzare at ang kapatid nito na si Escanor Shendelzare na tatay nina Shureii.
Mariin akong napasinghap ng hangin habang pinagmamasdan ang dalawa. Nakaporma ang dalawa na animo'y nilalabanan nila ang aking mga magulang. Napaisip naman ako kung ano ang kagustuhan ng dalawang ito at sila mismo ang nagpunta rito sa New Silkwood.
"Kailangan na natin tapusin ang hidwaang ito. Hangga't nabubuhay kaming dalawa ay hinding-hindi mo mahahanap ang aming Anak. Hinding-hindi mapapasainyong kamay ang inaasam-asam niyong Bloodstone." sagot naman ng aking Ina habang tinatangay ng malakas ang kanyang buhok.
Nakatutok sa dalawang magkapatid ang animo'y mga baril mula sa magkabilang kamay ng aking Ina kung saan naglalabas ng kulay pinkish white na liwanag ang bawat dulo nito. Ang maamo nitong mukha kanina na nakita ko ay nawala at napalitan ng seryosong reaksyon. Ganoon din ang aking Ama.
"Ako ba ay pinagloloko niyo? Anong wala na sa inyo ang Bloodstone?!" gulat na rekasyon ni Merlin mula sa litanya ng aking Ina.
Hindi naman sumagot ang mga magulang ko kay Merlin bagkus pinanatili lamang nila ang kanilang focus at concentration sa dalawanag kalaban sa harap. Muli akong napasinghap ng hangin dahil unti-unting nagbabago ang atmosphere sa buong paligid, mas lalong naging mabigat ito.
Walang sinuman ang nasa paligid, tanging ang aking mga magulang at ang magkapatid na Merlin at Escanor ang naroroon. Kasabay ng kakaibang enerhiya na namumutawi sa buong paligid ay sinabayan naman ng tuluyan na pagdilim ng paligid dahil sa pangangapal ng mga kulay abong ulap.
"Huwag niyo nang hintayin pa na magalit kaming dalawa sa inyo. Alam niyo naman na hindi niyo kami matatalo kapag wala sa'yo Zzrot ang Bloodstone." dagdag naman nitong si Escanor.
Sumilay ang kakaibang ngisi mula sa aking Ama "Talagang sinaktuhan niyong wala sa bansa ang Ama ko at naglakas loob kayong sugurin kami mismo dito sa teritoryo namin. Talaga bang ganyan kababa ang tingin niyo sa amin?" nang-aasar ngunit nagtataka niyang tanong sa magkapatid.
Umismid si Merlin "Oo naman, alam naman natin kung sino ang mananalo sa atin. At alam din namin na hindi namin makakayang makuha sa'yo ang Bloodstone hangga't nandito ang Ama mo." mapangmataas naman na sagot niya.
"Mind Invasion Magic: Mindscape Bolt Barrage." seryosong wika ng aking Ina at mabilis na pinaulanan ng small pinkish white light bolts ang direksyon nina Merlin at Escanor.
Halos hindi ako makahinga ng maayos habang pinapanood silang naglalaban, para sa akin at para sa Bloodstone. Naging mabilis ang pangyayari, mabilis din na sumugod ang magkapatid upang atakihin ang aking mga magulang. Halos pareho lamang sila ng mahikang ginagamit, itim na kapangyarihan.
