Chapter 64
Chronokinesis
ZIE
"B-bakit ang bagal-bagal ng oras?" mabagal wala sa sariling saad ko habang pinagmamasdan ang matagal na paglipad sa ere ng aking spell tungo sa direksyon nina Aii at Ark.
Mabagal akong napasinghap ng hangin na para bang hirap na hirap akong huminga dahil may kung anong nangyayari sa aking katawan. Dahan-dahan kong nilingon ang buong paligid at napansin na mabagal din ang mga ganap dito. Napaisip ako, hindi kaya mahika ito ng isa sa kanila?
Mabagal na nagliliparan ang mga tuyong dahon sa buong paligid. Hirap kong nilingon ang aking kamay na animo'y may napakabigat na bagay na kasalukuyang nakasabit dito dahil hindi ko ito maiangat man lang. Ilang sandali pa ay naramdaman ko na rin ang bigat sa iba pang parte ng aking katawan.
Patuloy pa rin ang paglipad ng aking spell sa direksyon ng magkakambal. Aabutin lamang dapat iyon ng halos isa hanggang tatlong segundo bago tumama sa kanila ngunit halos mag-iisang minuto na hindi pa rin ito nakakarating sa direksyon nila. Bakit kasi hindi ko inalam ang mahika ng dalawang ito noon?
Kinalma ko naman ang aking sarili upang hindi mag-panic at makapag-isip ako ng maayos. Iisa lang ang pumasok na ideya sa aking isipan, kayang manipulahin ng isa sa kanila ang oras. Oras lang ang nakikita kong dahilan kaya napakabagal ng lahat. Kayang pabagalin ng mahika niya ang anumang bagay dahil lahat ng ito ay mas oras.
Ngayon lang ako naka-encounter ng may kakayahan na gamitin ang oras kaya kailangan kong makapag-isip ng maayos upang maisahan ang dalawang ito. Alam kong hindi magiging madali sa akin ang mangyayari ngayon ngunit gagawin ko ang makakaya ko upang matalo ang magkakambal na ito.
"Hindi mo inaasahan ang mahika ko ano?" napakabagal na wika sa akin ni Aii ngunit hindi niya pa natatapos ang kanyang sasabihin ay nahinuha ko na ang kanyang ipinupunto sa akin.
Hindi naman ako sumagot at tinitigan lamang silang dalawa. Wala akong oras upang makipaglokohan dito kay Aii lalo na't masama pa rin ang tingin sa akin ng kakambal nitong si Ark. Pinilit kong pinapakalma ang aking mga kalamnan dahil alam kong aatake ang mga ito sa akin.
Mabagal na naglakad papalapit sa aking kinatatayuan si Aii. Kahit na napakabigat ng aking pakiramdam at halos mamuti ang aking mga mata kakangat ng aking mga kamay ay pinilit ko pa rin upang bigyan depensa ang aking sarili. Pilit kong hinahabol ang hininga ko habang nagpapawis na ang buong mukha ko.
Nakangisi itong inakma ang kanyang kamao na dali-dali niyang pinalanding sa kaliwang pisngi ko. Wala akong maramdaman ngunit nakita ko na lamang ang aking sarili na mabagal na lumilipad sa ere sa dahil sa malakas na impact ng kanyang pagkakasapak sa akin.
Ilang sandali pa matapos kong mabagal na nagpagulong-gulong sa lupa, huli na ng maramdaman ko ang mabigat na pwersa na nagpanginig ng aking buong kalamnan. Parang nabangga ng truck ang aking mukha dahil kahit ilang segundo na ang lumipas, tuloy-tuloy at napakabagal na namutawi sa akin mukha ang impact.
Halos mapasigaw ako sa sobrang sakit dahil hindi ko inaasahan na pinapabagal din nito ang impact ng pwersa sa isang tao. Kaya mas lalong mas masakit kapag mas lalong mabagal ang oras. Parang ilang beses akong sinapak sa mukha dahil sa lakas na iniwan nito sa akin.
"Ano masakit ba? Mas masakit 'yan kesa sa pagbatok ko sa'yo noong Bloodstone's Eve." rinig kong sabi ni Aii sa akin, huli na ng aking mapansin na nakalapit na pala ito at mabagal na hinila ang buhok.
